CHAPTER SIX
“ANO’NG sabi ni Kuya nang pumunta d’yan kagabi? Nagalit ba nang todo?”
“Impy...” Apologetic kaagad ang tinig ni Psyche sa kabilang linya. Tinawagan niya ito nang makaalis na si Joen. Kinumusta niya ang kapatid kung maayos ba ito sa bahay niya at kung kasama pa rin nito ang kanilang Ate Hesione. Mabuti na lamang at hindi pala ito iniwan ng ate nila. Natakot din marahil ang kanilang Ate Hesione na isumbong niya sa kanilang panganay ang pagiging sugarol nito. “Pasensiya ka na. Dahil sa 'kin—”
“No, it’s all right. Inaasahan ko na 'yon. Gusto ko lang malaman kung anu-ano ang mga sinabi niya nang malaman niya na hindi ako ang kasama mo kundi si Ate Hesione.”
Dinig niya ang pagpapakawala ni Psyche ng hininga. “He wanted to know where you’re staying. Susugurin ka raw niya sa bahay ng Joen na 'yan.”
“At ano ang sinabi mo?” nagpa-panic na tanong niya.
“Ano’ng sasabihin ko? Hindi mo naman iniwan sa amin ni Ate ang address mo. Hindi ka rin namin ma-contact sa cellphone mo.”
Nakahinga nang maluwag si Impy. “Oo nga pala. Sorry, I forgot.” Sinadya niyang i-off ang cellphone para hindi siya matawagan ng Kuya Evenur niya.
“Bakit kasi hindi mo pa sabihin sa kanya kung saan ka tumitira ngayon? Lalo lang tuloy siyang naghihinala sa inyo ng Joen na 'yan.”
“Kilala mo naman si Kuya. Kahit na ano pa ang sabihin ko sa kanya, hindi iyon maniniwala na wala kaming relasyon ni Joen. At kung miracle of miracles ay mapapaniwala ko siya, I’m sure, iaalis niya ako rito at hindi ko na magagampanan ang responsibility ko sa batang iniwan sa akin ni Beck.”
May ilang bagay pa siyang inihabilin at inalam kay Psyche. Ibababa na niya ang receiver ngunit nararamdaman niyang parang may gusto pang sabihin ito. “May gusto ka pang sabihin sa 'kin, right?” hula niya.
“Eh... magpapasama sana ako sa 'yong kunin ang mga importante kong gamit sa 'min.”
“Kaya mo nang tumuntong uli sa bahay n’yo?” maingat niyang tanong. Base sa kuwento nito at ng kanyang Kuya Evenur, napaka-traumatic ng nangyari kay Psyche at hindi niya inaasahang magagawa na nitong mapalapit man lang sa pinangyarihan ng muntik nang pagkapahamak nito.
“May pasok naman si Mommy at si T-Tito kapag weekdays...”
“Sinabi mo na ba ito kay Kuya Evenur?”
“Hindi pa.”
“Palagay ko, dapat mo munang sabihin sa kanya. Kahit willing akong samahan ka, babae lang din ako. Hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari. Mabuti nang nag-iingat tayo.”
“Hayaan mo, tatawagan ko si Kuya mamaya.”
“Sige, pero huwag mong sasabihin sa kanya na ako ang kasama mo kung sakali. Ayoko munang magpakita sa kanya. Tatawagan na lang kita mamayang hapon para alamin kung ano ang napag-usapan n’yo ni Kuya.”
“Okay.”
“Napag-isipan mo na ba kung ihahabla mo ang stepfather mo?”
“Hindi ko yata magagawa, Impy.”
“Why not? Ginawan ka niya ng masama.”
“Ayokong... a-ayokong makaladkad sa eskandalo. Alam mo naman kung anong reputasyon mayroon ang ama natin. Paano kung ako pa ang baligtarin ng stepfather ko?”
Nagtagis ang mga bagang ni Impy sa narinig. Hindi naman niya masisisi ang kapatid. May punto rin ito.
Pagkababa niya ng telepono ay nilapitan siya ni Anto. Nasa receiving room daw at naghihintay ang magiging yaya ni Joy-Joy. Nagtungo na siya roon.
Palangiti at may bukas na mukha ang babaeng nabungaran ni Impy na nakaupo sa armchair sa receiving room. Naglalaro marahil ang edad nito sa kuwarenta hanggang kuwarenta y singko. Nagpakilala ito bilang “Cedes.” Halos nasisiguro na niyang makakasundo ito ni Joen.
“Iisa lang naman ang anak ko at may sarili na siyang pamilya,” paglalahad nito nang tanungin niya kung bakit ang pag-aalaga ng bata ang naging opisyo nito. “Iyon namang asawa ko, humiwalay na sa 'kin kaya nag-iisa na ako.”
Napangiti siya. Sa nakikita niyang kasiglahan dito, hindi niya iisiping kahihiwalay lamang nito sa asawa. Well, may mga tao nga siguro na sadyang maganda ang disposisyon sa buhay.
“Ahm, Aling Cedes, halikayo sa itaas at nang makita ninyo ang aalagaan n’yo,” yaya niya rito mayamaya.
“‘Ate Cedes’ na lang, hindi pa naman ako katandaan.”
Napapangiting sinang-ayunan ito ni Impy.
Mukha ngang mahusay sa bata ang babae. Katunayan, nakasundo kaagad nito si Joy-Joy. Hindi man lang umingit ang bata nang palitan na ni Ate Cedes ang nadumihang diaper ni Joy-Joy, gayundin nang kargahin nito ang bata. Halata rin sa kilos ng mga kamay nito ang kasanayan sa trabaho.
Dakong hapon nang muling tawagan ni Impy si Psyche. Natawagan na raw nito ang Kuya Evenur nila. Hindi na raw matutuloy ang pagpapasama nito sa kanya dahil ipakukuha na ng kanilang panganay na kapatid ang mga gamit na nais makuha ni Psyche.
She wondered kung paano iyon gagawin ng kanilang Kuya Evenur. Most probably ay iuutos na naman nito sa sekretaryang si Arly. Her brother was really a slave driver. Mabuti na lamang at napagtitiisan ng sekretarya ang ugali nito.
Napanatag na rin siya. At least, hindi na kailangan pang umalis ni Psyche sa kanyang bahay.