Chapter Ten

12.8K 291 8
                                    

"SABI nga ni Tanging Ina, 'This is really is it!'" bulong ni Mirinda nang bumaba siya mula sa taxi, bitbit ang isang kahon ng MegaMelt na ensaymada. Ayon kay Beka, iyon ang paboritong pagkain ng kuya nito.

Lumapit siya sa security guard na nakatalaga sa harap ng gusali ni Efimaco Estornino, simply called ERE, which stood for Efimaco, Rebecca Estornino. Para sa kanya, the name stood for what it was: "ere." Maere ang may-ari.

Naroroon pa nga raw si Mr. Estornino ayon sa guwardiya, at pagkatapos ay hiningan siya nito ng ID.

"'Tuloy na po ako, Manong," aniya pagkabigay sa kanya ng visitor's pass. Dumiretso siya sa second floor. May maiksing hallway pagkalagpas ng stair landing. Ang sumunod doon ay double-glass door na ng BedMates.

Itinulak niya ang pinto.

"Good afternoon, Ma'am. May I help you?" bati sa kanya ng lalaking nakapuwesto sa unahang desk. At napansin agad niya na siya lang ang Eba sa lugar na iyon.

Bading nga yata si Efimaco.

Pero ayaw iyong tanggapin ng kalooban niya. Inis man siya sa lalaki, mas gusto pa rin niya ang ideya na lalaking-lalaki ito mula dulo ng buhok hanggang kalyo sa talampakan nito.

"Puwede bang makausap si Mr. Mack Estornino?" tanong niya.

"Sino po sila?"

"Mirinda."

Parang may bumadyang recognition sa mukha ng lalaki. Pero guniguni lang siguro niya iyon dahil imposible namang kilala siya nito. Noon lang siya tumapak sa building na iyon.

"Sandali lang, ha?" Kakaiba rin ang ngiti ng lalaki, parang may malisya.

Napagkamalan ba siyang girlfriend ni Mack?

Sa totoo lang, hindi siya nainis sa ideyang iyon. She kinda liked it.

Dinampot ng lalaki ang telepono, pumindot ng buton at sinabi sa kung sinong sumagot sa kabilang linya na may babaeng nagngangalang Mirinda sa labas at gustong makausap ang amo nito. Pagkatapos niyon ay nag-iba ang ekspresyon ng lalaki, parang nalungkot at nahabag sa kanya.

"Busy pa si Sir, Miss. Bumalik ka na lang daw," anito.

"Hihintayin ko na lang siya," aniya.

"Baka matagalan, eh. May kausap siya."

"Kahit habang-buhay 'kamo, maghihintay ako," ani Mirinda. Eh, ano kung isipin ng mga naroroon na neglected girlfriend siya na patay na patay sa amo ng mga ito? Ang mahalaga, maasar si Efimaco. Asaran ang gusto ng herodes, di mag-asaran sila. Siya na nga ang humihingi ng sorry, siya pa ang pagtataguan? Tama ba naman iyon? Hindi naman siya mangungutang.

"Saan ba ako puwedeng maghintay?" tanong pa niya sa lalaki.

"Diyan na lang sa couch. Gusto mo ba ng kape?" Parang awang-awa nga sa kanya ito. And there was something else. Parang boto ito sa kanya na maging jowa ng amo nito.

Hmmnnn.

"Kung okay lang," sabi niya.

"Okay lang. Sandali lang, ha?" Iniwan siya nito.

Ipinagtimpla siya nito ng kape. Nang iabot nito sa kanya ang tasa ay nagpakilala ito.

"Nice to meet you, Efren," aniya at nakipagkamay rito.

"Nice to meet you, too, Mirinda." Imbes na bumalik ito sa desk ay tumabi sa kanya sa couch. "P-puwede bang magtanong kung hindi mo mamasamain?"

"Depende sa tanong." Hinipan niya ang kape.

"May problema ba kayo ni Sir?"

Natawa siya. Mabuti na lang at hindi pa niya nahihigop ang kape, kung hindi, malamang na naibuga niya iyon sa katabi. Napagkamalan nga siyang jowa ng amo nito! Bongga! Hindi siya makapaghintay na maikuwento iyon kina Lala.

"Medyo," pa-cute na sagot niya. Ang ideyang pumasok sa isip niya kani-kanina lang ay nagkakaroon na ng kaganapan. And why not?

Tingnan lang natin kung hindi kumulo ang dugo mong tigang, Efimaco!

"Paanong medyo?"

"Kasi, 'yang amo n'yo, workaholic. Siyempre, bilang girlfriend, nag-e-expect naman ako na mag-spend siya ng quality time sa akin kung gusto niyang gumanda ang relasyon namin, hindi ba?"

Tumango si Efren.

"Alam ko naman, mahal din ako ni Mack. Nahihirapan lang siyang mag-express ng damdamin niya at naiintindihan ko 'yon. Gano'n naman kayong mga lalaki, hindi ba?" pagpapatuloy niya.

Tumango uli ito.

"Ang sa akin lang naman ay gusto ko siyang maturuan na hindi lang negosyo ang mahalaga. Kaso, minsan, napapagod na rin ako. Para kasing nababale-wala na talaga ako. Nanghihinayang lang ako sa pinagsamahan namin. At saka mahal ko siya talaga, eh. Pero kung hindi kami magkakaayos ngayon, baka lumayo na lang ako. I deserve someone naman who will appreciate me, hindi ba?"

"Talaga! Sa ganda mong 'yan, maraming maghahabol sa 'yo."

I love you, Efren! "Salamat," mahinhing sabi ni Mirinda. "Sabi ko sa kanya, bibigyan ko pa siya ng isa pang pagkakataon, kasi siya naman ang humingi sa akin n'on, 'tapos ganito ang dadatnan ko rito? Not that I don't like talking to you. It's just that bakit humingi siya sa akin ng isa pang chance, 'tapos paghihintayin din lang niya ako rito?"

"Unfair naman talaga 'yon. Pero huwag mong sasabihin, ha? Magagalit 'yon. Naiintindihan kita. At sa totoo lang, kaming lahat dito, gusto na naming mag-asawa na si Sir. Para kasing ang lungkot ng buhay niya. Maaga silang naulila ng kapatid niya at siya ang nag-alaga kay Beka simula noon. Siguro naman, dapat, may nag-aalaga na kay Sir."

"Totoo 'yan."

"Ganito na lang. Sumunod ka sa akin at sasamahan kita sa office niya. Pagdating natin doon ay pumasok ka na lang."

"Baka mapagalitan ka."

"Okay lang."

"Sure ka?" Hindi siya makapaniwala. Ibubuwis ni Efren ang trabaho nito para lang magka-love life ang amo nito?

"Oo. Basta mahalin mo ang boss namin."

"O-okay," sabi niya at magkasabay silang tumayo. Sumunod siya kay Efren sa dakong kaliwa ng maluwang na office. May maliit at maiksing hallway roon. Sa dulo niyon ay ang pinto ng opisina ni Mack.

"Bukas 'yan. Pasok ka na lang."

"Thanks."

Iniwan siya ni Efren.

Kumatok siya, pagkatapos ay binuksan na ang pinto.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon