Chapter Thirteen

13.2K 296 2
                                    

"SIDELINE?"

"Yes, 'Ma, sideline," sagot ni Mirinda pagkasubo ng champorado. Nag-aalmusal silang mag-anak. Nagsabi siya na gagabihin siya ng uwi dahil nga may sideline siya.

"Anong klaseng sideline?" inaasahan na niyang tanong ng papa niya.

He was tall and slim, bald, at nakasalamin. Sa unang tingin pa lang, mahuhulaan na ang trabaho nito, ang pagiging ahente. Kahit retirado na ito, mahilig pa ring mag-sideline, meaning, ang mag-ahente ng kung anu-ano. Kaya inaasahan na niya ang tanong na iyon.

"Magmo-model ako, 'Pa, 'Ma," sabi niya.

Kapwa nanlaki ang mga mata ng mga magulang niya.

Ang mama niya ang unang nakabawi sa pagkabigla. "Model? Anak, baka magbo-bold ka?"

"Hot Babe, Ate?" tanong naman ni Miguel, bunsong kapatid niya. Beinte-tres na ito pero second year college pa lang dahil medyo naligaw ng landas, at ngayon ay kasalukuyang itinutuwid iyon.

"Hindi. Magmo-model ako ng mga comforter. Sa BedMates. Dati kong kaopisina ang kapatid ng may-ari n'on, pero kaibigan ko pa rin hanggang ngayon. Maglalabas sila ng bagong catalogue for next year. Kaso, nabuntis 'yong model nila, kaya wala silang model ngayon. Ako ang kinuha ni Beka, 'yong sister ng may-ari. Naikuwento ko na siya sa inyo dati."

"Gano'n ba?" Parang nakahinga nang maluwag ang mama niya.

"Magkano naman ang ibabayad sa iyo?" tanong naman ng papa niya.

"Hindi ko pa naitatanong. Nahihiya ako kay Beka, eh."

Ang totoo, hindi totoong nabuntis ang modelo ng BedMates. Palabas lang nila iyon dahil gusto ni Beka na siya ang maging model. Bahagi iyon ng plano ni Beka, at nilang lahat na rin para maakit niya si Mack.

Noong una ay nakikisakay lang siya sa mga kaibigan. Ngunit nang bandang huli, naengganyo na talaga siya. Feel na feel na niya ngayon ang kanyang misyon.

"Naririnig ko na nga 'yang BedMates na 'yan," sabi pa ng mama niya. "Nagbebenta si Mareng Alud. Dadalhan nga raw niya ako ng mga sample at brochure."

"Magaganda ang products nila, 'Ma. Um-order na nga ako kay Beka," ani Mirinda.

"Aba, baka pupuwede akong umekstra diyan?" anang papa niya.

"Siguro ho. Itatanong ko kay Beka."

"Mga anong oras ka makakauwi? Pasusundo ka ba kay Miguel?" tanong ng mama niya.

"Hindi ko ho masasabi. Tatawag na lang ako."

"Siya, mag-iingat ka, ha? Huwag mong papatayin ang cellphone mo."

"Yes, 'Ma."

Masiglang-masigla siya buong araw. She was filled with excitement and anticipation. She never thought it would be this fun to try to seduce a man. Pero siyempre, hindi niya magagawa iyon kung siya lang. It was a good thing she had her friends. Kasama niya ang mga ito sa lahat.

Ang totoo ay hindi pa naman talaga siya magmo-model. Subject to Mack's approval pa iyon. Magpapa-picture lang siya pagkalabas ng opisina at ang mga larawang iyon ang isa-submit niya kay Mack. Pero siyempre, gagawin ni Beka ang lahat para mapapayag ang kapatid nito.

Kasali sa convincing strategy ang pagiging libre ng kanyang services bilang kabayaran daw sa nabasag na Buddha. Repentant pa rin ang drama niya at makakatipid nang husto ang BedMates kung siya ang magiging model, dahil nga libre. Tiyak daw na makukumbinsi si Efimaco, sabi ni Beka.

Well, they were keeping their fingers crossed.

Nasa studio sila ng photographer na napili nila nang tumawag sa kanya si Beka. May bago na itong cellphone, hindi na prepaid. Naka-plan ito kaya hindi na nagte-text, tumatawag na lang.

"Okay na, mare, nakausap na namin ni Marybeth si Kathrin. Pumayag siya," anitong ang tinutukoy ay ang model talaga ng BedMates.

"Talaga? Okay lang sa kanya?" paniniyak ni Mirinda. Nag-thumbs-up sign pa siya kina Lala at Faye na abala sa pagme-make-over sa kanya.

"Oo. Sinabi ko sa kanya ang plano natin, no choice, eh. Naintindihan naman niya."

"Naniniwala na ako, na ang pagsasabi ng tapat, pagsasama nang matagal." Kung sino man ang nakaisip ng kasabihang iyon must have known what he or she was talking about.

"Oo nga. At saka sabi niya, medyo wala nga rin daw siya sa mood na mag-model. Medyo tumaba kasi siya. May boyfriend siya ngayon. Feeling ko, nagbabalak na siyang magpakasal. Mayaman naman 'yong guy, Korean. Mukhang in love na in love ang gaga, kahit pa walang career."

"Kaya nga ayokong ma in love, eh."

"Gaga, dapat ma-in love ka sa kuya ko!"

"Hoy, hindi kasali 'yan sa usapan. Siya lang ang mai-in love sa akin, not vice versa!"

Ano kaya ang pakiramdam ng nililigawan ni Efimaco? Iyong tipong hahabol-habulin siya at kandaluhod sa pagmamakaawa na sagutin niya? 'Tsura lang!

"Hoy, inay, sa itaas ka tumingin, kumalat na ang mascara!" Si Faye.

"Pasmado ang kamay mo, ate!" ani Mirinda bago bumaling kay Beka sa kabilang linya. "Susunod ka ba rito?"

"I'll try. Hinihintay ko pa si Matthew."

"Hmn, ang landi ng inay! Isama mo rito ang Matthew na 'yan para makilatis namin."

"I'll try nga. Sige na."

"Okay, ba-bye." Tumingala si Mirinda kay Lala na hindi niya maintindihan kung ano ang gustong mangyari sa buhok niya. Maya't maya ay hinihila nito ang buhok niya sa kung saan-saang direksiyon. "Ano ba? Hindi ka pa ba nakakapag-decide diyan?"

"Ang pangit ng buhok mo. Wala akong maisip na magandang ayos."

"Di 'yong dati na lang," aniya.

"Hindi puwede 'yon. Maybahay ang papel mo sa pictorial, dapat pang-maybahay rin ang hairstyle. Kaso, hindi naman puwedeng i-ponytail."

"Basain mo na lang uli, 'tapos suklayin mo na lang away from my face."

"O, ang ganda mo na, ate!" natutuwang bulalas naman ni Faye, pagkatapos ay naglagay ng salaming bilog sa harap niya. Wala kasing dressing at makeup room sa pinuntahan nilang studio dahil small-time lang naman iyon. Iyon lang ang kaya ng budget nila.

Sinipat niya ang sarili sa salamin. "Hmmn... Kaso, parang sobrang kapal. Hindi kakulay ng mukha ko ang leeg ko."

"Kasi, 'pag inilawan ka, hindi na mahahalata na makapal. Dadagdagan ko na lang ang foundation dito sa leeg."

"Okay. Galingan mo. Hindi kita binabayaran para magmukha akong manyika ng Hapon."

After another thirty minutes, ready nang magpakuha ng pictures si Mirinda. Mas marunong pa sila kaysa sa photographer mismo. Mabuti na lang, kalog din ang mama. Payag ito nang payag sa suggestions nila.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon