Take Care

9.1K 240 6
                                    

CHAPTER FIVE

“BAKIT ka nandito?” bulalas ni Impy sabay bangon, nasa tinig ang pag-aakusa.
Gulat na napalingon sa kanya si Joen. Idinikit nito ang hintuturo sa sariling bibig. “Sshh, baka lalong lumakas ang iyak ni Joy-Joy sa ingay mo.” Parang walang anumang tinungo nito ang nightstand at nagtimpla ng gatas.
“Bakit nga nandito ka?” paanas ngunit maigting pa rin na usisa niya nang bumalik na ito sa kama at isubo ang dede sa bata.
“Hindi ba’t ako naman talaga ang magdamag na magbabantay sa bata ngayon?” paanas ding sagot nito. “Ang akala ko nga, gusto mo kaming makasamang matulog kaya hindi ka na lumabas ng nursery.”
Bigla siyang nahulasan sa sinabi ni Joen. Pinagbantay nga lang pala siya nito sandali kanina sa bata. Hindi naman niya intensiyong matulog doon. Marahil, sa pagod at tensiyong inabot niya kanina sa problema ni Psyche at pakikipag-usap sa telepono sa Ate Hesione niya, nakatulog siya roon bago pa man makabalik si Joen sa silid.
Nakakaasiwang isipin na halos magdamag silang magkatabi ng binata sa iisang kama. “Hindi ko lang namalayang nakatulog na pala ako rito. Bakit hindi mo 'ko ginising?”
Tuluyan nang umiyak si Joy-Joy. Tila nabulabog na ang tulog nito sa pag-uusap nila. Awtomatikong tinapik-tapik ni Impy ang hita at binti nito. “Sshh, tahan na, baby. Tahan na.”   
Napilitan na siyang umahon mula sa kama nang hindi pa rin tumahan ang bata. Kinarga niya ito at marahang isinayaw-sayaw habang pinasususo. Bumalik naman si Joen sa pagkakahiga at tahimik silang pinagmasdan. Limang minuto lamang ang lumipas at himbing na naman si Joy-Joy. Sa crib na niya ito inihiga.
Yamot pa ring binalingan ni Impy si Joen pagkatapos. Hindi niya ngayon malaman kung ano ang sasabihin dito.
Sumungaw ang amusement sa mga mata ni Joen na lantad sa liwanag ng overnight lamp. “What? Alas-tres pa lang ng madaling-araw. We still have plenty of time na magtabi rito,” tinapik pa nito ang katabing espasyo, “kung ang talagang ipinagsisintir mo, eh, kung bakit ipinagitna ko kanina si Joy-Joy sa pagitan natin.”
“Baliw!” singhal niya sa binata ngunit nakaani lamang iyon ng mahinang tawa mula rito. Inayos na lang niya ang lugar na hinigaan kanina.
“Huwag ka nang magalit,” sabi nito na tila naglalambing. “Naawa lang naman ako sa 'yo kanina kaya hindi na kita ginising. Kaya nga naisip kong pahigain si Joy-Joy sa pagitan natin para hindi ka mag-isip ng masama sa 'kin.”
Naiinis man ay nagpaalam pa rin siya. “Babalik na ako sa kuwarto ko.”
“Wala ka namang dapat ipag-alala sa akin kahit ituloy mo ang pagtulog dito. Hindi ako pumapatol sa mga ‘totoy’ na gaya mo,” pilyo pang dagdag ni Joen.
Sinikmatan lamang niya ito at padabog nang lumabas ng silid.
Ayaw na tuloy dalawin ng antok si Impy nang makahiga siya sa sariling kama. Oo nga at marami na siyang naikuwento kay Joen tungkol sa kanyang sarili. Ngunit basic information lang ang mga iyon na nauunawaan niyang kailangang ipaalam dito. Ito man ay ganoon din ang mga nasabi sa kanya. Hindi niya masasabing magkaibigan na sila kahit una roon ay magkasambahay na rin sila.
Nagiging pamilyar na si Joen sa kanya kaya nagagawa na nitong biruin siya. Naiinis naman siya dahil  mukhang lesbiyana pa rin ang tingin nito sa kanya.
Really, Impy. Bakit, sa hitsura mo bang 'yan, ano’ng gusto mong maging tingin sa iyo ni Joen?
Pinasadahan ni Impy ng tingin ang sarili. Naka-striped cotton shorts siyang hanggang binti ang haba at maluwang na T-shirt. Mukha na naman siyang hip-hop na laos. She buried herself under the sheets with a groan.

“HELLO, baby, papaliguan na kita.”
Gumalaw ang mga paa at kamay ni Joy-Joy nang marinig ang tinig ni Impy. Kinarga niya ito. Noong una siyang sumubok na paliguan ito, ilang ulit muna niyang binasa ang isa sa mga librong binili nila ni Joen tungkol sa child care bago siya nangahas. Ngayon ay medyo nasasanay na siya bagaman ingat na ingat siyang magkamaling mabasa ang pusod nito.
Hindi pa man sila nakakarating sa banyo ay bumukas ang pinto ng nursery at pumasok si Joen. Halatang kagigising pa lang nito gayong alas-nuwebe na ng umaga. “Kung paliliguan mo na ang baby natin, tutulungan na kita,” nakangiting paboboluntaryo nito na para bang hindi niya  napagdabugan kagabi.
“May pasok ka, 'di ba? Baka ma-late ka na.”
“No, makakahabol pa ako sa klase ko.” Sumunod ito sa kanya sa banyo. Ito ang humawak sa bata habang sinasabon niya ang ulo ni Joy-Joy gamit ang manipis na washcloth.
Mas mabilis nilang napaliguan ang bata sa ganoong paraan. Naiilang nga lang si Impy sa proximity na kailangan sa ganoong aktibidad. Hindi maaaring hindi niya masaling ang binata habang marahan niyang ikinukuskos ang washcloth sa katawan ni Joy-Joy. Dama niya ang mainit na singaw ng katawan ni Joen, ang mabangong hiningang sumusumpit sa ulo niya, ang panaka-nakang sulyap nito sa kanyang mukha.
Bakit ba hindi niya magawang ignorahin ang awareness na nararamdaman niya sa lalaking ito?
“Ang bangu-bango na ng baby ko,” wika nito habang pinupupog ng halik si Joy-Joy. Ito na ang nagdala sa bata mula sa banyo hanggang sa kama.
Hindi nakatulong na hanggang sa binibihisan ni Impy ang sanggol ay naroon at nakabantay sa kanila si Joen. Ito pa ang nagparaan ng baby hairbrush sa buhok ng bata.
Mayamaya ay may kumatok. Bumungad ang mukha ni Anto sa pinto. Iniabot nito kay Joen ang cordless phone. “Miss Miranda raw po, Sir Joen.”
Kinuha ni Joen ang aparato. “O, Reese, napatawag ka?”
Inalis ni Impy ang mga mata rito nang mapuna niyang lumuwang ang pagkakangiti nito. Parang ibig umalma ng kalooban niya na may ibang babaeng nagpapangiti rito.
You are pathetic, Impy. Napunta ka lang sa sitwasyong kailangan mong gumanap na ina ni Joy-Joy, bakit pati ang umaaktong ama niya ay gusto mo na ring angkinin?
“Male-late siguro ako ngayon,” patuloy ni Joen na hindi pansin kahit naririnig niya ang pakikipag-usap nito sa telepono. Nanatili ito sa pagkakaupo sa gilid ng kama. “Diyan na lang natin pag-usapan mamaya.” Tumawa ito sa kung anong sinabi ng kausap. “Pilya ka talaga. Pasensiya ka na, busy lang talaga ako. Okay, bye.” Tinapos na nito ang pakikipag-usap at binalingan siya. “Puwede mo ba akong samahang mag-almusal?”
“Nag-almusal na 'ko kanina pa.” Ano ba ang nangyayari dito? Dati namang hindi sila nito nagka-kasabay sa almusal. Maaga itong nag-aagahan at siya naman, dahil late sleeper, ay tanghali na ring magising at mag-almusal.
“Gusto ko lang naman na samahan mo 'ko, kayo ni Joy-Joy habang kumakain ako.”
Paano ba naman siya tatanggi sa napakatiwasay at halos may lambing na tinig nito na parang haplos sa puso niya? “O-okay.”
Sumunod nga sila rito hanggang sa komedor. Kalong si Joy-Joy na naupo siya sa gawing kanan ni Joen.
Ganado ang binata sa pagkain. Sinangag, pritong itlog, beef tapa, at beef mami, na nalaman niyang specialty ni Coring, ang almusal nito. Napilitan na rin siyang kainin ang mga hiniwa nitong oranges at apples nang pilitin siya nitong sumalo.
“Baka may iba ka pang problema sa kapatid mo, handa kitang tulungan, Impy.” Marahan at maingat ang pagkakasabi ni Joen na parang nananantiya. Patapos na itong kumain noon. “Sana, maging open ka sa akin dahil io-open ko rin ang sarili ko sa iyo. Kailangan nating maging gano’n sa setup nating ito.”
Touched si Impy sa pahayag ng binata. “Thanks, but no. Initially ay solved na ang problema ng kapatid ko. Hindi lang naman ako ang tumutulong sa kanya, pati na rin ang iba pa naming mga kapatid.” Hindi na niya dapat pang sabihing kailangan pa niyang i-blackmail ang isa sa mga iyon upang tumulong lamang sa nangangailangang si Psyche.  
“Nararamdaman ko kasing nag-aalala ka pa rin. Kung ano man ang pinoproblema mo, apektado rin ako, Impy. Ayokong nakikitang nahihirapan ang kalooban mo.”
Ganoon na ba siya ka-transparent sa paningin nito? “It’s nothing I can’t handle. Really.”
“At ano ang reaksiyon ng kapatid mong panganay na hindi mo mai-commit nang hundred percent ang sarili mo sa nangangailangan mong kapatid dahil kay Joy-Joy?”
Saglit na hindi nakakibo si Impy. Nabanggit na niya rito kung gaano kaistrikto ang Kuya Evenur niya at kung gaano ito ka-involved sa mga half siblings. “Like I said, may iba pa naman kaming kapatid na available tumulong. Hindi ko solo ang responsibilidad.”
Nakita niyang pasimple itong nagbuntong-hininga bago tumingin sa kanya nang mata sa mata. “Talaga bang ganyan ka pinalaki? Sinasarili mo ang problema? Ayaw mong tulungan ka ng ibang tao kahit na may maitutulong sila sa iyo?”
Alangan namang sabihin niya ritong tinakasan niya ang kanyang kuya. May ESP ba ang lalaking ito? “It’s not true. Nagpatulong ako sa iyo sa kaso ni Beck at ng batang ito.”
“Pero hindi mo sariling problema ang tungkol kay Beck at sa batang 'yan.”
“Nagiging seryoso na ang usapan na ‘to. Baka hindi ka matunawan,” sabi niyang hindi naman kumikilos upang iwan ito. Ano ba ang nangyayari sa lalaking ito at bigla yatang nais halukayin ang mga problema niya?
“Huwag mong ilihis ang usapan. Alam kong nasabi mo sa akin kung gaano kayo karaming magkakapatid. Pero ilang pag-oobserba ko lang sa mga sinasabi at ikinikilos mo ay kumbinsido ako na wala kang ka-close isa man sa kanila.”
Nanlalaki ang mga matang napamaang si Impy rito.
“It didn’t take long for me to realize kung ano ang dahilan at bakit ayaw mong makialam sa iba. Hindi nga ba’t napilitan ka lang akuin ang responsibilidad na iniwan ni Beck sa iyo? Ayaw mo ring pinakikialaman ka ng iba. You’re living alone. Isa sa mga mannerism mo ay ang laging paghalukipkip. You don’t show so much emotions in those huge eyes aside from anger and irritation.
“Oo nga at may mga pagkakataong nakikita ko ang malasakit mo kay Joy-Joy. Pero parang napipilitan ka lang. Hindi ka marunong maglambing. Kinakarga mo lang siya kapag kailangan. Ni hindi ko pa nakitang hinalikan mo siya. Para bang takot na takot kang ilapit ang sarili mo sa kanya at sa ibang tao. And we both know that the true reason why you’re maintaining that tomboy getup is because it’s your flimsy cover-up. Do you think your camouflage will protect you from those who will try to harm you, particularly testosterone-laden males?”
Nag-init ang punong-tainga ni Impy sa narinig. Parang dam ang binata na ang akala niya dati ay walang laman. Ngayon ay nag-uumalpas ang mga salita nitong lumabas ng imbakan na animo biglang inalisan ng harang. “How dare you na i-psychoanalyze ako na feeling mo isa kang expert sa pagbasa ng tao?”
“Don’t get mad, Impy. Sinasabi ko lang sa iyo kung ano ang nasa loob ko. That’s part of opening up. Gusto kong malaman mo kung ano ang tingin ko sa iyo sa harap o talikuran. At gusto ko ring ipaunawa sa iyo na hindi ako kalaban. Kakampi mo ako. You don’t have to pretend with me. Puwede mong sabihin sa akin na inaway ka ng kapatid mo dahil ipinrioritize mo ang responsibilidad kay Joy-Joy.”
Ano pa bang panggugulat ang lalabas sa bibig nito? “This is absurd!”
Nagpatuloy lamang ito, hindi pansin ang pagkamangha niya. “Puwede mong iharap sa akin kung ano ka at makakaasa kang hindi kita huhusgahan. Puwede kang magsuot ng damit-pambabae sa harapan ko at makatitiyak kang hahangaan lang kita at hindi pagnanasaan.”
Sarisaring emosyon ang nagdaan kay Impy habang nagsasalita si Joen. Suddenly, it was too overwhelming for her to take all what she had been hearing. Tumayo siya. “Excuse me, iaakyat ko na si Joy-Joy sa nursery.”
Isa-isa niyang binalikan sa isip ang mga sinabi ni Joen nang mapag-isa na sila ng bata sa loob ng nursery room. Hindi pa rin siya makapaniwala sa mga narinig niya rito kanina.
He wanted her to bare her soul to him. Hindi nga lang siya nito dinahan-dahan. Brutal nitong inihayag sa kanya ang gusto nitong mangyari. Brutal din ang ginawa nitong paglalahad ng mga obserbasyon nito sa kanya. Iniisip ba ni Joen na mahihirapan itong butasin ang mga harang ng proteksiyong ipinalibot niya sa sarili kaya ganoon ang naging paraan ng pakikipag-usap nito sa kanya kanina?
Inakala ni Impy na ordinaryong lalaki lang ito noong una, isang pangkaraniwang yuppie na may mabuting kalooban. After all, hindi ito nagdalawang-isip na tulungan at kupkupin ang sanggol na hindi naman nito kaanu-ano.
Ngunit hindi lamang pala ganoon si Joen. Kompara sa kanyang mga nakabarkada noon at sa iilang lalaking naging malapit sa kanya ay ngayon lang siya nakakilala ng gaya nito. He was more than a caring person. He was a protector. Iyon nga lang, pakialamerong protektor.
Come to think of it. Kung hindi lang sa pagiging pakialamero nito, parang ang sarap yatang mapalapit pa rito nang husto. Iyong paglalapit na higit pa sa closeness ng dalawang magkasambahay. Iyong closeness ng isang asawang lalaki sa isang asawang babae.
Kinastigo kaagad ni Impy ang sarili sa itinatakbo ng isip niya. Malayo na ang nilakbay niyon samantalang ipinagdiinan ni Joen kanina na hindi siya nito pagnanasaan.
Matagal na siya sa pagmumuni-muni—nakatulog na nga si Joy-Joy—nang may kumatok sa pinto. Kasunod niyon ay ang pagsungaw ng bulto ni Joen. Nakapaligo at nakabihis na ito.
Nakangiti ito nang magsalita. “Galit ka pa ba sa akin?”
Naglihis siya ng tingin dahil para siyang tinataranta ng ngiting iyon. “Hindi naman ako galit sa 'yo.”
“Ano pala, naiinis lang?”
“Please, Joen, kalimutan na natin ang tungkol do’n.”
“Ang inis mo sa akin, oo. Pero huwag mo naman sanang kalimutan ang mga sinabi ko sa 'yo. I mean them. Every word. I’m sorry if  I came a bit too strong for you. Kailangan ko lang na yanigin ka nang kaunti. Now, puwede na ba akong mag-good-bye kiss sa mag-ina ko?” 
Hindi makaimik si Impy. Pinanood niya nang halikan nito ang noo ni Joy-Joy. Napaatras siya nang siya naman ang balingan nito.
“Relax, Impy. I’m not going to take advantage of you. I just want to kiss you 'cause it’s my expression of fondness. Hindi naman por que mas malaki at mas matanda ka kay Joy-Joy, hindi ka na dapat makatanggap ng ‘fondness kiss.’”
Nakamaang pa rin siya nang hawakan siya ng binata sa baba at dampian ng marahang halik sa ulo. “Bye, Mommy. Take care.”  

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon