Kabanata 1

579 20 0
                                    

MALALAKAS na busina ng mga sasakyan ang maririnig sa kahabaan ng Edsa. Traffic na naman kaya aburido ang lahat na umusad na ang mahabang pila ng mga sasakyan dahil late na ang mga ito sa trabaho. Tulad niya na malapit na ring ma-late sa trabaho. Bakit ba naman kasi naisipan niya pang mag-taxi? Sana nag-MRT na lang siya. Buwisit kasi, e! Bakit ngayon pa coding ang kotse niya.

Napabuga siya nang marahas na hangin at nakabusangot na humarap sa taxi driver.

"Manong, wala na bang ibang pwedeng daanan papuntang NACLOR CORPORATION? Shortcut?"

Tumingin ang driver sa rear view mirror kung saan nakikita ang repleksiyon niya. "Naku, ma'am. Mayro'n naman po pero walang gaanong sasakyan ang nagagawi roon."

"Malayo ba 'yon dito, manong?" she asked.

"Hindi naman, ma'am. Diyan lang sa may pakanang kanto," sagot nito habang sinisipat kung umuusad ba ang traffic. Nakita niyang napailing-iling ito, siguro hindi umuusad ang traffic.

She glanced at her wristwatch. "Manong, pwede po bang doon na lang tayo dumaan? Male-late na kasi ako sa trabaho. Baka masisante ako nito ng wala sa oras."

Tumingin ang driver sa kanya. "Sigurado ka, Ma'am?"

"Opo. Babayaran po kita ng five hundred pesos. Basta makarating lang ako sa trabaho sa tamang oras."

"Oh, sige po, Ma'am," anang taxi driver at pinaharurot ang taxi patungo sa isang iskinita, hindi kalayuan sa kinaroroonan nila.

Hindi iyon ordinaryong iskinita na may mga sira-sirang bahay at magugulong tao na nag-iinuman kundi maayos at tahimik ang lugar. Parang walang tao pero imposible naman iyon dahil may mga iilang bahay ang nakatirik doon. May mga kakaunti siyang bahay na nakikita na malalayo ang agwat sa bawat isa.

Puro puno ang paligid. May mga matataas na ring damo ang tumubo sa bawat gilid ng kalsadang tinatahak nila. Kaya pala walang masyadong nagagawing sasakyan dito para mag-shortcut dahil sa nakakatakot na awra ng lugar.

Kahit nakakatakot ang awra ng lugar ay hindi niya pa rin maiwasang isipin na ang lugar na 'to ay ang lugar kung saan sino-shoot ang mga vampire movies sa Hollywood. Gaya ng Vampire Diaries, Dracula, at Twilight. Perfect kasi ang lugar para roon.

Tahimik niyang inililibot ang mga mata sa paligid. Napako ang tingin niya sa isang malaking puno. Nangunot ang noo niya nang may makitang isang lalaking naka-itim na nakatayo sa malaking sanga ng puno at matiim na nakatingin sa kanya. Nanunuot ang tingin nito sa sistema niya na para bang nilalamon nito ang kaluluwa niya.

Kakaiba ang klase ng tingin ng lalaki sa kanya. Bigla siyang kinilabutan, kasabay pa no'n ay ang pag-ihip ng malamig na simoy ng hangin. Kakaiba rin ang pagdampi ng hangin sa balat niya para iyong nagyeyelo sa lamig. Ano bang klaseng lugar 'to? Nagsitaasan na rin ang mga balahibo niya sa katawan dahil sa takot. Mabilis niyang ibinaling ang tingin sa taxi driver.

"Manong, malayo pa ba tayo?" nanginginig ang boses na tanong niya.

"Malapit na tayo, Ma'am," relax na relax nitong sagot.

"Pakibilisan naman po, Manong."

Muli niyang sinulyapan ang lalaki. Gano'n na lamang ang gulat niya nang makitang wala na roon ang lalaki. Saan iyon nagpunta? Ipinilig niya ang ulo para iwaksi sa isipan ang nakita. Wala iyon. Baka guni-guni niya lang ang nakita kanina.

Makalipas ang ilan pang minuto ay tumigil na rin ang taxi sa labas ng building ng NACLOR CORP. Binayaran niya ng limang daang piso ang driver bago bumaba. Tumingin siya sa relo niya. Napamulagat siya dahil five minutes na lang ay late na siya. Naglakad siya nang mabilis papasok sa loob.

Luna BlestemTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon