ROSES are red, violets are blue, I am truly sorry, from me to you.
Mirinda
"Anong klaseng kalokohan ito?" tanong ni Mack sa apat na sulok ng kanyang opisina. Hindi na sana siya babalik sa opisina pero naalala niyang nasa tahian si Beka, which was located just across the street. Binalikan niya ang kapatid para sunduin. In the process, kinuha na rin niya sa opisina ang mga naiwan niyang gamit.
Si Efren, ang sekretarya niya ang nagbigay sa kanya ng mga roses. Kararating lang daw ng mga iyon.
Nagtatakang binasa niya ang kalakip na card. Nang igala niya ang paningin sa mga empleyadong nalalabi roon, parang iisa ang iniisip ng mga ito. Hindi nga lang niya matiyak kung ano iyon. Ang masasabi lang niya, puno ng malisya ang mga mata ng mga ito. Ang kutob niya ay pinakialaman ng mga ito ang card.
Kahit sabihin pang panay lalaki ang nasa administration office, hindi totoo ang paniniwala ng marami na hindi pakialamero ang mga lalaki. Numero uno ang mga ito na intrigero.
"Pakitawagan si Beka sa kabila. Sabihin mo, pumunta na rito. Hihintayin ko siya sa sasakyan," utos niya kay Efren.
Dalawang palapag lang naman ang gusali, pero pag-aari na iyon ng BedMates. One hundred fifty square meters ang lote na nabili niya nang mura dahil gipit ang may-ari. Naisanla kasi iyon sa bangko kaya minadaling ibenta.
Pagkatapos niyon ay siya naman ang nanghiram sa bangko para patayuan ng gusali ang lote. Nasa ikalawang palapag ang mga opisina ng BedMates, ang ilalim ay pinauupahan niya sa ibang businesses. Mayroon doong dental clinic, pet shop, opisina ng insurance company at may isang unit na bakante.
Eksaktong patawid si Beka nang makalabas siya ng gusali.
"Anong kalokohan ito ng kaibigan mong putik, Beka?" sita agad ni Mack paglapit na paglapit pa lamang ng kapatid. Inihampas niya sa hood ng kotse ang mga roses.
"What do you mean?" tanong ng kapatid niya. Tumapon ang card dahil sa paghampas niya. Dinampot iyon ni Beka at binasa. "Gusto lang siguro talaga ni Mirinda na humingi ng paumanhin. Bakit ka nagagalit? Ikaw nga ang laging nagsasabi sa akin na dapat akong matutong tumanggap ng mga pagkakamali ko dahil kung totoo naman sa loob ko ang paghingi ng tawad, imposibleng hindi ako patatawarin."
"This is meant to be a joke! An insult! Hindi mo ba nakikita 'yon? Nang-aasar lang ang babaeng 'yon!"
"Hindi ka naman nakasisiguro, Kuya."
Binuksan niya ang kotse. Magkasabay silang sumakay ni Beka.
"Sa hitsura ng Mirinda na 'yon, imposibleng maging sincere siya sa paghingi ng paumanhin. At three red roses? Ano'ng gusto niyang palabasin?"
"Sabi ko naman sa 'yo, crush ka niya."
"Hah!"
"Sayang naman itong mga roses, ang gaganda," ani Beka at animo'y may buhay ang mga iyon na pinagpala, hinimas at inamuy-amoy. "Kung ako sa 'yo, hindi ko paiiralin ang inis. Kasi, kapag iritado ang tao, mahina ang judgement, hindi ba? Ikaw rin ang nagsabi n'on."
"Itapon mo 'yan!"
"Baka naman sincere si Mirinda sa pagso-sorry. Kahit paano naman, kilala ko 'yong tao. Luka-luka lang 'yon, pero mabait. Galing siya sa matinong pamilya. UST graduate, without honors nga lang, pero kahit paano ay impressive naman ang transcript of records.
"Ang father niya, ahente sa PhilamLife, retired na at maganda ang record sa company. Ang mother niya, homemaker. Kaya siguro naman, nabantayan siyang mabuti at naturuan din siyang tumanggap ng pagkakamali.
"Ang mga kapatid niya, professionals lahat, maliban sa isa na medyo black sheep. Lahat naman ng pamilya, may black sheep, 'di ba? Ang mahalaga, ginagawa nila ang lahat ng paraan para maituwid ng landas ang brother niya."
"Why are you telling me these?" He glared at his sister.
"Just to let you know na hindi naman masamang tao si Mirinda. At alam mo ba kung bakit Mirinda ang pangalan niya?"
Hindi niya ito pinansin.
"Kasi, noong ipinagbubuntis siya, inom nang inom ang mama niya ng Mirinda. Kulay-orange nga raw siya no'ng iluwal."
"Maybe she was jaundiced."
"Orange nga, eh. Hindi yellow."
"Nasobrahan sa beta-carotene."
"Dahil nga sa Mirinda."
"Why are we arguing about her? Ano ba'ng pakialam ko? Kahit berde pa ang kulay niya noong ipanganak siya, wala akong pakialam!"
"Sana minsan, magkaroon ka naman ng pakialam sa kapwa mo. Kasi, Kuya, hindi ka nagsisimba, eh. Nagiging apathetic ka na. Agnostic."
"Shut up!"
"Okay, fine!"
"Simula ngayon, ayoko nang makarinig ng kahit ano tungkol sa Mirinda na 'yan! Ayoko nang marinig ang pangalan niya, okay?"
"'Kay."
Nang mapadaan sila sa 7-Eleven, pinahinto siya ni Beka. May bibilhin lang daw ito. Pinagbigyan niya ito pero hindi na niya sinamahan sa loob. Hindi naman ito nagtagal, bumalik agad.
Binilhan siya nito ng ensaymada.
"Thanks," aniya. Paborito niya iyon. Ang trip pa niya ay ang kayurin ng daliri ang matamis na butter na dumikit sa plastic wrapper.
"Gusto mo ng panulak?" alok ni Beka.
"Sure," aniya, para lang mapamura nang iabot sa kanya ang soft drink na binili nito: Mirinda!
"Nang-aasar ka ba?"
"Slight," anito at noon lang niya napansin na six-packed Mirinda in cans pala ang binili nito!
BINABASA MO ANG
Blush Series 3: Crush Curse (Completed)
Romance"Akitin mo si Kuya Mack," request kay Mirinda ng kaibigang si Beka. Gusto na kasi nitong lumagay sa tahimik. Kaso, may patakaran ang istrikto nitong kuya. Hindi puwedeng magpakasal ang kaibigan niya hanggang binata ang diktator nitong kapatid. Inis...