Getting Used To Knowing You

9.1K 231 15
                                    



CHAPTER FOUR     

NALINIS na ni Impy ang guest room at nawalisan na ang maalikabok na sala ng kanyang bahay nang dumating doon si Psyche. Bitbit nito ang isang bagong overnight bag. Maging ang suot nitong jeans at blouse ay halatang hindi pa nakakaranas ng laba, naroon pa ang orihinal na tupi sa manggas at liston.
Haggard ang mukha ng kanyang kapatid. Oo nga at hindi nangingitim ang paligid ng mga mata nito—hindi nito namana ang malalaking mata ng kanilang ama bagaman matangos din ang ilong nito—ngunit mauumbok naman ang eye bags. Nangilid ang luha sa medyo singkit na mga mata ni Psyche nang makita siya.
“I-Impy...” Yumapos ito sa kanya sabay hagulgol.
Dinala ito ni Impy sa sofa at doon sinikap na pakalmahin kahit naaasiwa siya. Ngayon pa lang siya naka-encounter ng babaeng muntik nang magahasa. Hindi niya alam kung ano ang tamang pag-alo rito. “It’s okay, Psyche. Safe ka rito. Hindi ka na masusundan pa ng hayup mong stepfather.”
Lalo namang lumakas ang iyak nito sa sinabi niya. Nanahimik na lang tuloy siya habang hinahagod ang likod nito.
Ngalay na ang balikat ni Impy na kinasusubsuban ng mukha ni Psyche nang sa wakas ay maampat ang mga luha nito. Sumisigok pa ito nang magpaalam siyang ikukuha muna ito ng tubig.
Una, si Beck, ngayon naman, si Psyche. Comedy at adventure lang ang tema ng buhay ko dati, bakit ba lately bigla yatang na-involve ako sa drama? himutok niya habang nagsasalin ng inumin sa baso. Pinaka-drama nang matatawag iyong maubusan siya ng pera. Maliban doon ay wala nang bagay na yumayanig sa buhay niya.
Hindi sa hindi concerned si Impy sa nangyayari sa kanyang kapatid, ayaw lang niyang maulit kaagad ang gulo ng isip na pinagdaanan niya matapos siyang dalawin ni Beck, magsilang ito at mamatay, nang siya lahat ang umintindi. Halos maluka-luka na siya kung hindi pa sa pagdating ni Joen at pag-ako nito ng ilang responsibilidad.
Hapis ang mukha habang nakatanaw sa kawalan ang kanyang kapatid nang muling pumasok sa sala si Impy. Tinapik niya ito sa balikat upang mamalayan nitong nakabalik na siya. Ilang lagok lang ng tubig ang ginawa nito. Nagsimula itong magkuwento kahit hindi naman niya inuusisa.
Ayon kay Psyche, itinaon ng stepfather nito na malayo ang lugar na pinuntahan ng ina nito nang tangkain itong halayin. Off din daw ng mga katulong. Ito lang at ang stepfather nito ang nasa bahay nang mga sandaling iyon.
“Mabuti na lang at may kapitbahay kaming nagsadya sa bahay para sana magpahulog ng sulat kay Mommy.” Malapit lang sa domestic airport post office ang kompanyang pinapasukan ng ina nito. “Siya ang nagligtas sa akin sa masamang tangka ng stepfather ko. Dinala niya ako sa kanila. Nandoon ako hanggang sa dumating si Mommy. Pero naunahan na ako ng stepfather kong magkuwento kay Mommy. And when I told her what happened, hindi niya ako pinaniwalaan. Pinagalitan pa niya ako. Mas pinaniwalaan pa niya ang asawa niya kaysa sa akin.
“Sa sama ng loob ko, umalis na lang ako kahit anong pigil ni Mommy sa akin. Pumunta ako kay Kuya Evenur. Masama nga ang tingin sa 'kin ng mother niya. Nagparinig pang perhuwisyo raw talaga ang mga anak sa labas ni Daddy.
“Of course, hindi makakapayag ang nanay ni Kuya na doon ako mag-stay, kaya inilagak ako ni Kuya sa pinakamalapit na hotel.  Binilhan din niya ako ng mga damit pagkatapos niyang subuking kontakin ka at ang iba pa nating kapatid para samahan ako roon. Si Ate Hesione lang ang na-contact niya,” tukoy nito sa kapatid nilang hiwalay sa asawa.
“Sinamahan ka niya sa hotel?”
“Oo, pero nagalit ang asawa niya nang iwan ni Ate ang anak nila sa poder nito para lang masamahan ako. Isang gabi lang akong sinamahan ni Ate Hesione. Last night, mag-isa na lang ako sa hotel. And I got scared.” Muli itong napaluha.
Niyakap uli ito ni Impy at pinakalma. “Ang mabuti pa, magpahinga ka na muna sa kuwarto. Tatawagan ko si Kuya Evenur para malaman niyang narito ka na.”
Nang makaakyat na ito sa silid, mabilis na pinagana ni Impy ang isip niya. Tinawagan niya sa cellphone ang kanilang Ate Hesione. “Ate, kailangan ko ang tulong mo para kay Psyche,” bungad niya nang sumagot ito. “May previous commitment ako at hindi ko siya puwedeng samahan dito sa bahay ko. Puwede bang ikaw na lang muna ang makasama niya rito pansamantala?”
Umangal kaagad ito. “Mag-aaway lang kami ng hudas kong asawa kapag iniwan ko na naman sa kanya ang anak namin.”
“Hindi mo naman kailangang iwan sa kanya ang baby n’yo. Isama mo na rito ang pamangkin ko.”
“Sorry, nakatulong na ako kay Psyche. Ako na ang nagbantay sa kanya sa unang gabi niya sa hotel. Bakit hindi mo na lang tawagan ang iba nating kapatid kung hindi ka puwede?”
“Sino naman sa kanila ang available ngayon? Alam mo namang 'yong mga single sa kanila, kung hindi nasa malayong probinsiya ay nasa abroad. Pamilyado naman 'yong iba.”
“Pamilyado rin naman ako, ah?”
“Oo nga, pero hindi kayo nagsasama ng asawa mo kaya puwede kang hindi matulog sa inyo. Maluwag naman 'yong kuwarto ko para sa inyong mag-ina.”
“Hay, naku, ayokong umalis ng bahay ngayon, 'no.”
Banas na siya. Mahirap talagang pakiusapan ang kapatid niyang ito. “Okay lang. Mag-uusap kami mamaya ni Kuya Evenur tungkol kay Psyche. Mababanggit ko rin siguro sa kanya na hindi mo nagamit sa pamangkin ko 'yong perang hiningi mo sa kanya dahil sinagot lahat ng asawa mo ang hospital bills ng baby n’yo.” Noon lang nakalipas na buwan ay na-bronchopneumonia ang anak nito at naospital. “Anyway, kilala ko naman ang mga kakonsiyerto mo sa mahjong. I’m sure, hindi ako mahihirapang alamin sa kanila kung gaano kalaking halaga ang naipatalo mo sa sugal.”
“Tuso ka talagang babae ka,” nanggigigil nitong sabi.
“Salamat sa pagpayag mo, Ate,” sagot ni Impy na para bang umoo na ito. “Pupunuin ko ng stock ang ref para may makain kayo rito ni Psyche. Huwag mong kalilimutang magdala ng infant formula ng baby mo. Bye.” Hindi na niya hinintay na sumagot pa ito. Pinatay na niya ang kanyang cellphone at lumabas ng bahay upang magtungo sa grocery.

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon