Sabik

13.8K 340 56
                                        


CHAPTER ELEVEN

DALAWANG araw nang nagmumukmok si Impy sa workroom niya. Dalawang araw na rin mula nang aksidenteng datnan sila ni Joen na magkasamang natulog sa kanyang silid ng kanyang Kuya Evenur. Kung hindi lang nakarga ni Joen si Joy-Joy, malamang na nasuntok na ito ng kuya niya.
Hindi na sila nakapag-usap ni Joen nang itaboy niya ito pasakay sa kotse. At sa nakalipas na dalawang araw, hindi man lang ito tumawag sa kanya.
Isa pang nakapagpapabigat ng loob ni Impy ay ang kaalamang nakuha na ang bata ng ama nito. Hindi na niya ito mahahalikan, malalaro, mayayakap. Hindi na niya ito maaalagaan.
Somehow, hindi lang si Joen ang nagturo sa kanya kung paanong magmahal. Si Joy-Joy rin, sa tahimik na paraan nito ay naturuan siya.
Itinutok niya ang mga mata sa canvas na nasa harapan. Iyon pa rin ang canvas ng portrait nina Joy-Joy at Joen, ang pamamagatan sana niyang “Father and Child,” ngunit hindi pa niya natatapos ipinta.
Ang mga larawan naman nilang tatlo ang kanyang napagtuunan ng pansin. May kumudlit na magkahalong lungkot at tuwa sa puso niya nang makita ang picture na magkadikit ang kanilang mga mukha ni Joen habang kalong niya si Joy-Joy. Napakasaya nilang tingnan doon. At napakaguwapo ni Joen. And God, how she missed him!
May nagdo-doorbell kaya napilitan siyang lumabas ng workroom. Malamang na ang Kuya Evenur na naman niya iyon, checking on her. Tuluyan na yatang nawala ang tiwala nito sa kanya.
Ngunit hindi ang kuya ni Impy ang taong napagbuksan niya ng pinto kundi ang guwapo at nakangiting mukha ni Joen. “Hi,” bati nito.
“Napaano ka?” hindik na tanong niya nang makitang may nakatapal na wound strip sa kilay nito sa kanan at may black eye naman sa kaliwa.
Pinagalaw nito ang mga balikat. “Nakatuwaan ako ng kuya mo.”
Napakagat-labi siya. Ibinukas niya nang maluwang ang pinto at pinapasok ang binata. Sabay silang naupo sa sofa. “Pero bakit? Saan?”
“Sinundan niya ako sa bahay noong umalis kami rito ni Joy-Joy. Tama naman siya, dalaga ka at sinisira ko ang reputasyon mo sa pagtulog ko rito na iisang kuwarto pa ang ginamit natin. Naturingan pa naman daw akong isang educator pero hindi ko sinusunod ang tamang asal na itinuturo ko sa school.”
“Hindi ka gumanti.” Alam niya dahil kahapon ay pumunta roon ang kanyang kapatid at wala itong kahit galos sa katawan.
“Ako naman ang mali.” Iniabot nito sa kanya ang nakatagong kamay. May hawak iyong tatlong peach roses. “For you.”
May kumislot sa dibdib ni Impy. Biglang tumambul-tambol ang puso niya. “Bakit mo ako binibigyan nito?”
“Sa palagay mo, bakit binibigyan ng isang binata ng tatlong bulaklak ang isang babae?” anitong nanunukso na.
Inirapan ito ni Impy. She decided to play coy. “Peace offering dahil may ginawa siguro siyang kasalanan. O kaya naman, suhol dahil may hihingin siyang pabor.”
Napabuga ito ng hangin. “Impy, naman, pahihirapan pa ba natin ang mga sarili natin?”
“Aba, ewan ko sa 'yo. Basta ako, hindi nahihirapan.” Oh, well, she was definitely enjoying this game.
Sa isang iglap ay nakalapit si Joen sa kanyang kinauupuan. Nakulong siya sa mga bisig nito. Inilapit nito ang bibig sa kanyang tainga at halos pabulong na nagsalita. “Nakatulog ka ba the last two nights? Hindi mo ako naiisip? Hindi mo nami-miss ang biruan natin? Hindi mo hinahanap ang yakap at paglalambing ko sa 'yo?”
Totoo namang na-miss niya ito at ang lahat ng mga sinabi nito ay nangyayari sa kanya pero ayaw pa rin niyang sumuko. Bakit ba? Sa masarap palang magpakipot, eh. “Bakit, gano’n ba ang nangyayari sa 'yo?” sabi niyang hindi naman inilalayo ang ulo rito.
Biglang naibaling ni Joen ang mukha kahit hindi pa rin inaalis ang mga brasong nakapalibot sa  katawan niya. “Tingnan mo ikaw kung magsalita, para bang wala kang kagustu-gusto sa 'kin.”
Iningusan ito ni Impy. “At bakit naman ako magkakagusto sa 'yo, aber?”
“Hindi ko na kailangang sagutin 'yan. Basta ang alam ko, todo-selos ka kay Reese. Pati ang patay nang si Beck, pinagseselosan mo. Kahit sanay ka na tanghali kung gumising at hindi marunong magluto, nagpilit kang gumising nang maaga para lang ipaghanda ako ng almusal at igawa ng sandwich. Kapag niyayakap kita, gumaganti ka rin ng yakap. Kapag hinahalikan kita, alam kong gusto mo pa pero nahihiya ka lang humirit dahil—Aray!”
Kinurot ito ni Impy sa hita. Iyon lang ang naisip niyang iganti rito matapos nitong ilitanya na ipinagkanulo na niya ang sarili.
Hinapit naman siya nito. “Kung hindi nga lang kita mahal, matagal ko nang sinamantala na sa akin ka nakatira and I can easily seduce you. Hindi nga lang gano’n ang style ko. At kung mamahalin mo ako, gusto kong mahalin mo ako nang kusa.”
Hindi pa rin siya kumbinsido. “Mahal-mahal ka riyan. Kung hindi ko pa alam na sinabi mong isang totoy ang tingin mo sa 'kin at hindi mo ako pagnanasaan.”
“Biro ko lang naman sa iyo 'yon. Ang totoo, alam ko namang babae ka noong mahulog tayo sa kanal. Inakala ko nga lang na tomboy ka. Pero noong makita kita uli sa ospital habang umiiyak ka at naglilitanya ng mga sumbong mo, I was already attracted to you.
“Ang totoo, puwede ka namang hindi tumira sa bahay. Puwede mong dalaw-dalawin na lang doon si Joy-Joy pero naisip kong mas madali kang mai-in love sa akin kung magkakasama tayo sa iisang bubong.”
Inirapan na naman niya ito. “May katwiran naman pala talagang magalit sa 'yo si Kuya. May ulterior motive ka sa pagpapatira sa 'kin doon.”
“Guilty as charged,” sabi nitong ngingisi-ngisi. “Pero parang pinipiga ang puso ko kapag nakikita kitang malungkot, detached, takot magpakita ng affection. Kaya hindi muna kita niligawan. Gusto kong mawala muna ang mga sagabal, ang mga nagpapahirap sa kalooban mo bago mo lubos na maunawaan kung ano ba ang pagmamahal. Na ikaw mismo ang makaalam kung gaano kita kamahal. Na kung papayagan mo ang sarili mong mahalin din kami ni Joy-Joy.”
“Obviously, alam mo na ang sagot diyan,” nakangiti na niyang sabi.
Nagkaroon ng kinang ang mga mata ni Joen, at lumapad ang ngiti. “Yeah. I love you, you love me. And now, I’ve been dying to kiss you the moment you stepped out of that door.”
“Then why don’t you?” aniya sabay alis ng salamin nito sa mga mata.
Marahan muna nitong pinaraan ang mga daliri sa kanyang mukha, tracing every angle, line and plane. Sinundan ng hintuturo nito ang linya ng mga labi niya bago pumalit ang bibig nito.
Para siyang niyayanig ng masuyong paraan ng paghalik nito. He kissed her like he wanted her to enjoy it, to feel it. Hinayaan nitong matutuhan niya ang napakatamis na aktong iyon.
Every stroke, every taste was like sweet torture. Parang ayaw na niyang humiwalay sa mga labi nito. He managed to make her feel like she was cherished, adored, loved in the most exquisite manner with just that kiss.
Naisiksik ni Impy ang kanyang mukha sa leeg nito nang matapos ang halik, savoring his warmth and sweet, manly scent.
“I guess, kailangan na nating sabihin sa kuya mo na engaged na tayo para hindi na ako ma-bad shot sa kanya,” anas nito habang nilalaro ng mga daliri ang mga hibla ng buhok niyang kumawala na sa hair clamp. “Of course madalas na kaming magkikita rito. Wala naman akong balak na laging magpabugbog sa kanya.”         
“Engaged na tayo? Bakit ang bilis naman yata? Ngayon ka pa lang nanliligaw, ah?”
“Kahapon pa nga sana ako nakabili ng engagement ring kung hindi lang nahihiya akong iparada sa madla itong nabugbog kong mukha. Besides, alam kong nalulungkot ka pa rin sa pagkawala sa atin ni Joy-Joy. Gusto kong magkaroon ng dahilan para araw-araw tayong magkita. Gusto kong ako ang gumamot ng lungkot mo,” wika nitong dinampi-dampian ng halik ang kanyang ulo.
“Sige na nga, engaged na kung engaged.”
“Ikaw nga, Iphimedia, eh, huwag nang magkunwaring hindi interesado. Pareho naman tayong sabik na sabik sa isa’t isa.”
Napahagikgik si Impy. Hindi na siya kumontra dahil masarap talaga sa pakiramdam na yakap-yakap siya nito. “Opo na, Sir Joen, labs din kita.”

••• WAKAS •••

http://www.phr.com.ph/

http://www.booklat.com.ph/

https://www.preciousshop.com.ph/home/

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 21, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sir Joen COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon