Chapter Two

14.7K 314 2
                                    

NGITNGIT na ngitngit si Mack habang nakamasid sa apat na babae sa mesang malapit sa speaker. Isa sa mga babaeng iyon ang kapatid niya—si Beka. Nasa sulok siya ng bar na kinaroroonan ng kapatid at ng mga kaopisina nito. Mag-isa siyang umiinom, hindi inaalis ang tingin sa grupo sa mesa at kay Beka mismo.

Nakakatatlong beer na ang kapatid niya.

Eksaktong parating siya sa gusaling pinagtatrabahuhan ni Beka nang makita niyang lumabas ito, kasama ang grupo. Hila-hila ng babaeng nakaputi ang braso ng kapatid niya na halatang ayaw sumama pero napilitan na rin. Kaladkarin ba naman? Sinundan niya ang taxi na sinakyan ng grupo.

Hindi siya kay Beka nagngingitngit. Good girl ang kapatid niya. Itataya niya lahat ng savings niya tungkol sa bagay na iyon. Sa mga kasama nito siya galit, lalo na sa babaeng nakaputi na parang kawad ang buhok sa dami ng gel. Ito ang nakikita niya na leader ng grupo, ang pasimuno sa lahat.

Pati sa pag-inom, ito ang panay ang order. Nangangalahati pa lang ang beer sa baso ni Beka, sinasalinan na agad ng babaeng iyon. Lalasingin ba nito ang kapatid niya? Gustong-gusto na niyang lapitan ang grupo at pagmumurahin, pero pinigil niya ang sarili.

Hindi niya ipapahiya si Beka. Pagsasabihan niya ito pag-uwi at sasabihan na mag-resign na lang sa trabaho. Tutal, wala namang asenso sa trabaho nito. Kahit abutin doon ng menopause si Beka, hindi ito aangat sa posisyon nito. Hindi nito magiging pag-aari ang kompanya.

Iyon ang pangunahing dahilan kung bakit hindi namasukan si Mack pagkatapos niya ng college. Mas gusto niya na siya ang may-ari ng pagtatrabahuhan niya. Kaya gamit ang trust fund na iniwan sa kanya ng mga magulang nila, itinayo niya ang BedMates, ang kompanyang gumagawa ng mga magaganda, de-kalidad subalit affordable na beddings.

Marami ang nagtaka at nagduda sa pagkalalaki niya nang ganoong klaseng negosyo ang naisipan niyang pasukin. Pero iyon na talaga ang gusto niya simula nang maulila sila sa mga magulang dahil sa isang car accident.

Iyon kasi ang negosyong sinisimulan ng mga magulang nila noon. Nasa proseso pa lang ang mga ito ng paglalakad ng mga papeles nang banggain ng truck ng tubo ang kotseng sinasakyan ng mga ito.

Gayunpaman ay itinuloy niya ang pangarap ng mga nasawing magulang. Sa kagustuhan niyang mapabuti ang pagpapatakbo ng negosyo, nag-aral siya ng pananahi. Hindi niya inobliga si Beka dahil second year high school pa lang ito noon. Sapat na sa kanya na mapag-aral at mapagtapos ito.

Nang makatapos ang kapatid ng kolehiyo at nagsabing gusto nitong magtrabaho muna sa isang kompanya para magkaroon ng karanasan, pinayagan niya. Naniniwala naman siya na hindi niya hawak ang buhay at mga desisyon nito. Nirerespeto niya ang mga plano ng kapatid.

Ang ayaw lang niya ay mapariwara ito. Nangako siya sa puntod ng mga magulang na aalagaan niya si Beka. Kahit pa kalimutan niya ang sarili, basta maging maganda ang buhay ng kapatid.

Kaya hindi maiiwasang mahigpitan niya ito. At sa nakikita niyang asal ng mga kasama nito nang mga sandaling iyon, may katwiran talaga siya na higpitan ito. Kapag nagpatuloy pa ito sa pakikisama sa mga babaeng pakawala, baka mahawa ito.

Dapat nang ilayo niya si Beka sa masasamang impluwensiya.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon