Chapter Four

13.7K 312 7
                                    

SISINGHAP-SINGHAP na napabalikwas si Mirinda, tutop ang dibdib. Ngunit nang makita niya kung nasaan siya ay saka lang siya nakahinga nang maluwag.

Akala niya ay totoo nang nakasakay siya sa LRT nang may sumabog na bomba. Bombang ang kuya ni Beka ang may dala. Gumuho ang riles at isa siya sa mga mahuhulog, dumudulas ang kamay niya sa rail na kinakapitan. Nakatingin sa kanya ang kuya ni Beka at imbes na tulungan ay itinulak pa siya nito hanggang tuluyan na siyang nahulog.

Doon siya napabalikwas.

Tulog pa ang mga kasama niya. Si Faye ay naghihilik. Si Lala ay tulo-laway. Nakadapa naman si Beka. Eksakto ang tatlo sa kama. Napailing na lang siya nang ma-realize na sa paanan ng tatlo siya nakatulog. Kaya nanaginip siya na itinutulak ay dahil siguro nasisipa siya.

Niyugyog niya ang puwit ni Beka. "Hoy, ate! Gising na! Nagugutom ako, gusto ko ng mainit na sabaw."

Hindi naman agad sila natulog pagpasok nila sa silid ni Beka. Nagkuwentuhan pa muna sila. Bandang alas-tres na sila nakatulog kaya puyat na puyat siya. At kapag puyat siya, pinakamasarap ang mainit na sabaw. Bulalo sana o kaya, goto, o kahit instant mami na may itlog.

Umungol lang si Beka, medyo nag-iba ng posisyon pero hindi dumilat.

Si Lala naman ang niyugyog niya. "Hoy, baka malunod ka sa sarili mong laway! Kadiri ka! Gising na!"

"Shurrup!" singhal nito, namaluktot.

"Anong oras na?" paungol na tanong ni Faye.

"Alas-nuwebe na. Magsigising na kayo."

"Mamaya na, antok pa ako. Tiyak naman, walang pasok. At kahit may pasok, excuse na tayo." Umayos din ito ng puwesto at wala pang isang minuto, naghihilik na naman.

"Ano ba kayo?" Si Beka uli ang niyugyog niya. "May bisita ka, hoy! Asikasuhin mo ako."

Ungol lang uli ang tugon ng may-ari ng bahay. Naiinis na nahiga na lang uli si Mirinda. Baka sakaling makatulog uli siya. Kaso, ayaw siyang patahimikin ng sikmura niya.

Bumangon siya at naglakad-lakad sa loob ng silid. Nang mapatigil sa harap ng tokador, nagsuklay siya. Dahil sa mousse na nakalagay sa buhok niya, para na iyong mga kawad na nagtikwasan sa lahat ng direksiyon. Hindi niya maayos nang pahiga, hindi plastado. Tubig ang kailangan niya. Wala namang banyo sa silid ni Beka. Kailangan na talaga niyang lumabas.

Shorts at sando ni Beka ang suot niya. Pinatungan niya iyon ng robe na hanggang sahig ang haba at plaid na dark green at dark blue ang kulay. Nautica. Napaismid siya at napataas ang kilay. Sa loob-loob niya ay Richie Rich naman pala talaga si Beka. Hindi na nga nito kailangang mamasukan sa iba dahil puwede naman itong maging boss ng bedsheet factory ng mga ito.

At in fairness, bonggadora ang mga bedsheets at pillowcases. Iyong gamit nilang comforter at ang nakalatag sa kama, produkto ng BedMates. Hindi mukhang cheap. Pagkatapos ay ipinakita rin sa kanila ni Beka ang mga brochures kagabi, magaganda talaga, parang ang sarap matulog kapag BedMates ang gamit.

Direct selling ang marketing strategy ng BedMates at natukso silang tatlo nina Lala na um-order at magbenta rin sa kani-kanilang mga kakilala. Tutal, affordable naman talaga.

Itinali niya ang robe at binuksan ang pinto. Sumilip siya. Medyo madilim pa rin ang buong bahay dahil sarado ang mga kurtina. But there was one thing na lalong nakaakit sa kanya para lumabas ng kuwarto.

The smell. Amoy iyon ng brewed coffee, bawang, at pritong tocino.

Panay ang singhot niya. May human movement sa dako ng dirty kitchen. Wala namang maid sina Beka, kaya tiyak na ang kuya nito ang naroroon. Ayon pa kay Beka, daig pa ng kuya nito ang babae, sanay na sanay sa gawaing-bahay. Expert din daw ito sa budgeting.

Pero hindi na nila masabing bading ang lalaki pagkatapos nilang makita itong natutulog.

Hindi biro ang kaguwapuhan nito. Kahit tulog, lalaking-lalaki ang dating. Wala naman sigurong bading na basta na lang titimbuwang sa kama, nakabukaka pa, nakadipa ang dalawang kamay. Wala ring bakas ng kabadingan sa silid nito na dark green ang motif. In fact, kung gaano kabongga ang living room dahil sa kung anu-anong naka-display, ganoon naman ka-plain ang silid ng lalaki. Ni wala nga roong kama. Ang naroon lang ay mattress na nasa sahig, TV, at component sa isang panig, blinds sa dalawang bintana at malamlam na ilaw mula sa maliit na night lamp.

Sa banyo muna siya tumuloy. Naghilamos at nagmumog siya, pagkatapos ay binasa ang buhok para lumapat nang kaunti. Atat na atat na siyang humaba ang buhok niya na nadisgrasya nang maisipan niyang ipakulot iyon a la Jaya. Ang kaso ay pumalpak, kaya napilitan siyang ipagupit iyon. Pero may mga naiwang kulot na hindi nagupit dahil iikli naman iyon nang sobra, kaya no choice siya kundi gumamit ng mousse. Binabalakubak na nga siya.

Lumabas siya ng banyo ngunit atubiling humakbang. Paano niya haharapin ang kuya ni Beka? Hindi bale sana kung nerd nga ito at mukhang pastor. Mas kaya niyang harapin at utuin ito kung saka-sakali dahil parang mas angat siya rito. Kaso, hindi pala. Ewan niya kung paano nasabi ni Beka na nerd at mukhang pastor ang lalaki gayong pinaghalong Richard Gomez at Antonio Banderas ang dating nito.

Kahit tulog ang kuya ni Beka, he exuded the aura that he wasn't the type of man to mess with. No-nonsense. Parang hindi uubra ang charm niya, kung mayroon man. Nang mga oras na iyon, duda siya na may charm siya. Sa ibang lalaki siguro, mayroon. Pero sa tulad ng kuya ni Beka, nada.

Napaantanda siya.

Bahala ka na, Batman.

Nag-practice siya ng ngiti. Maganda naman ang mga ngipin niya at nag-gargle siya ng mouthwash.

Blush Series 3: Crush Curse (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon