Tender Emotions

7.9K 198 15
                                    

CHAPTER EIGHT

“MY GOD! What happened?” Mabilis na nakalapit si Joen kay Impy at naupo sa gilid ng kama katabi niya. Inalis nito sa mga bisig niya si Joy-Joy at inihiga ang bata sa gitna ng kama. Namalayan na lang niyang dinala ng binata ang kanyang mukha sa balikat nito.
Doon na siya bumigay. Hindi na niya napigilan ang sarili sa paghagulgol. Hinagud-hagod ni Joen ang likod niya habang pinatatahan siya.
Matagal-tagal din bago nagawang hamigin ni Impy ang kanyang sarili at kumalas dito. Ito pa ang nagpunas ng basa niyang pisngi gamit ang dinukot na panyo mula sa bulsa nito.
“Can you now tell me what’s the cause of those tears?” he asked softly, trying to coax an answer.
Iling lang ang isinagot ni Impy. Parang bubulalas na naman siya ng iyak kapag nagsalita siya.
Ginagap ni Joen ang mga kamay niya, pinisil-pisil na parang nagpapaamot ng lakas ng loob. “Now, Impy, hindi ka iiyak nang ganoon kung walang dahilan. C’mon, you can trust me with it.”
Ilan munang pagsagap at pagbuga ng hangin ang kanyang ginawa bago siya nakapagsalita. “Dumating na si Tom, Joen. Kukunin na niya si Joy-Joy. Huwag mong hayaang kunin niya ang bata, please. Hindi naman niya alam ang bahay mo. Wala pa siyang alam sa mga nangyari. Basta huwag kang papayag na kunin niya sa 'tin si Joy-Joy.” Napasigok si Impy at muli na namang napaiyak.
He gathered her in his arms. Inalo siya nito. “You’re so upset. Breathe, Impy, hindi kita mamadaliing magkuwento.”
Kalaunan, nasabi rin niya kay Joen ang tungkol sa ama ng bata at ang gagawin niyang pakikipagkita bukas. Pinagmasdan lang siya nito nang matagal bago nagsalita. “Your walls are cracking now, Impy.”
Nalilitong napatitig siya rito. “W-walls?”
“Ah-huh.” Hinawi nito ang mga hibla ng buhok na nalaglag sa mukha niya. “Marunong ka nang magmahal. Nagawa ni Joy-Joy na pukawin ang pagmamahal na nakatago riyan sa dibdib mo. I can see it, sa kilos mo, sa mga mata. Natuwa nga ako na makita ang fondness mo sa bata. Kaya mo na siyang halikan ngayon kahit hindi mo pa siya magawang kantahan...”
Kumunot ang noo ni Impy. Ano ba ang pinagsasasabi ng lalaking ito? Ang topic ay tungkol sa panganib na mawala sa kanila si Joy-Joy. Kung bakit sa kanya na naman napunta ang usapan?      
“Too bad, kung kailan natutuhan mo na siyang mahalin ay saka naman dumating ang tao na higit na may karapatan sa kanya.”
Nanggigilalas siya sa kahulugan ng mga sinasabi nito. “At basta mo na lang siya ipamimigay kay Tom?”
Ikinulong ni Joen ang magkabilang gilid ng kanyang mukha sa mga kamay nito. “Impy, please listen to me. Kung natutuhan mong magmahal, you should also learn to let go.”
“Hindi mo man lang ipaglalaban si Joy-Joy sa gagong lalaking 'yon?” sumbat niya rito sabay padarag na inalis ang mga kamay nito sa kanyang mukha.
“Hindi sa atin si Joy-Joy.”
“Sa atin siya inihabilin ni Beck!”
“Tama ka. Pero iyon ay noong hindi pa lumilitaw ang tunay na ama ng bata,” mahinahon pa rin na sabi ni Joen. “Huwag mong kalilimutan na matagal munang hinanap ni Beck ang ama ng anak niya bago siya humingi ng tulong sa atin. Nangangahulugan lang iyon na gusto niyang isali si Tom sa pagdadala ng responsibilidad sa bata.”
Bakit ba napakakalmado ng lalaking ito? Gusto man niyang awayin ito nang mga sandaling iyon ay hindi niya magawa.
“Tayong dalawa ang makikipagkita kay Tom bukas.”
“I-ibibigay mo na sa kanya si Joy-Joy?”
“Of course not. Kailangan muna niyang patunayan sa atin na siya nga ang ama ng bata. Kailangan din nating malaman if  he is responsible enough para alagaan si Baby. Marami pa tayong dapat alamin sa Tom na iyon. For one, hindi pa natin alam ang magiging reaction niya kapag nalaman niyang patay na si Beck.”
“May possibility pa rin na mag-i-stay sa atin si Joy-Joy?” sambit ni Impy kasabay ng pagbangon ng pag-asa.
“Right, Mommy,” anito kasabay ng ngiti.
Umingit ang bata at naglikot. Awtomatikong tinapik-tapik ni Impy ang palapispisan nito.
“Bakit hindi mo siya kantahan? Kung mawawala ang batang ito sa atin, mawawalan ka na ng chance na ipaghele siya.”
Napapormal siya sa sinabi ni Joen. “I-I can’t.”
“Maganda naman ang boses mo, sige na.”
Bumibigat na ang dibdib ni Impy sa alaalang pinupukaw ng binata kung bakit hindi niya magawang ipaghele ang bata. “Huwag mo akong piliting sabihin sa iyo kung bakit. Kung gusto mong ipaghele si Joy-Joy, ikaw na lang.”
Lalo namanng naging makulit si Joen sa pagpipilit na pakantahin siya. Kung tungkol din lang sa kanya, he wouldn’t let any single stone left unturned. Napatunayan na naman niya ngayon iyon. Wala siyang mapagpilian kundi ang sabihin dito ang dahilan.
“P-paano kong kakantahan si Joy-Joy? Paano ko siya ipaghehele kung ni isang lullaby o kahit nursery rhyme, wala akong alam?” sabi ni Impy habang nararamdamang unti-unti na namang bumubukal ang mga luha niya. Nanginginig ang kanyang mga labi ngunit sinikap  niyang  masabi  ang  nasimulan.
“W-walang ina o ama na naghele sa akin noong bata ako. Walang nagturo sa akin ng nursery rhymes. Kung may naging yaya man ako noon na kinakantahan ako, kanta iyon na naririnig lang sa radyo. At kahit isang kuwentong pambata, wala akong alam. W-walang nagkuwento sa akin.”
Parang agos na dumaloy sa mga sinabi ni Impy ang mga hinanakit at mga bigong pag-asam na matagal din niyang kinimkim sa sarili. “H-hindi ako marunong maglambing dahil wala akong gagayahan kung paano ba maging malambing. Walang nagturo sa aking m-magmahal. At siguro, kung may naging yaya man ako noon na nagmalasakit sa akin, hindi iyon naging sapat para matutuhan kong magmahal.
“Natutuhan kong magsuot ng mga damit-panlalaki dahil, sabi mo nga, iyon ay cover-up. Kailangan kong protektahan ang sarili ko dahil walang magpoprotekta sa akin kundi ako rin.”
Ilang saglit munang nakatitig lang si Joen sa kanya, namamangha at hindi makapaniwala. Muli siyang ikinulong ni Joen sa mga bisig nito pagkuwan. Ibinaon ni Impy ang mukha sa dibdib nito sa pagsisikap na maampat ang daloy ng kanyang mga luha. Naramdaman niya ang marahang pag-alo nito. “It’s all right, Impy, I won’t leave you. Nandito lang ako... Nandito lang ako. Hush now.”

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon