Tease

7.8K 195 2
                                    

CHAPTER SEVEN

ILANG araw na iniwasan ni Impy si Joen mula nang mangyari ang naging komprontasyon nila sa loob ng kotse nito. Para namang nanunuksong lalo siya nitong nilalapitan at kinakausap. Sumasagot naman siya ngunit hindi higit sa kailangan. Gumagawa rin siya ng paraan para hindi mapagsolong kasama nito sa iisang lugar.
Hindi maunawaan ni Impy ang sarili kung bakit ipinalalagay niyang threat si Joen sa kanyang katahimikan. Gusto sana niyang kausap ang binata ngunit may takot na nararamdaman si Impy tuwing nais nitong mag-open up siya ng ilang mga bagay tungkol sa kanyang sarili.
Iniunat niya ang katawan mula sa pagkakaupo sa harap ng katatapos lang niyang obra. Larawan iyon ng isang Saint Bernard at isang puting pusa. Nakaunan pa ang pusa sa tiyan ng aso, kapwa natutulog ang dalawa.
Ikinomisyon siyang gawin iyon ng isang kakilala. Dati ay still life lamang ang madalas niyang ipinta, napapayag lang siyang gawin iyon matapos ibigay sa kanya ng nagpakomisyon ang mga larawan ng dalawang house pets. Naaliw siya sa kakaibang relasyon ng kadalasang magkaaway na mga hayop. Pinuntahan pa niya ang mga iyon sa bahay ng may-ari upang mas makahanap siya ng magandang anggulo sa pagkuha ng mga larawan bilang paghahanda sa pagguhit.
At ngayon, nasisiyahang pinagmasdan ni Impy ang ipininta niya. Naisip niyang makakagawa rin siguro siya ng portrait kung susubukin lang. Ano kaya kung simulan niya kay Joy-Joy?
Bago pa mawala ang excitement na nararamdaman ni Impy sa naisip, kinuha niya sa isang panig ng silid ang kanyang camera at nagtungo sa nursery. Nagulat si Impy nang makitang hindi si Ate Cedes ang nagbabantay kay Joy-Joy. Si Joen ang naroon, karga habang pinaliliguan ng halik ang mukha ng tumatawang sanggol.
“Hello, Mommy,” wika kaagad nito pagkakita sa kanya at bahagyang inilayo ang mukha mula sa bata. “Kukunan mo ba kami ng pictures? O, baby, smile! Tingin kay Mommy, dali.”
Hindi yata niya maaaring biguin ang excited na si Joen. Kita sa mga mata nito ang katuwaan. Tumatawa rin ang bata habang naririnig niya ang cooing noises na ngayon lamang niya narinig dito. Lumalaki na talaga ang kanilang alaga. Kaya naman lokong-loko na rito si Joen.
Sinimulang iasinta ni Impy ang hawak na camera sa dalawa. Sunud-sunod ang ginawa niyang pagkuha. Bawat anggulong nakikita niyang maganda ay kina-capture niya sa camera. Nakakasampung click na yata siya nang pahintuin siya ni Joen.
“Bakit?” tanong niya.
“Kayo naman ni Joy-Joy ang kukunan ko.”
“Huwag na,” protesta niya. “Puro mantsa ako ng pintura.” May mga bahid ng pintura hindi lang ang mga kamay niya kundi pati ang suot niyang overall. Medyo marami na ring hibla ng buhok ang nalaglag sa pagkaka-clamp niyon sa kanyang tuktok. She was sure she looked like a mess.
“Okay lang. It would look more natural. Maganda ka pa rin kahit ganyan ang suot mo.”
Hindi niya pinansin ang papuri ni Joen. Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag matapos ipasa nito sa kanya ang bata habang kinukuha ng isang kamay ang hawak niyang camera.
Humagikgik si Joy-Joy, sa pagkagulat niya. “Aba, maganda ang mood ng munting prinsesa.” Sa tuwa ay napupog niya ito ng halik. Noon kumislap ang flashbulb ng camera. Nang iharap niya ang kanyang mukha kay Joen ay muli silang kinuhanan nito ng picture. Nakatatlong kuha muna ito bago niya nagawang patigilin.
“All right, Mommy, maghintay lang kayo riyan ni Baby. Kukunin ko 'yong tripod para makunan tayong tatlo.” Mabilis na itong nawala sa silid.
Pagbalik ni Joen, kaagad nitong ipinosisyon ang tripod at ipinatong doon ang camera. Saglit itong sumilip sa viewfinder at mabilis na nakiumpok sa kanila ni Joy-Joy. Karga pa rin niya ang bata.
“Smile ka, Mommy. Say ‘eggs’!” Kasabay niyon ay naramdaman ni Impy na humapit ang kamay ni Joen sa punong-braso niya. Nadikit ang pisngi nito sa kanyang cheekbone!
Nag-automatic shot ang camera.
Biglang nakadama si Impy ng magkahalong pagkataranta at pagkaasiwa sa posisyon nila. Mabilis siyang lumayo rito at ibinalik na sa crib ang bata.
Humalakhak na naman ito. The cooing sound Joy-Joy was making was enough to stop her from leaving the room. Tumunghay na lamang siya sa bata at nakipagngitian dito.
“Give up, Mommy. Can’t you see the child is trying to charm you?” ngingiti-ngiting kantiyaw ni Joen.
Paungol na muli niyang kinuha mula sa kuna ang bata at dinala sa kama. Doon siya nakipaglaro. “Ikaw, ha, marunong ka nang mang-uto. Inaabala mo na ako sa traba—”
May kumislap at nakita niyang muli na naman silang kinukunan ni Joen. “Hey, hey, tama na.” Iniharang ni Impy ang mga palad sa mukha niya upang tantanan na siya nito. Iniiwas nito ang camera ngunit sinikap niyang agawin iyon.
“Come and get it, Impy,” nanunuksong sabi nito na inililihis lang ang kamay na may hawak sa camera upang hindi niya maabot.
“Ibigay mo na sa 'kin 'yan, ano ba?”
Sa pag-aagawan ay nawalan siya ng balanse at tumimbuwang siya sa gilid ng kama. At dahil nakapitan niya ang strap ng camera na hawak pa rin ni Joen ay nahila rin niya ito.
Nadaganan siya ni Joen. Natigil ang pag-aagawan nila nang magtagpo ang kanilang mga mata. Napigil ni Impy ang paghinga. Humihingal si Joen bunga ng kanilang pag-aagawan. Pumapaypay ang mainit-mabango nitong hininga sa buong mukha niya. Ilang segundong nakatitig lamang sila sa isa’t isa, kapwa namamangha.  
Si Impy ang unang nakabawi sa pagkabigla at mabilis itong itinulak upang makawala siya. Nakatayo na siya at nakuha na mula rito ang camera ay nakatingin pa rin ito sa kanya, walang nasabi gaputok man.
“P-pakibantay si Joy-Joy. Sasaglit lang ako sa developing center.” Hindi na niya nahintay na tumugon ang binata. May pagmamadaling lumabas na siya ng silid.
Kahit wala pa siyang karanasan sa pakikipagrelasyon, alam ni Impy kung ano ang tawag sa tensiyong namagitan sa kanila ni Joen ngayun-ngayon lang.

NAISALIN na ni Impy sa canvas ang napili niyang iguhit sa mga preliminary sketches na ginawa niya mula sa mga larawan nina Joen at Joy-Joy. Watercolor ang ginamit niyang medium dahil parang hindi niya makukuha ang inaasahang resulta kung sa oil iyon bubuuin. Naiguhit na niya ang mukha ng bata, ngunit nahihirapan siya sa mukha ni Joen. Mapipilitan yata siyang pakiusapan itong mag-pose sa kanya upang mabuo ang larawan nito.
Napabuntong-hininga siya. Hanggang maaari pa naman ay iniiwasan niyang mapagsolo sila sa iisang lugar mula nang araw na kunan niya ito at si Joy-Joy ng mga larawan.
Nang tumunog ang cellphone ni Impy ay napilitan siyang ibaba ang hawak na paintbrush. Numero ang nakarehistro sa munting screen kaya nag-alangan muna siya bago iyon sagutin.
For a while ay naisip niyang baka ang Kuya Evenur niya ang tumatawag at ibang telepono lang ang gamit nito upang mapilitan siyang sagutin iyon. Subalit nasabi na sa kanya ni Arly na sa susunod pang buwan ito uuwi ng bansa.
Lakas-loob na sinagot niya ang tawag. “Hello?”
“Si Impy dela Cruz ba ito?” sabi ng tumatawag. Lalaki iyon at hindi niya kilala ang boses.
“Ito nga. Who’s this?”
“I’m Tom Atendido.”
Wala siyang kilalang taong ganoon ang pangalan. “Yes?”
“I am looking for Beck Alarcon. She’s a friend at nabanggit na niya sa akin noon ang pangalan mo. Ang sabi sa apartment niya, tatlong buwan na siyang hindi umuuwi roon at nagagalit na ang landlord sa kanya...”
Muntik nang sikaran ni Impy ang sarili. Kundangang nawala sa isip niyang inihabilin nga pala ng kaibigan na siya na ang mag-ayos ng mga gamit sa apartment na tinitirhan nito noon. Hanggang ngayon ay hindi pa niya napupuntahan man lang iyon.
“I tried to contact all her friends pero hindi ko pa rin siya makita. Ikaw lang ang hindi ko agad na-contact dahil wala kang number sa address book na nakita ko sa apartment ni Beck.”
Bigla siyang kinabahan. Ito ang biological father ni Joy-Joy! Hindi niya  alam kung paano magre-react dito. Kukunin ba nito ang bata sa kanila? She decided to play it cool at ito na muna ang pagsalitain. “H-how did you find my number?”
“May nakapagsabi sa akin na kapatid ka ng may-ari ng Even Value. Nagtanung-tanong ako roon at ito ang numerong ibinigay niya sa akin.”
It must be Arly. Pahamak na babaeng 'yon!
“Impy, kung may nalalaman ka man sa kinaroroonan ngayon ni Beck, nakikiusap akong ipaalam mo sana sa 'kin.”
Nagkukumahog ang utak ni Impy kung ano ang dapat isagot dito. “Bakit gusto mo siyang makita?”
“Dahil buntis siya nang iwan ko. And I know I am the father of her child. I thought ipalalaglag niya ang bata gaya ng banta niya noon. Pero kinumpirma ng isang common friend at ng landlord niya na itinuloy niya ang pagbubuntis.”
May bumangong galit sa dibdib niya para dito. “Alam mo na palang buntis siya, bakit mo pa siya iniwan noon?”
“Dahil hindi pa ako handang magpatali. Pinipilit niya akong pakasalan siya pero ayoko pa. Umalis ako ng Pilipinas para takasan siya. Hindi naman ako matahimik. I realized na mahal ko siya at handa na akong magpakasal kung iyon talaga ang gusto niya. So I came back. Please, Impy, gusto kong makita ang mag-ina ko.”
Nilagyan muna niya ng preno ang galit na nararamdaman para dito. “I-I’m busy right now.” Kailangan muna niyang sabihin kay Joen ang tungkol dito. “Puwede bang mag-usap na lang tayo bukas? Magkita tayo sa The Coffee Experience sa Megamall, sa umaga, ten o’clock.”
“Hindi mo man lang ba masasabi kung nasaan sila ngayon? Malaman ko lang ang kinaroroonan ng mag-ina ko, hindi na kita aabalahin pa. Please, Impy.”
“I’m sorry, Tom, I need to hang up now.” Pinindot na niya ang end button at pinatay kaagad ang aparato upang hindi na ito muling makatawag.
Naging agitated na si Impy kaya hindi na niya itinuloy pa ang pagpipinta. Tinungo niya ang nursery at hinango mula sa kuna ang natutulog na sanggol.
“Naku, Impy, katutulog lang ni Joy-Joy, baka magising 'yan,” angal ng yaya nito sa kanyang ginawa.
“Hindi, ililipat ko lang siya sa kuwarto ko.”
Dinala nga ni Impy ang bata sa kanyang silid. Naupo siya sa gilid ng kama at maingat itong niyakap.
Hindi maunawaan ni Impy kung ano ang nangyayari sa kanyang sarili. Nakakaramdam siya ng takot na mawalay sa kanila ni Joen si Joy-Joy, samantalang hindi ba at dapat niyang ikatuwa iyon? Mawawalan na siya ng responsibilidad na unang-una ay hindi naman talaga kanya. Responsibilidad na napilitan lamang siyang gampanan.
Sa naiisip niyang posibilidad na makuha si Joy-Joy ng tunay nitong ama, parang may masong nakadagan ngayon sa dibdib ni Impy, na nagpapabikig at nagpapabigat ng pakiramdam niya.
Pinagmasdan ni Impy ang walang muwang na paslit, marahan itong hinawakan sa munting kamay. Biglang nag-init ang sulok ng mga mata niya. Hindi siya iyakin ngunit nang mga sandaling iyon ay pinupuno siya ng hinagpis.
Natagpuan niya ang sariling nagdarasal. Diyos ko, huwag naman po Ninyong hayaang kunin sa amin si Joy-Joy ng tunay niyang ama. Please, huwag naman po.
Mayamaya ay may kumatok sa kanyang silid ngunit hindi siya kumilos upang pagbuksan iyon. Ayaw niyang may umagaw sa mga sandali na kasama si Joy-Joy. Ngunit mayamaya lang ay bumukas ang pinto. Hindi niya magawang lumingon. Hilam na sa luha ang mga mata niya.
“Impy, what’s wrong?” Tinig iyon ni Joen.
Hindi niya malaman kung paano itatago rito ang mukha niya.

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon