"MA-KI-KIDNAP tayo this Friday, Lucho Anthony Rathbone. Promise. Walang halong char," nanlalaki ang mga matang warning ni Jinny sa half Filipino-half something niyang schoolmate na tiningnan lang siya habang kukurap-kurap.
Well, hindi naman sila close ni Lucho kahit pareho silang Grade 12 students at magkaklase pa sa Lady Elena Academy kaya hindi niya alam kung saan galing ang "half-blood" nito. Bukod sa ilag siya rito, kaka-transfer lang kasi nito sa klase nila nitong huling linggo ng June. Ang alam pa lang niya dito, foreigner ang daddy nito dahilbukod sa apelyido nito, mukha rin itong Caucasian. Mestizo ito (na puwedeng pagkamalang multo sa dilim dahil maputla ito), berde ang mga mata (parang green field, gano'n), matangos ang ilong (pang-deadly weapon ang peg sa tulis), at matangkad (as in pang-professional basketball player na height, plus pang-athlete din ang built ng katawan)– ilang physical qualities na hindi ma-a-attribute sa isang pure Filipino.
Oo, aaminin niyang guwapo si Lucho. Mas cool pa nga ito kaysa sa mga artista na napapanood niya sa TV. Ayon sa mga narinig niyang tsismis, marami nang offer dito na maging model at movie actor pero lahat 'yon, tinanggihan nito. Eh medyo hindi na 'yon nakakagulat dahil rich kid ito. Or puwede ring hindi talaga nito bet mag-showbiz dahil mukha itong serious type. Kung siya ang tatanungin, mas bagay dito ang mag-politician in the future dahil sa pagiging formal at stiff nito. Bukod sa pagiging guwapo, mukhang boring ang personality nito.
Pero may iba pa rin naman itong characteristics na sumusuporta sa pagiging guwapo nito. For example, matalino ito. Hindi siya sigurado pero mukha namang may sports din ito dahil maganda ang built ng katawan nito. As in broad shoulders, strong-looking arms, wide expanse of chest, taut hips, muscular legs. At kahit hindi pa niya nakikita, sigurado siyang may abs ito. 'Yon nga lang, hindi naman ito member ng kahit anong sports sa school nila.
Pero makikita naman 'yon sa katawan, 'di ba?
Para makasiguro, kinuha ni Jinny ang ruler niya sa bag at marahang tinusok-tusok niyon ang muscles sa braso ni Lucho. Pa-testing lang.
"If you don't mind my asking... what are you doing?" halatang naiilang na tanong ni Lucho. Para ngang nagpipigil na lang itong mag-walk out. Kilala ito sa school nila bilang "perfect gentleman" at mukhang totoo naman 'yon dahil kahit mukhang na-wi-weirdo-han na ito sa kanya ay hindi pa rin ito umaalis.
"Tine-testing ko lang kung totoo ang muscles mo o pang-display lang," sagot ni Jinny, saka niya tinigilan ang ginagawa niya bago pa siya layasan ni Lucho. "Alam mo na, uso ang steroids ngayon na pampalaki ng muscles. Sinisiguro ko lang na hindi parang lobo na puputok 'yong sa'yo kapag tinusok." Bumaba ang tingin niya sa mga braso ng binata. Hindi siya mahilig sa mga lalaking macho, pero parang na-a-attract siya sa biceps ni Lucho. Para ngang gusto niyang magpadulas dahil baka sakaling saluhin siya nito at ma-feel naman niya kung totoong matitigas ang mga braso nito. "Mukhang for real naman ang mga 'yan."
"Dinala mo ba ko rito para pag-usapan ang tungkol sa "muscles" ko?" kunot-noong tanong ni Lucho na hindi na yata maitago ang pagkailang sa pinagsasasabi at pinaggagagawa niya rito.
Umiling si Jinny. Mabuti na lang at naitanong 'yon ni Lucho kaya bumalik sa totoo niyang pakay ang isip at atensiyon niya. "Gaya nga ng sinabi ko kanina, ma-ki-kidnap tayo sa Friday, which is two days from today na lang."
Yep, 'yon ang pakay niya kung bakit hinarang niya si Lucho kanina sa car space habang pasakay na ito sa kotse nito. Pagkatapos, inaya niya itong "mag-usap" sila sa tabi ng guard house ng Gate 3 kung saan wala masyadong ibang estudyanteng dumadaan. Dahil gentleman nga ang binata, hindi siya nito tinanggihan kahit mukhang nagulat ito nang kausapin niya ito dahil well, ngayon niya lang ito nilapitan at kinausap nang walang kinalaman sa klase. 'Yon ang dahilan kung bakit magkaharap na sila ng mga sandaling 'yon habang may isang bilog na mesa sa pagitan nila na pinahiram sa kanila kanina ni Mang Gus, ang ka-close niyang guwardiya.
BINABASA MO ANG
Change of Blood
Vampire"You're afraid of me, Jinny. But why? Mukha ba 'kong nangangagat?" Naniniwala si Jinny na mga bampira ang pumatay sa kanyang mga magulang at dumukot sa kuya niya. Maraming parte ng childhood memory niya ang nawawala pero ang bite mark sa kanyang lee...