😎Kabanata 6: Panganib💪

1.2K 61 10
                                    



"CALDOY!" Nagagahol si Van sa paghabol sa mabilis na paglalakad ni Cala. "Oy, sandali!" Subalit padabog ang bawat hakbang ng bakla, iritable sa binata.

"Ewan ko sa'yo! Basta ako, uuwi na!" Asik ni Cala nang hindi man lang lumilingon kay Van.

Pagkatapos kasi nilang lumabas sa kainan, inaya niya agad ang binata sa pag-uwi. Pero hindi daw p'wede, maaga pa raw! Maghahanap pa raw sila ng mapapasukan niyang trabaho.

At tumanggi na siya. Sinabi niyang sa susunod na araw na lang sila bumalik ng bayan dahil pagod na siya. Hindi na niya kayang maglakad nang maglakad sa ilalim ng naglalagablab na araw. Lagkit na lagkit na ang kanyang pakiramdam. At isa pa, nakakapagod ang heels, duh!

Idagdag pa ang apat na lalaki sa likuran nila---iyong transaksiyon ba na naispatan niya kanina sa loob ng kainan. Hindi man siya tumingin ay damang-dama naman niya ang matatalim na titig ng mga ito sa kanyang likuran.

Kaya naman binubundol siya ng kaba dahil sa mga umuusbong na pangamba at pagkabahala. Lalo pa at paglabas nilang dalawa ni Van sa kainan na iyon, halos ay kasunod na rin nilang lumabas ang apat na lalaki. At itong si Van, wala man lang kamalay-malay.

Lord... nakita ko lang naman sila, maliban doon wala na akong kasalanan sa kanila. Pero bakit... bakit po parang mapapatay ako today? Bakit kailangan pa nila akong sundan? Oh! Sana po ay bumilis ang mga hakbang ko... Piping dasal niya. Mas tumatagiktik ang mga namumuong pawis sa noo at ilalim ng kanyang kili-kili.

"Cala!" At naabutan ni Van ang kaliwang braso ni Cala.

"Van, ano ba?" Pagharap kay Van ay napasinghal siya sa inis at kaba. Sa 'di-kalayuan ay natanaw niya ang apat na lalaki. "Umuwi na tayo, please?" Bigla ay pagsusumamo niya.

"Oo na!" Nangunot-noo si Van. "Uuwi na kung uuwi pero dahan-dahan lang sa paglalakad, p'wede? Tangna kasi! Para ka namang hinahabol ng---"

"Halika na, dali!" Minsan pa siyang lumingon sa likod at pahaklit na hinila sa braso ang babagal na babagal na putol-braso.


"O sige!" Padabog na kumawala si Van sa hawak ni Cala. "Gusto mo magmadali?Sige!Pagbibigyan kita!" At nagpatiuna na sa malalaking hakbang ang binata.

Sa ilang saglit ay napanganga si Cala.
'Tamo 'tong tsunggo na 'to. Nagtataray!

"Teka nga hoy!" agad nahaklit ni Cala ang likod ng T-shirt ni Van. "Hintayin mo nga ako!" Pero iritadong hinarap siya ng binata. Mariing magkalapat ang mga labi. Seryosong tumitig sa kanya.

"O ano?" Masungit nitong angil. "Nagmamadali ka, 'di ba?"

"Bakit ba ang sungit mo---"

"Ikaw ang masungit!" Ganting asik nito. "Pagkatapos nating kumain ganyan ka na kasungit tapos apurado ka pang umuwi!"

Natameme siya, lalo pa't nakikita niya ang sarkasmo sa ngisi nito.

"Ngayon ano? Anong pakiramdam ng naghahabol ka sa nang-iiwan sa 'yo? Akala mo ba, porke lalaki ako, hindi na ako marunong mapagod? Mali ka! Hindi mo lang alam pero nakakapagod humabol-habol sa taong iniiwan ka kahit tinatawag mo na..."  Tila totoong himutok ni Anton Van.

At sa palagay ni Cala, iyon na ang pinakasarkastikong litanya ng binata.

Problema nito? Hindi naman angkop sa eksena ang pinagsasasabi nito. Magantihan nga.

Tumaas ang kanyang kilay at saka humalikipkip. At talagang wala siyang pake kung nasa gitna sila ng daan; sa gitna ng mga paroon at paritong mga tao. Sakto pang nasa tapat sila ng isang bagong bukas na salon. S'yempre may malakas na patugtog! Pumapailanlang ang walang kamatayang 'Foolish Beat' ni Debbie Gibson. Iyong papansin at halos mabibingi ang nagdaraan.


Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon