😎Kabanata 7: Pagtakas💪

1.1K 56 19
                                    




VAN... bulong ng puso ni Cala nang marinig ang pamilyar na boses ng binata. Hindi siya maaaring magkamali, kay putol-braso ang boses na iyon.

Kaya naman minsan pang nabuhayan ng loob si Cala. Nagkaroon siya ng lakas para tapangan ang sarili. Nariyan si Van. Sumunod ito at ililigtas siya nito.

"Van!" Pahikbing sigaw niya. Gusto na niyang lumabas ng traysikel at takbuhin ang binata. Iyong yayakap siya at dadamhin ang seguridad sa bisig nito at sa malapad na dibdib.

"Cala!" Balik sigaw ni Van. "Mga hayop kayo! Ilabas n'yo si Cala! Pakawalan n'yo siya!" At itinutok ang baril.

"Tingnan mo nga naman!"  Napangisi si Gudo. "Ililigtas ka pala ng inutil mong boyfriend!"

Naningkit si Cala. "Ang sabi ko paraanin mo ako!" asik niya kay Gudo na nanunuya ang pagngisi at 'di natatakot sa nakatutok na baril. At siya, bilang bakla ay nahihintakutan siya sa hawak na baril, nanginginig ang mga kamay niya sa mahigpit na hawak sa puluhan nito.

"Hindi mo magagawang iputok 'yan, bakla. Nararamdaman ko ang matinding takot sa pagkatao mo. Isa kang duwag! Mahina! At kayang-kaya kong salagin ang baril mo."

At bilang patunay, sa kabiglaanan ay hindi siya nakahuma nang singbilis ng kidlat na umigkas ang siko nito. Marahas at buong lakas iyong tumama sa kanyang mukha. Sa gulat at bilis ng pangyayari, nakalabit niya ang matigas na gatilyo ng baril. At kasabay ng paghambalos ng likod niya sa backrest ng upuan ng tricycle, siya namang pag-alingawngaw ng malakas na putok ng baril. Nayanig siya sa malakas na pwersa ng niyon... nabitiwan niya ito. Kasunod ang 'di matatawarang pagdaing ni Gudo.

"Papatayin kita!" gigil na tungyaw ni Gudo. Napalabas ito sa tricycle at napaluhod sa masukal na kalsada. Hindi malaman kung hahawakan o hindi ang nagdurugong sugat. Sa hita ng lalaki bumaon ang nakakangilong bala ng baril. Tila namanhid iyon bago sumigid ang nakaririnding kirot. Parang hinihiwa... parang paulit-ulit na nginangatngat ang laman sa sobrang sakit.
Idagdag pa sa nagpapasakit sa sugat ang malamig at malalaking patak ng ulan.

"Gudo! Lintik na!" Agad dinukwang ng nagngangalit na si Burdong ang gulilat na si Cala. Hinila ng lalaki ang buhok ng bakla. "Tarantada ka! Ikaw ang dapat mamatay!"

"Bitiwan mo ako! Vaannn! Tulong!" Pahisteryang nagpumiglas si Cala habang mahigpit na sabunot ni Burdong ang kanyang buhok. Mahapdi! Nakakangilo ang tila nabubunot na mga hibla ng kanyang buhok mula sa sensitibo niyang anit. Hinila siya ng lalaki palabas sa tricycle.

Agad siyang nabasa ng ulan. Napasinghap siya sa lamig niyon. At naging abot-abot ang pagtambol ng kanyang puso.

"Cala!"

"Sige!" Pero mula sa likuran ni Cala, sumakal sa leeg ng bakla ang malabakal na kaliwang braso ni Burdong. Sa kanan ay hawak ang isang patalim. Nakadiin ang talim sa makinis na leeg ni Cala. Humihiwa iyon, nananakit... nagbibigay babala. "Ano! Subukan mong lumapit, gago! Isang maling kilos mo, gigilitan ko ng leeg ang baklang 'to! Itapon mo dito ang baril mo! Bilis!"

At sa ganoong sitwasyon ay natigilan si Van. Sa pakiramdam ng binata, parang pinipiga ang kanyang puso sa nakikitang takot sa mukha ni Cala. Nagsimula siyang matuliro. Siya at si Cala sa isang panganib na maaaring ikapahamak nilang dalawa sa isang maling kilos lang.

Napatitig siya sa umiiyak na si Cala. Tulad niya'y basang-basa na ito ng ulan at kitang-kita ang panginginig ng katawan nito.

Cala... Parang kinurot ang kanyang puso. Hindi! Kailangan kong mailigtas si Cala! Walang sinuman ang p'wedeng manakit kay Cala!

At minsan pang naging matapang si Van, para sa kaligtasan ni Cala... para sa kanyang mahal.

"Ano!" Untag ni Burdong.

Cala Van (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon