Jealous Impy

8.2K 202 13
                                    

CHAPTER NINE    

“HAVE you tried painting murals?”

Napalinga si Impy kay Joen. Nasa pocket garden sila ni Joy-Joy nang mga sandaling iyon. Pinaaarawan niya ang bata. Si Joen naman ay bihis na upang pumasok sa opisina. Nakasanayan na nitong humalik sa bata tuwing bago ito umalis kaya sila nilapitan doon.

“Ipinabago kasi namin iyong art room sa school, pinalakihan,” patuloy nito. “Palalagyan namin ng mural paintings ang tatlong sides ng silid. Magko-commission kami ng mga artist para pintahan 'yon. Naisip kita.”

Napangiti siya. Naipakilala na siya ni Joen sa isang tiyahing may art gallery sa Megamall. Nakita at nagustuhan naman ng tiyahin nito ang kanyang mga ipininta. Regular na siyang magdi-display roon ng mga obra niya. Ngayon ay binibigyan na naman siya ni Joen ng trabaho. “I’m interested.”

Ngumiti rin ang binata. Ngiting sa pagdaan ng mga araw ay mas lalo yatang nagiging matamis sa paningin ni Impy. “Then, isasama kita roon mamayang after lunch para makita mo ang art room. Ibibigay rin sa iyo ng faculty ang suggestions nila.”

“Okay.”

Lumapit ito nang husto sa kanila at hinalikan ang bata. “Bye, baby. Huwag mong pahihirapan si Mommy at si Yaya.” Sa kanyang pagkagulat ay inakbayan siya nito at hinalikan din sa noo. “See you later, Mommy.”

“Ingat,” kinikilig man ay nagawa pa niyang ipahabol bago ito tumalikod.

Lately, Joen was treating them like a family. Nakadarama man ng tuwa at kilig doon si Impy, alam niyang mahihirapan siya nang husto kapag kinuha na sa kanila ang bata. Hindi lamang si Joy-Joy ang mami-miss niya. Si Joen din, dahil kapag kinuha na ni Tom ang bata, kailangan na rin niyang umalis sa poder ng binata. And she would definitely miss him, too.

Bumalik si Joen dakong tanghali. Pagkakain ay kasama na nito si Impy sa pagpunta sa Hebron Montessori School. Noon lang siya nakarating doon. Walang dahilan noon upang mapunta siya roon.

Malaki pala ang paaralan. Ang sentrong gusali at ang left wing ay inookupa ng elementarya. High school naman ang nasa right wing.

Isinama siya ni Joen sa unang palapag ng right wing. Isang silid na wala pang laman ang pinagdalhan nito sa kanya. “Ito ang magiging bagong art room nitong school.” Hinawakan siya nito sa siko. “Halika sa faculty office. Doon natin idi-discuss ang mga bagay na ipe-paint mo sa mural.”

Kasama sa kanilang meeting si Reese Miranda, ang babaeng minsan nang tumawag kay Joen sa bahay.

Hindi gusto ni Impy ang hilatsa ng mukha ng babae. Bagaman maganda ito, halata naman sa kilos ang flirty attitude lalo na sa pakikipag-usap kay Joen. Kapansin-pansin din ang pagkakahakab ng suot na uniform nito sa makurbang katawan at ang may kagaslawang kilos. Manhid na lang ang hindi makakapansin sa not-so-subtle na pagpi-flirt nito sa binata.

At ang lihim niyang ipinagngingitngit, mukhang nag-e-enjoy pa si Joen sa labis na atensiyong nakukuha sa babae.

Matapos ang meeting ay nagpaalam na si Impy kay Joen. Dadaan pa siya sa bookstore upang bumili ng mga art supplies na kakailanganin niya. Sa mall siya pumunta.

Nakabili na si Impy ng mga kailangan nang mapasulyap siya sa isang boutique. Naagaw ng pansin niya ang suot ng mannequin sa harapan niyon. Isa iyong summer dress na simple lang ang tabas. Powder blue ang kulay ng bestida at hindi mukhang dressy. May katernong strappy sandals iyon na kulay puti at mababa lang ang takong. Pumasok siya sa loob ng boutique.

Isinukat ni Impy ang damit sa kabila ng skeptic na tingin ng salesclerk. Naka-T-shirt, maong, at rubber shoes na naman kasi siya. Naaalangan siya. Para kasing hubad ang pakiramdam niya dahil hindi siya sanay na magbestida, ngunit nagustuhan niya ang pagkakalapat niyon sa kanyang katawan. Maaaring biased siya but the dress looked good on her.

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon