CHAPTER TEN
“ANO ANG paraan para payagan mong manatili rito si Impy kung gano’n?” pormal na tanong ni Joen sa kanyang Kuya Evenur.
Nasa sala na silang tatlo noon. Ipinasa muna ni Impy ang bata kay Ate Cedes. Hindi na tumuloy sa montessori si Joen. Hinarap nito ang galit na galit niyang kapatid. Hindi niya alam kung kailan dumating ang kuya niya. Nang huli siyang tumawag kay Arly ay wala pa ito sa Pilipinas.
Kinakabahan si Impy. Parang nagsusukatan ng tingin ang dalawang lalaki. Pilit siyang isinasamang pauwi ng kuya niya na kapwa nila tinutulan ni Joen.
“Lalaki ka. And I suppose, hindi ka naman basta lalaki lang. Sa nakita kong ikinilos n’yo kanina, ano sa palagay mo ang dapat?”
“Kung ang tinutukoy mo ay ang karangalan ni Impy, iginalang ko siya sa loob ng panahon na tumira siya rito. Nasa iyo 'yon kung paniniwalaan mo ako o hindi. Pero kung hinihintay mong panagutan ko siya, pakasalan, para lang ma-satisfy kang hindi siya agrabyado, hindi ko gagawin.”
Tama naman ang sinabi ni Joen kahit medyo dismayado si Impy.
“Aba’t ang tarantadong ito—”
Bago pa ito masuntok ng kuya niya ay humarang siya kaagad. “Kuya, please.”
“Si Impy lang ang may karapatang magpasya kung sino ang gusto niyang pakasalan,” sabi ni Joen bago pa makasagot ang kuya niya. “Hindi ako, lalong hindi ikaw, dahil nasa tamang edad na siya para piliin ang gusto niya.”
Siya tuloy ang napagbalingan ng kanyang kapatid. “Nagpapahalik ka sa tarantadong ito, Iphimedia? Tingnan mo nga kung paano mangatwiran! Sasama ka sa akin ngayon din! Patitingnan kita sa doktor para makatiyak ako kung totoo ngang hindi ka napakialaman ng walanghiyang ito!”
“Kuya! That’s disgusting! Hindi ako papayag!”
Nakipagsukatan si Impy ng tingin dito na noon lamang niya ginawa. Sa huli ay napailing na lang ang kuya niya, hindi pa rin nababawasan ang pagdidilim sa mukha. “Hindi ko alam kung ano ang ipinakain sa iyo ng lalaking ito para maging ganyan ka na katigas, Impy. Sasama ka sa akin ngayon or I swear, hindi ko kayo patatahimikin dito.”
Kahit naman bihira silang magkausap na magkapatid, alam ni Impy kung kailan hindi mababago ang pasya nito. Napilitan na siyang sumang-ayon.
Sinundan siya ni Joen sa kanyang silid nang mag-eempake na siya ng mga damit. “So, iiwan mo na kami ni Joy-Joy?”
“Mabuti na ang ganito kaysa magulo pa ang buhay mo. I know my brother. Hindi 'yon nagbibiro sa sinabi niya kanina.”
Bumakas sa mukha ni Joen ang mapaklang ngiti. “Yeah, right. You know him but it appears that he doesn’t know you at all. Hindi niya alam ang mga kakayahan mo, ang lakas mo. Kaya kung ano ang gusto niya, ine-expect niyang susundin mo.”
“Puwede ko namang dalawin si Joy-Joy rito kahit araw-araw. Hindi ako mababawalan ni Kuya na gawin ‘yon.”
“Ang sa akin lang naman, isang linggo na lang at kukunin na ng ama niya ang bata. Sandaling panahon na lang na magkakasama tayong tatlo, aalis ka pa ngayon.”
Humugot ng hangin sa dibdib si Impy. “Mabuti na rin siguro ang ganito para ngayon pa lang, masanay na akong wala ang bata. Now or later, pareho lang. Masasaktan din ako, bakit hindi pa ngayon?”
Niyakap siya ni Joen nang mahigpit, isang aktuwasyong hindi niya inaasahan. Matagal. Para bang may mga bagay itong nais ipahatid sa yakap na iyon ngunit hindi lang nito masabi.
Siya na ang kusang kumalas dito.
“Kung kailangan mo ako, any time, tumawag ka lang.”
Gustong sungawan ng luha ang mga mata ni Impy sa sinseridad na nakita niya nang sabihin nito iyon. Tango lang ang nakuha niyang iganti.
Pakiramdam ni Impy, para siyang namatayan nang silipin niya sa nursery room si Joy-Joy. Mabilis na halik at yakap lamang ang nagawa niya rito dahil babagsak na ang mga luha niya. Ngunit hindi na rin niya napigilang mapaluha nang makita niya sa front steps na inihatid siya ng tanaw ni Joen habang karga nito ang bata.
Tahimik silang magkapatid habang sakay ng kotse ng Kuya Evenur niya. Bakas pa rin ang galit sa mukha nito. Nagtaka tuloy siya nang sapitin na nila ang kanyang bahay at mahinahon siyang kausapin nito.
“Huwag ka sanang magalit sa ginawa ko, Impy. Alam natin na hindi ka nagabayan ni Daddy. Pero nandito pa naman ako para gampanan ang ilang responsibilidad niya sa iyo.
“I know I was always hard on you. Pero iyon ay dahil ayokong mapahamak ka. Gusto kong mamulat ka sa buhay. Gusto kong maging matatag ka. Hindi mo matututuhan iyon kung lagi na lang masusunod ang gusto mo.”
“Mabait naman si Joen kaya nagtiwala ako na tumira sa bahay niya.”
“Granted na totoo 'yon, pero hanggang kailan?” Nagmura muna ito bago magpatuloy at napangiwi siya. Matagal na siyang hindi nakakarinig ng nagmumura. Maging siya ay hindi na masabi ang mga salitang dati ay bulaklak lang ng kanyang dila. “I saw it with my own eyes, the guy was kissing you!”
“Smack lang 'yon,” katwiran naman niya. “It was just a good-bye kiss dahil papasok na siya sa office. Ganoon lang talaga magpakita ng fondness si Joen.”
“Fondness?” Umismid ito. “Lalaki rin ako, hindi kami nakokontento sa smack lang habang-panahon. That guy will surely ask for more kapag tumagal. At isipin na lang na malaya niyang magagawa ang gusto niya sa iyo dahil iisang bubong ang tinitirhan n’yo!”
“Nagagalit ka na naman. Pumayag na nga ako sa gusto mo, eh.”
Inakbayan siya nito at pinisil sa punong-braso. “Okay, iiwan na kita rito.”
Nasa pinto na ito nang tawagin niya. “Bakit?”
Nilapitan niya ito at niyakap. “Kahit masungit ka, salamat.”
Napapangiting nailing na lamang ang Kuya Evenur niya. Ginusot nito ang kanyang buhok. “At least, that guy had managed to change your tomboyish ways.”DALAWANG ulit na umakyat si Impy upang muling sipatin sa salamin ang ayos niya. Suot ni Impy ang summer dress na binili niya sa boutique. Hindi niya maisip kung ano pa ang kulang sa kanya.
Nang nakaraang gabi ay tinawagan siya ni Joen upang yayaing mamasyal sa mall kasama si Joy-Joy. Ibinigay ni Impy rito ang address ng bahay niya. Alas-diyes ng umaga raw siya daraanan nito. Alas-nuwebe y medya pa lamang ay bihis na siya sa sobrang excitement.
Sa wakas ay naisip din ni Impy kung ano ang kulang sa kanyang ensemble—makeup. Ngunit wala siya niyon.
Nang magkalkal si Impy sa dressing table, baby powder at lip balm lang ang kanyang nakita. Iyon na lang ang pinagtiyagaan niyang i-apply sa mukha. Ipinapahid niya sa mga labi ang lip balm nang makarinig siya ng busina. Patakbo niyang tinungo ang pinto ngunit huminga muna siya nang malalim bago iyon buksan.
“Wow!” bulalas ng napagbuksan niyang si Joen, karga nito si Joy-Joy. Kaagad na nagtaas-baba ang tingin nito sa kanya, dahilan para mag-init ang mukha niya. “You don’t look like a mommy. You look lika a blushing bride. Bagay sa 'yo.”
Sikmat ang iginanti ni Impy rito bago kinabig pasara ang pinto. Kinikilig siya sa humahangang tingin nito ngunit pinigilan niya ang sarili.
Maya’t maya ang sulyap ni Joen sa kanya habang sakay sila ng kotse. Nagkumustahan lang sila at wala nang namagitan pang interaction sa kanila hanggang sa makarating ng mall. He seemed preoccupied. Alam niyang may gumugulo sa isip nito.
“Something’s bothering you,” sabi niya nang kumakain na sila sa isa sa mga restaurants sa mall. “'Want to share it?”
“Tumawag sa akin kanina si Tom. Kukunin na niya si Joy-Joy bukas ng umaga.”
“Bakit ang bilis naman yata? Wala pang dalawang linggo, ah?”
“Kinukulit na raw siya ng kanyang ina na iuwi roon ang bata. Pumayag na rin ako labag man sa loob ko. Siya naman talaga ang may karapatan sa baby.”
Nawalan na si Impy ng ganang kumain. Pinilit lang niyang ubusin ang nasa plato. Nalungkot si Impy nang mapilitan siyang umalis ng bahay ni Joen. Ngayon ay talagang mag-iisa na siya. Wala nang dahilan para dumalaw siya sa bahay ng binata. Mawawala na roon si Joy-Joy.
“Naisip ko, kung okay lang sa 'yo na sa apartment mo kami matutulog mamaya ni Joy-Joy para makasama mo pa siya.”
Napangiti na si Impy. Napaka-considerate talaga ng lalaking ito. “Eh, wala kayong damit at baka maubusan ng gatas si Joy-Joy.”
“May baon kami, nasa compartment.”
“How nice of you to think about me.”
Ngumiti ito nang maluwang. “Hindi mo lang kasi alam.”
“Ang alin?” nagtatakang tanong niya.
“Ha? Ah, eh, siyempre naman, maiisip kita dahil love na love mo si Baby. Tayo ang naging daddy at mommy niya kahit sa loob lang ng tatlong buwan. Tama lang siguro na sa huling gabi niya sa atin, magkakasama tayong tatlo.”
“Niligawan mo ba noon si Beck?” out of the blue ay naisip niyang itanong kay Joen.
“Oo. Pero hindi niya ako type kaya naging magkaibigan na lang kami.”
Tama nga ang hula ni Impy noon kaya hindi ito nagdalawang-isip na kupkupin ang anak ni Beck. Minahal talaga nito ang kaibigan niya. “Mahal mo pa ba siya hanggang ngayon?”
“Mahalin ko man siya hanggang ngayon, wala nang silbi, patay na siya.”
Sino na pala’ng mahal mo ngayon, ang kerengkeng na Miss Miranda na 'yon? Ngunit hindi na niya sinabi iyon.
Iginiit ni Joen na sasamahan sila nitong matulog sa kanyang kuwarto. Gusto rin daw nitong makasama ang bata sa huling gabi. Nag-aalangan man ay pumayag na rin si Impy dahil nasa gitna naman nila ang bata. Queen-sized bed lang ang kama niya kaya siksikan silang tatlo roon.
Halos magdamag silang nagkuwentuhan ni Joen. Kung anu-ano lang naman ang napagkuwentuhan nila. Tulad niya, parang sabik din itong makasama siya. At bago siya lamunin ng antok, naramdaman pa niya ang marahang pagdampi ng mga labi nito sa kanyang noo.
Kay gaan ng pakiramdam ni Impy nang magising kinabukasan. Hindi niya alam kung paanong nakaunan na sa braso ni Joen ang kanyang ulo at halos magkadikit ang kanilang mga mukha.
He looked so handsome while sleeping peacefully. Pinagsasawa niya ang mga mata sa guwapong mukha nito nang biglang bumukas ang pinto. Iniluwa niyon ang galit na galit na Kuya Evenur niya.
“Ano na namang kalokohan ito, Iphimedia?”