DAHIL hindi pa naman ganoon kalaki ang tiwala ni Champagne kay James sa kabila ng kabutihang ipinakita sa kanya ng binata, sa Hot&Cold siya nakipagkita—ang paborito niyang coffee shop. Well, actually, paboritong café nila ni Kingston.
Mas panatag kasi siya roon. Bukod sa malapit ang coffee shop sa apartment niya, kilala na rin siya ng mga staff doon bilang regular customer. Kaya kung sakali mang maging weird si James, alam niyang makakahingi siya ng tulong sa mga tao roon.
"Good morning, Ma'am Champagne," nakangiting bati ng staff na si Chuck. Sa tantiya ni Champagne ay nasa early twenties lang ito. "Mag-isa lang kayo ngayon?"
Ngumiti siya nang malungkot. Ngayon lang yata siya nagpunta sa café nang hindi kasama si Kingston kaya siguro naninibago ang staff. "Oo. Iniwan na kasi niya ako."
The guy just gave him an apologetic smile. Pagkatapos ay iginiya siya nito sa paborito nilang puwesto ni Kingston—the table for two beside the glass window. Kinuha ni Chuck ang order niya. Nagulat pa siya nang makitang may latte art ang espresso niya—isang cute na bear na nakangiti at nakakindat pa.
"Napansin ni Boss na malungkot kayo, Ma'am," paliwanag ni Chuck nang mapansin siguro ang pagtataka sa mukha niya.
Na-touch naman siya. She smiled genuinely now. "Thank you."
Ngumiti lang ang staff at saka magalang na nagpaalam.
Nang mapag-isa si Champagne ay napatitig siya sa latte art. Nakakamanghang isipin na kilala ang café na iyon dahil sa latter art. Pero sa ilang taon din na pagpunta-punta nila ni Kingston doon, ngayon lang siya nagkaroon ng espresso na may art.
Si Kingston kasi, puro black coffee lang ang ino-order. Samantalang siya naman, never nagpalagay ng latte art sa espresso niya dahil nanghihinayang siyang inumin iyon sa sobrang cute. Pero ngayon, na-appreciate niya ang effort ng may-ari ng coffee shop para mapasaya ang customer na gaya niya.
Ganoon siguro siya kalungkot para mapansin ng mga staff at pati ang barista, naawa sa kanya at nagdesisyon na kailangan niya ng isang cute latte bear para maging masaya kahit paano.
"Miss Morales?"
Nag-angat ng tingin si Champagne, inaasahang sasalubong sa kanya si James na naka-man bun at balbas-sarado, gaya ng kung paano niya ito naaalala noong unang beses silang magkita. Pero ibang James ang sumalubong sa kanya ngayon.
The gorgeous dark-eyed guy was sporting a modern pompadour hairstyle. His shock of brown was clipped really high into the curve of his head, keeping more length at the top section. At wow, sa wakas ay naalala na rin ng binata na mag-shave. May kamukha si James; hindi lang niya maalala.
Kahit naman noong balbas-sarado pa si James at naka-man bun ang mahabang buhok, mukha pa rin itong malinis at mabango (at totoo namang malinis at mabango ito). Pero ngayong mas maiksi na ang buhok nito at nakapag-shave na rin, lalo itong nagmukhang disente.
Ang guwapo pala talaga ng lalaking ito.
Ang hindi lang nagbago kay James ay ang pagiging kaswal manamit. He wore a chic black jacket over a fitted blue shirt.
"Thank you," nakangiting sabi ni James, nangingislap ang mga mata.
"Para saan?" kunot-noong tanong ni Champagne.
"For your positive reaction," nakangising sagot ni James. "Dama ko hanggang buto na guwapong-guwapo ka sa 'kin."
Ipinaikot ni Champagne ang mga mata. "Maupo ka na nga bago ka pa lumobo at liparin ng hangin d'yan dahil sa inflated ego mo."
BINABASA MO ANG
Of Hugot, Memories, At Marami Pang Iba
RomancePaano mag-move on kung hindi naman naging kayo? Tanong iyon ni Champagne sa sarili pagkatapos i-give up ang ten years of unrequited love para sa best friend na si Kingston. Ngayong ikakasal na ang binata, lalayas na siya sa malungkot na mundo ng mga...