Chapter Three

16.5K 389 7
                                    

LATE si Beka kinalunesan. Wala ring kasigla-sigla ang mukha nito.

"Ate, may hangover ka pa hanggang ngayon?" tanong ni Faye.

"Magre-resign na ako," sabi nito.

Napatindig si Mirinda buhat sa likod ng desk niya. "Magre-resign? Bakit?"

Naupo sa harap ng desk niya si Beka. Pinagulong naman nina Lala at Faye ang mga upuan ng mga ito palapit sa kanyang desk hanggang napapalibutan na nila si Beka.

Mangiyak-ngiyak na nagkuwento ito. "Alam ni Kuya kung saan tayo nagpunta no'ng Sabado. Sinundan pala niya 'yong taxi na sinakyan natin, 'tapos nando'n din siya sa bar. Pati nainom kong beer, bilang niya. Galit na galit siya sa inyo."

Kay Mirinda ito nakatingin. "Lalo na sa 'yo, Mirinda. Bad influence ka raw. Kasi ikaw raw ang nagsasalin ng beer sa baso ko, 'tapos ikaw ang nanghila sa 'kin para sumayaw nang maharot."

"Maharot?" ani Mirinda.

"His exact word," ani Beka.

"Anak ng teteng pala 'yang kuya mo, eh!" sigaw niya. "At bakit magre-resign ka? Inutusan ka ba niya?"

Sunod-sunod ang tango nito. "Tulungan ko na lang daw siya sa negosyo namin, tutal, wala naman daw asenso rito sa trabaho natin."

"Ang tinik ng kuya mo," komento ni Lala. "Nasundan tayo nang hindi natin nalalaman?"

"Sneaky 'yon, eh," ani Beka. "Parang pusa. Wala ngang makalusot na empleyado sa kanya."

"Teka," ani Mirinda. "Pumayag ka? Magre-resign ka na talaga?"

"Wala akong magagawa. Nagalit talaga si Kuya. Kung hindi ako susunod, siya ang gagawa ng paraan para mapag-resign ako. Baka kausapin pa niya si Mr. Yap."

"At ano? Sisiraan ka niya para lang mag-resign ka? Baliw ba siya?" Si Faye.

"Malamang." Si Mirinda ang sumagot, sabay baling kay Beka. "Kung ako sa 'yo, hindi ako susunod. Buhay mo 'to, bakit siya ang magpapaandar?"

"Kasi, sana hindi na lang talaga ako sumama no'ng Sabado," pagsisisi ni Beka.

"Huwag mong sisihin ang sarili mo. May diperensiya sa ulo 'yang kapatid mo. Ang kailangan niyan, psychiatrist. May kilala ako, irerekomenda ko siya." Inis na inis si Mirinda dahil lumalabas na siya pa ang sinisisi ng lalaking iyon. Bad influence? BI? Ano ang akala sa kanya ng kuya nito, puta?

"Nag-decide na ako. Napag-isip-isip ko, mas mabuti nga na magtulungan kami ni Kuya," sabi ni Beka.

Parang na-offend si Mirinda roon. Ibig bang sabihin, sang-ayon din ito sa kapatid na mga masasamang impluwensiya sila? Lalo na siya?

"Bahala ka," sumusukong sabi niya at pinagulong ang upuan palapit sa computer table, patalikod sa mga kasama.

"Intindihin n'yo naman ako," pakiusap nito, pakiramdam niya ay sa kanya nakikiusap. "Sino pa ba ang magtutulungan kundi kaming dalawa? Siya lang ang pamilya ko."

"At lalong hindi ka magkakapamilya kung hindi ka didistansiya riyan sa magaling mong kuya!" patuyang sabi niya.

"Oo nga," sang-ayon ni Lala. "Hindi ka dadami."

"Tatanda kang dalaga!" Si Faye. "'Yon ba ang gusto mo?"

"H-hindi naman kailangang hanapin ang makaka-pareha. Kusa 'yong dumarating," pangangatwiran ni Beka.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon