"WHAT are you doing here?" Kasinlakas ng kulog ang boses ni Mack nang makita siya. "Paano ka nakapasok?"
"Tinakasan ko ang mga empleyado mo," ani Mirinda. Wala siyang balak ipahamak si Efren.
"Ano'ng kailangan mo?" Ibinalik nito ang atensiyon sa computer table na nasa tabi ng malaking desk. Sinilip niya ang screen ng computer. Ang walanghiya, busy raw dahil may kausap. Iyon pala, naglalaro lang ng computer game!
Pero nagpakahinahon siya. After all, naroroon siya para humingi ng paumanhin. Isa pa, nakagawa na siya ng kalokohan. Kahit sungitan pa siya ni Efimaco, panalo pa rin siya.
"Gusto ko sanang personal na humingi ng paumanhin sa kasalanan ko sa 'yo," aniya.
"Wala akong panahon. I'm busy."
"Don't be offended." Lumapit siya sa desk nito. "Kaso, baby pa ako no'ng mauso 'yang Super Mario. Hanggang ngayon, 'yan pa rin ang nilalaro mo?"
"Pakialam mo?"
"M-maraming computer games ang kapatid ko. Gusto mong ihingi kita?"
"No, thanks. I like Mario."
"Puwede ba akong maupo?"
Hindi ito umimik.
"Kung hindi puwede, hihiga na lang ako," aniya dahil may maliit na folding bed sa isang bahagi ng opisina na nalalatagan ng BedMates comforter at unan na BedMates din ang pillowcase. Napipiho niyang hindi iyon para pahingahan ni Mack kundi for demonstration purposes lang. Ang pillowcase at comforter ay may disenyo ng mga Disney characters.
"Puwede ba, Mirinda, umalis ka na lang? Wala akong panahong makipag-usap sa 'yo."
"Humihingi ako ng paumanhin dahil malaki ang kasalanan ko sa iyo. Ngayon, kung hindi mo tatanggapin 'yon, ikaw na ang magkakasala dahil hindi mo ako binigyan ng pagkakataon."
"Okay lang na magkasala ako."
"Mapupunta ka sa impiyerno."
"Mas mabuti pa ro'n kaysa dito na kaharap ka."
"Hindi ka naman nakaharap sa akin, ah. Nakatagilid ka."
Halatang naiinis na pinatay nito ang computer. Parang magigiba ang keyboard niyon at parang gustong tumakbo ng mouse sa inis nito. Humarap ito sa kanya. "Are you happy now?"
"Hindi pa. Hindi mo pa ako pinapatawad sa pagkakabasag ko kay Buddha."
Ganoon na lang ang pagkagulat na rumehistro sa mukha nito. "What did you say?" mahina ang boses na tanong nito na siguro ay dahil sa tindi ng gulat sa sinabi niya.
"N-nabasag ko si Buddha. Sorry."
"Come again?"
Ano ba ito? Akala ba niya alam na nito na basag na si Buddha? Bakit parang hindi? O nagsinungaling sa kanya si Beka?
"N-nabasag ko si Buddha na alam kong may sentimental value sa iyo. Kaya nga ako nagso-sorry. Alam ko na hindi ko 'yon kayang bayaran at ang mag-sorry lang ang kaya kong gawin."
"Ikaw ang nakabasag ng figurine ko?"
"Oo." Hindi ba nito talaga alam iyon?
"My, my..." Tumayo ang lalaki, pinagdikit ang mga palad at pinatunog ang mga daliri.
Gugulpihin yata siya! Sa paperweight na marmol agad siya tumingin. Huwag lang itong magkakamali na kantiin siya. Babasagin niya ang guwapong bungo nito. Ang mga ipis na archeologists na lang ang makikinabang doon pagdating ng ikaisandaang milenyo—sa remains ng Guaposis perosis masungitsis na nag-exist noong panahon na Homo sapiens pa ang naghahari sa Earth.
"Ikaw pala." Tumango-tango ito. "Ikaw pala ang salarin. Hah!" Nagsilagutukan na naman ang mga daliri nito.
"Kaya nga sorry na," aniya. Palapit na siya nang palapit sa paperweight hanggang nakapatong na roon ang kamay niya.
Biglang humarap si Mack sa kanya.
"Gaya ng sinabi mo, hindi mo 'yon kayang bayaran dahil wala 'yong kasinghalaga," sabi nito. "Pero hindi sapat ang sorry mo."
"What do you mean?" Hawak na ni Mirinda nang mahigpit ang paperweight.
"'Sorry' just ain't enough," ulit nito.
"Will this do?" aniyang ang tinutukoy ay ang isang kahon ng ensaymada.
Tiningnan lang nito iyon na parang alikabok.
"Ano'ng kailangan kong gawin para mapatawad mo ako?" tanong niya.
"Leave me alone."
"Ha?"
"Just leave me alone. Maybe someday I'll forgive you."
"Gano'n lang?"
"Uh-huh."
"O-okay, I'll leave." Tinungo niya ang pinto.
"Wait!" pigil nito.
"Ano?" Nagkaroon siya ng pag-asa. Baka pinatawad na siya. Ngunit ewan niya kung bakit kahit inis siya, gusto pa rin niyang patawarin siya nito.
"That's mine," anitong ang tinutukoy ay ang paperweight na nadala pala niya.
"S-sorry."
Pero parang hindi ito naniniwala na inosente siya. Parang iniisip nito na kleptomaniac siya.
"Hindi ko talaga napansin na nadala ko. Sorry."
"Baka naman kaya mo nabasag si Buddha, eh, dahil binalak mong iuwi?"
"Hoy! Hindi ako magnanakaw! Sobra ka na!"
"Masisisi mo ba ako? Wala ka pang ipinakikitang magandang impression sa akin."
"Dahil hindi ako mahilig magpa-impress, Mr. Estornino. What you get is what you see. If you don't like what you see, it's your problem, not mine."
"Ooohhh," patuyang sabi ni Mack.
"Ano ba'ng problema mo?" mataray na tanong niya. Pagbintangan na siya ng kahit ano, huwag lang magnanakaw.
"Wala akong problema, Miss. Ikaw, malaki siguro."
"Hah!" taas-noong naibulalas niya. "Malaki nga talaga ang problema ko. Naaawa ako sa kapalaran ng mga tao rito sa mundo, lalo na sa lifetime na ito dahil isa ka sa mga nakakasira sa reputasyon ng mga human beings!"
"Blah-blah-blah," anitong may kasama pang nang-aasar na tawa.
"Sana, abutan ka ng paggunaw ng mundo habang nakaupo sa inidoro! Buwisit! Ewan ko lang kung tatanggapin ka ni San Pedro! Ang bantot." Ginusot ni Mirinda ang ilong.
"Hahaha!" pang-aasar pa rin nito.
"Tatawagin ka ni San Pedro, 'Estornino, Efimaco!' At sasagot ka naman, 'Present!' Sasabihin ni San Pedro, 'Bumalik ka muna sa Earth, Mr. Estornino, kumuha ka ng toilet paper!'"
"Get out of here!"
Natawa siya nang malakas. Asar ang anak ng tinapa! Hindi lang pala nagpapahalata, pero asar na asar na!
"Tata!" aniya, binigyan pa ito ng pang-asar na flying kiss, pagkaraa'y kinuskos ang ilong niya. "Bantot!"
BINABASA MO ANG
Blush Series 3: Crush Curse (Completed)
Romance"Akitin mo si Kuya Mack," request kay Mirinda ng kaibigang si Beka. Gusto na kasi nitong lumagay sa tahimik. Kaso, may patakaran ang istrikto nitong kuya. Hindi puwedeng magpakasal ang kaibigan niya hanggang binata ang diktator nitong kapatid. Inis...