UNTI-UNTING nagkamalay si Jinny dahil sa maugang kinahihigan niya. Nang nagmulat siya ng mga mata, ang unang sumalubong sa kanya ay si Rhythm na walang malay sa tabi niya. Nakatali ang mga kamay nito sa likuran nito.Mukha namang wala itong pinsala.
Napakurap-kurap siya, nagtataka kung bakit magkasama sila ni Rhythm. Sa posisyon ng katawan niya, nakatagilid din siya ng higa at nakatali ng lubid ang mga kamay niya sa likuran. Pati ang mga paa niya, nakatali rin. Masakit ang mga kalamnan niya, lalo na ang sikmura niya. Pero bukod do'n, wala naman siyang mas malalang pinsala na nararamdaman.
Habang nakatitig kay Rhythm, unti-unting bumalik sa kanya ang mga nangyari ng gabing 'yon. Mula sa paghila sa kanya ng dalawang Keeper palabas ng bar hanggang sa pakikipaglaban ni Hikari sa isang bampira na humantong sa pagkakapatay sa Haponesa.
Sumakit ang lalamunan ni Jinny sa pagpipigil umiyak. Akala niya, ang pinakabayolenteng bagay na makikita niya sa buhay niya ay ang masaksihang sinasakmal ng mga bampira ang leeg ng mga magulang niya. Hindi niya akalaing may mas malala pa pala do'n. Sa ikalawang pagkakataon sa buhay niya, nakasaksi siya ng malupit na kamatayan...
"Oh. You're awake."
Nag-angat ng tingin si Jinny sa nagsalita. Sa gilid ng nakabukas na espasyo sa likod ng pick-up truck na kinalalagyan niya kasama si Rhythm ay nakaupo ang Kuya Jinu niya. Nakasandal ito sa gilid ng truck habang nakahaba ang isang binti, samantalang nakatiklop naman ang isa kung saan nakapatong ang braso nito.
Bumangon siya. Sa madilim na kapaligiran, nangingibabaw ang kaputlaan ng kuya niya. Lalo na't itim na jacket, pantalon, at sapatos pa ang suot nito. Para itong multong nakalutang lang sa dilim. Pero dahil sa pula nitong mga mata, mas mukha itong halimaw kaysa kaluluwa.
Bumaba ang tingin niya sa leeg ng kapatid niya. Kumunot ang noo niya sa pagtataka nang may makitang marka sa parteng iyon ng katawan nito. Pero hindi "bar codes" ang mga 'yon. There were three circles around her brother's neck. The first and the third ring were thin while the middle ring was thick.
Saan nanggaling ang marka na 'yon?
Hindi niya 'yon napansin kanina dahil bigla na lang siyang sinuntok ng kapatid niya sa sikmura dahilan para mawalan siya ng malay agad-agad.
Nawala sa marka sa leeg ng kapatid ni Jinny ang atensiyon niya nang humagis siya at tumama ang likod sa katawan ng pick-up truck nang may madaanang lubak ang sasakyan. Napa-"aray" na lang siya. Kung sino man ang kaskaserong nagmamaneho niyon, siguradong ibabagsak ang lahat ng driving test sa buong mundo!
Tumingin siya sa paligid. Mabilis ang takbo ng truck na kinasasakyan nila. Nang sumilip naman siya sa bintana na likuran niya kung saan makikita ang loob ng sasakyan, nakita niya na may isang malaking lalaki na nagmamaneho. Meron din isa pang lalaki sa passenger's side. Sa backseat naman, may nakita siyang dalawa uling lalaki, pero walang malay ang mga ito base sa pagkakahilig ng mga ulo ng mga ito sa magkabilang bintana. Hindi niya alam kung bakit pero may pakiramdam siyang tao ang mga 'yon. Mga estudyante.
"Masyado ba kaming ungentleman para kayong mga babae ang ilagay dito sa likod ng pick-up truck himbis na ang mga mortal na lalaki na 'yon?" tanong ng Kuya Jinu niya sa playful na paraan. "I'm sorry, Miss. Masyado kasing mabango ang dugo niyo ng kaibigan mo kaya baka mawala sa sarili ang mga kasamahan ko kung do'n ko kayo nilagay sa loob. Baka hindi nila mapigilang sipsipin ang dugo niyo. Malaking problema 'yon pag nagkataon."
Ibinalik ni Jinny ang tingin niya sa Kuya Jinu niya na napansin niyang titig na titig sa kanya habang may kuryosidad sa pula nitong mga mata. Sa kabila ng sitwasyon niya ngayon, mas nangibabaw ang pag-aalala at pangngulila niya para sa kapatid niya. "Anong nangyari sa'yo, Kuya? Pa'no ka naging bampira? At nasa'n ka nitong sampung taong lumipas? Ang tagal na kitang hinahanap!"
BINABASA MO ANG
Change of Blood
Vampirgeschichten"You're afraid of me, Jinny. But why? Mukha ba 'kong nangangagat?" Naniniwala si Jinny na mga bampira ang pumatay sa kanyang mga magulang at dumukot sa kuya niya. Maraming parte ng childhood memory niya ang nawawala pero ang bite mark sa kanyang lee...
