Chapter Twenty-one

1.5K 69 1
                                    

PAGKATAPOS mag-shower, nagpalit si Champage ng komportableng pantulog—maluwag na T-shirt at cotton shorts. Kahit nabasa at nasabon na ang kanyang mga sugat, nagpumilit pa rin si James na linisin ang mga iyon. Hinayaan na niya dahil kailangan niya ang binata ngayon. Kung nangangahulugan iyon na mag-i-stay ito nang mas matagal, eh, di sige.

Kaya ngayon, nakaupo si Champagne sa sofa habang nakasandal sa armrest at nakapatong ang mga binti sa kandungan ni James na abala naman sa maingat na paglalagay ng Betadine sa mga sugat sa mga tuhod niya.

"Ang dami mong sugat," iiling-iling na sabi ng binata. "Hindi mo na dapat hinabol 'yon. 'Kita mo, nasaktan ka lang."

May pakiramdam si Champagne na hindi ang snatcher ang tinutukoy ni James. Hindi niya alam kung dahil ba sa madalas silang magkasama nitong mga nakalipas na linggo kaya naging magka-wavelength na sila, o siya lang ang nag-iisip na may ibang kahulugan ang sinabi nito. "Hindi ba puwedeng kahit memories lang, ipaglaban ko?"

"Hindi mo ba na-realize na mas masakit kapag itinago mo ang memories? Kasi tuwing babalikan mo ang mga 'yon, binubuhay mo lang lahat ng pakiramdam na hindi na puwedeng maulit kahit kailan," seryosong sagot ni James.

"Gusto ko lang namang bumalik kahit sandali do'n sa moment na meron pang kami. Kasi sa memories na lang naman puwedeng maulit 'yon."

Sa pagkakataong iyon ay tumigil si James sa ginagawa, pagkatapos ay tumingin nang deretso sa mga mata niya. "Meron bang kayo, Miss Morales?"

Meron nga bang sila ni Kingston? Bumuntong-hininga si Champagne at tumingala sa kisame, iniwasan ang mapanuring tingin ni James. "May mga pagkakataong naramdaman ko na parang... na parang naghihintayan lang kami ni Kingston na umamin sa isa't isa. Pero never dumating 'yong moment na 'yon. Kaya ngayon, hindi ko sigurado kung meron talagang kami, o ako lang ang nag-ilusyon n'on dahil 'yon ang gusto kong mangyari."

"'Yan ang problema sa memories. Parati silang magulo, malabo, nag-iiba depende sa gusto mong maalala. That's why you can't fall in love with memories, Miss Morales."

"Huh?"

"You're in love with memories, Miss Morales," mas klarong paliwanag ni James.

"Jina-judge mo ba ang feelings ko for Kingston para masabi mong sa memories lang ako in love at hindi sa kanya mismo?" May hinanakit sa tono ni Champagne. Sinubukan niyang alisin ang mga binti mula sa pagkakahawak ni James. But he did not let go.

"Miss Champagne Morales, listen to me carefully," istriktong sabi ng binata. "Hindi ko sinasabing hindi ka in love kay Kingston. Maybe you did. Maybe you still do. Pero sa nakikita ko kasi, nakakulong ka sa alaala ninyong dalawa kung saan iniisip mong may posibilidad na maging kayo. Iyon ang dahilan kung bakit ka nahihirapang mag-move on. Kumakapit ka pa rin kasi sa maliit na pag-asa na baka puwede pa."

Napaungol sa pagrereklamo si Champagne. Hindi niya magawang magalit kay James dahil alam niyang tama ang lahat ng sinabi nito. "Back to scratch na naman ako. Ang hirap-hirap mag-move on kung hindi naman naging kayo. Ang tagal-tagal-tagal mong naghintay ng someday n'yo pero sa isang iglap lang, mawawala 'yon. Nakakatawa 'yong mga taong sinasabing bakit kailangang mag-move on kung hindi naman naging kayo? Hindi nila alam na 'yon nga ang moving on na pinakamahirap sa lahat. Hindi mo mararamdaman kung paano mahalin ng taong mahal mo dahil hindi naman naging kayo."

"Miss Morales..."

Napatitig si Champagne kay James. Ah, tuwing kasama niya ang lalaki, hindi niya maiwasang gawing sentro ang sarili niya sa kanilang usapan. Nakakalimutan tuloy niya ang ilang mahahalagang bagay.

"Bakit nga pala bumalik ka, Mr. Grande? Akala ko, galit ka pa rin sa 'kin."

"Well, hindi naman talaga ako galit sa 'yo. Nainsulto lang ako sa ginawa mo pero na-realize ko namang hindi mo 'yon sinasadya," mahinahong sagot ni James. "Ginawa mo lang 'yong tingin mong makakabuti para sa 'yo."

"Pero ang selfish pa rin ng ginawa ko, 'di ba?"

Nagkibit-balikat ang binata. "Pareho lang tayong selfish, Miss Morales. May kanya-kanya naman tayong dahilan kung bakit pumasok tayo sa rebound relationship na 'to, at aminin na nating hindi kasali ro'n ang seryosuhin ang isa't isa, 'di ba? Gusto lang nating maglibang. No strings attached."

Natahimik si Champagne. Ang cold ng dating ng sinabi nito. Pero totoo namang ganoon ang rebound relationship. Isa pa, hindi rin naman siya umaasa na mai-in love siya kay James dahil lang nagde-date sila. Lalo na ngayong hindi na ito umaarte bilang Mr. Perfect.

James was back, to being the lumbersexual that he was. A few days old worth of stubble, tousled dark hair, rugged clothes. Malinaw nitong ipinapahatid ang mensahe na wala na itong balak maging kapalit ni Kingston Montereal sa buhay niya.

"But somehow, I think I've started to care about you," pag-amin ni James na gumulat kay Champagne. "'Yon siguro ang totoong dahilan kung bakit bumalik ako. No'ng unang beses pa lang na makita kitang lasing at umiiyak nang dahil sa kung sinong Poncio Pilato, siguro alam ko nang hindi kita maiiwang mag-isa. Hindi kita pababayaan hanggang maging okay ka na."

Okay. Hayun na naman ang kaba sa dibdib ni Champagne na parating present tuwing kasama niya si James. At ang mga sinabi nito sa kanya ngayon? Wow. Magiging malisyosa na ba siya at bibigyan ng kahulugan ang mga sinasabi ng binata habang mataman siyang pinagmamasdan?

"So... let's be friends?" alok ni James, na inilahad pa ang kamay.

Ah, friendship nga lang talaga ang io-offer ni James. Kung minsan, masyado siyang gandang-ganda sa sarili. Tinanggap niya ang pakikipagkamay ng binata. "Friends."

"Good," nakangiting sabi nito, pagkatapos ay tiningnan ang mga sugat sa mga tuhod niya. "Masakit pa ba?"

Umiling siya. "Mas masakit pa rin 'yong ginawa niya."

Diniinan ni James ang bulak na may alcohol sa sugat ni Champagne. Hindi iyon gaanong masakit pero umaray siya para konsiyensiyahin ang binata. Saka niya ito sinipa sa mga binti dahilan para matawa naman ito.

"Ayaw na kitang maging friend, gago ka!"

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon