I'm A Woman, You Idiot!

10.7K 277 18
                                    


CHAPTER TWO

PAGKAGALING sa opisina ng Kuya Evenur niya ay tumuloy si Impy sa kanyang bahay sa Tandang Sora. Hindi pa siya nakakababa mula sa sinakyang tricycle nang namataan niya ang isang babaeng buntis na nakaupo sa gilid ng gate na grills sa harapan ng bahay. Kinilala niya ang babae na naidlip na yata sa pagkakasandal sa grills, ngunit nakaalis na ang tricycle ay hindi pa rin niya ito makilala.
“Excuse me,” pukaw ni Impy sa nakapikit na babae sabay tapik sa balikat nito. Naiinitan na roon ay hindi man lang nito namamalayan.
Dumilat ito, agad na nagliwanag ang mukha. “Impy! Salamat naman at dumating ka na.”
Pamilyar sa kanya ang mukha nito.
“Kaaalis mo pa lang daw nang dumating ako kanina sabi ng kapitbahay mo.”
Tinitigan niyang mabuti ang babae. Nanlaki ang dati na niyang malalaking mata. “Beck?”
Nalambungan ng lungkot ang katuwaan nito. “Ako nga.”
Hindi makapaniwala si Impy na ang pinakaglamorosa at pinakasosyal niyang kaibigan noong college ay magmumukhang pindangga. Buntis pa ito ngayon. Mabilis niyang binuksan ang gate. “Halika, pasok ka,” anyaya niya rito nang mabuksan din ang front door. Sa sala, tinanggal niya ang mga nakakalat na magazines at tuwalya sa sofa at pinaupo ito roon.
Dahil mukhang uhaw na uhaw ang babae, mabilis siyang kumuha ng tubig sa refrigerator at iniabot dito. Nagpaalam siyang iiwan ito sandali para makapagpalit ng damit-pambahay.
“Nag-asawa ka na pala,” sabi niya kay Beck nang makabalik sa sala at hainan ito ng merienda. Hindi niya naiwasang mapuna na ang kutis nitong alaga sa health spa noong mga panahong iilan pa lamang ang mga iyon sa Pilipinas ay pekasin na ngayon.
Tinapos nito ang pag-inom at malungkot na ngumiti. “Hindi ako nag-asawa. Nabuntis lang ako.”
“Oh.” Hindi na malaman ni Impy kung ano ang sasabihin. Sa pagkakatingin nito sa kanya, naalala niyang bigla na may utang nga pala siya ritong pitong libo na ipinam-blowout niya sa mga kaklase noong mag-graduate sila sa kolehiyo. Sisingilin na ba siya nito?
“He’s a ramp model. Nakilala ko siya nang may mag-offer sa akin ng trabaho bilang production assistant sa kanilang modeling agency. Later on, tinulungan niya akong maging modelo rin. Doon nagsimula ang... a-ang affair namin.”
“You’re living with him?”
Nangilid ang luha sa mga mata nito. “Dati. Pero nang mabuntis ako, bigla na lang siyang nawala. Hinanap ko siya kahit mapabayaan ko ang trabaho ko. Pero lahat na ng maaari kong kakitaan sa kanya, napuntahan ko na. Tanggap ko na ngayong hindi ko na makikita ang taong nagtatago sa akin.”
“Alam na ba ito ng parents mo?” marahang tanong ni Impy. Ngayon lang niya naisip na sa loob ng ilang taon din nilang pagiging magkaibigan ay wala itong nababanggit tungkol sa immediate relatives nito.
“Matagal nang patay si Daddy. And my mom remarried a long time ago. Hindi ko na nga alam kung saang parte ng mundo siya nakatira.”
“I... I-I can let—I mean, if you want, you can stay here with me. P-puwede ka rito kung walang titingin sa 'yo.” Hirap na hirap si Impy na bigkasin ang mga salita. Malay ba niyang mag-alaga ng isang buntis, o ng magiging sanggol nito for that matter?
Muling nagliwanag ang mga mata ni Beck. “Salamat, Impy. Kaya nga ikaw kaagad ang naisip kong puntahan dahil alam kong hindi mo ako matitiis.”
Alanganin ang ngiting iginanti ni Impy rito. Ngayon pa lang ay iniisip na niya kung paano makukumbinsi ang Kuya Evenur niya na dagdagan ang kanyang allowance ganitong dalawa at magtatatlo pa silang mamumuhay nang magkakasama. Oh, God, I need a job very badly.
Nagpaalam ang babae sa kanya na makikigamit ng comfort room. Ipinasok naman niya sa kusina ang pinagkainan nila. Hindi pa ito gaanong nagtatagal sa CR nang marinig niyang sumisigaw ito. Napasugod siya roon. “Bakit?”
“Sumasakit na ang tiyan ko, Impy,” nakangiwing sagot nito, sapu-sapo ang malaking tiyan.
“Gosh! Kabuwanan mo na ba ngayon?”
“Oo.”
Inalalayan niya itong makabalik sa sala. “Okay, Beck, don’t panic. Ano ang dapat nating gawin? I mean, kailangan mo na bang magpadala ngayon sa ospital o hihintayin muna nating bumilis ang interval ng spasms?”
Helpless itong tumingin sa kanya. “E-ewan ko.”
Nasapo ni Impy ang noo niya. Wala siyang alam tungkol sa panganganak maliban sa ilang bagay na narinig pa niya sa iba. “Mas mabuti sigurong dalhin na kita agad sa ospital.” Ganoon nga ang ginawa niya. Nag-taxi sila patungo sa East Avenue Medical Center.
Diyos ko, magkasya po sana ang lilimang libong dala ko, maya’t mayang dasal niya habang palapit sila sa ospital.
Nasa emergency room na sila ni Beck nang pumutok ang panubigan nito. Mabilisan niyang f-in-ill-up-an ang mga kailangang dokumento at nag-aalalang naghintay siya sa labas ng delivery room.
Inabot na ng gutom si Impy ay hindi pa rin lumalabas doon ang doktor na nagpaanak sa kanyang kaibigan. Minabuti niyang kumain muna sa loob ng hospital canteen.
Habang kumakain, naalala ni Impy na buklatin ang handbag na dala kanina ni Beck. Naisip niyang kailangan pa nga palang makabili kaagad ng ilang gamit ng sanggol. Wala man lang  naihanda ang kaibigan niya para sa panganganak.
Nagulat siya nang makita ang isang makapal na sobre sa loob ng bag. Puno iyon ng pera at may bank tag pa. Fifty thousand pesos! Kahit naman pala ma-Caesarian ang kanyang kaibigan ay may ibabayad siya sa ospital. Panatag na siyang kumain. Pagbalik niya sa labas ng delivery room ay hindi pa rin lumalabas ang doktor na nagpaanak dito.
Something must be wrong. Panay na ang dasal ni Impy. Hindi na rin niya makuhang maupo. Palakad-lakad siya sa pasilyo kahit nangangalay na ang mga paa niya.
Sa wakas ay bumukas ang pinto ng delivery room at lumabas mula roon ang isang doktor.
“Sino ang kasama rito ni Alarcon?”
Lumapit siya rito. “Ako po, Doc. Kumusta na po ang mag-ina?”
“Baby girl ang sanggol, malusog siya. She was delivered through Caesarian section. But I’m afraid her mother was not as lucky as her...”
Oh, God, no! Please, no!
“Na-eclampsia ang ina ng sanggol and her blood pressure shot up. Bumigay ang puso niya dahil doon. Mabuti na lang at hindi nadamay ang bata. Na-detect sana ito at naagapan kung regular ang  pre-natal checkup niya. Unfortunately, in emergency cases like this, we could only do so much. I’m sorry, she didn’t make it.”

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon