4th Drop

1.9K 95 5
                                    

"BROKEN girl meets cruel world," pagsabay ni Jinny sa kanta na pinapatugtog sa convenience store na 'yon habang namimili siya ng cup noodles. Hindi rin effective ang hindi niya pagkain ng lunch dahil lalo lang siyang nagutom. Kaya ngayong dinner, babawi siya. "Too small to protect herself... Too young to get broken... Too early to stop believing... Someday, I will be there for you... I will keep you from falling apart... I have sticky glue to put your broken pieces back together... This time, maybe this time, I'll get lost to find you..."

Naputol lang ang pagkanta niya nang may bumunggo sa kanya mula sa likuran. Pagpihit niya paharap, sumalubong sa kanya ang isang malaking lalaki na nilagpasan lang siya. Mukhang may hinahanap ang higanteng 'yon. When she said "huge," she meant The Hulk kind of huge. Bulging muscles, angry look. The only difference was The Hulk had green skin, while this "monster" in front of her had pale one.

Higit sa lahat, may "bar code" ang halimaw sa leeg. That alone sent shivers down her spine. Nabitawan niya ang hawak niyang malaking junkfood habang parang movie na nag-pe-play sa isip niya ang gabing inatake ng mga bampira ang pamilya niya.

Tama. Ang bar code na 'yon ang palatandaan na bampira ang nilalang sa harap niya. Pero hindi gaya ng mga nilalang na umatake sa pamilya niya dati, mukha naman itong kalmado. Pero hindi ibig sabihin ay hindi na ito makakapanakit ng mga tao. She could sense danger in him.

Nanginig ang katawan niya sa matinding takot. Sampung taon na ang lumipas. Sa totoo lang, hindi niya inaasahan na may makikita uli siyang bampira sa buhay niya. Madalas niyang isipin na masamang panaginip lang ang lahat ng 'yon. Na tama ang mga tao sa paligid niya dati.

Noon kasing "mailigtas" siya ng mga pulis, lumabas na "murder" ang dahilan ng pagkamatay ng mga magulang niya kahit hindi naman maipaliwanag ng mga awtoridad ang marka ng kagat ng mga bampira sa leeg ng mama at papa niya.

Ilang beses din niyang sinabi sa mga pulis at mga doktor na tumingin sa kanya na mga bampira ang umatake sa pamilya niya. Pero dahil bata lang siya no'n, walang naniwala sa kanya. Ang sabi pa nga ng mga doktor, nag-ha-hallucinate lang daw siya dahil daw sa trauma niya. Na pinapalitan niya ang memories niya dahil masyadong naging masakit para sa kanya na makitang pinatay sa harap niya ang mga magulang niya.

May mga pagkakataon na ginusto niyang maniwala na lang sa mga doktor. Na nag-i-imagine lang siya ng kuwento para maibsan ang sakit niya. Pero paulit-ulit niyang nakikita ang mga bampira sa mga masasama niyang panaginip.

At ang marka ng kagat ng bampira sa leeg niya, hindi na nabura. Gaya ng kung pa'nong hindi na rin nabura ang mapait na ala-ala sa isipan niya.

Takbo, Jinny, utos niya sa sarili. Tumakbo ka na!

Nang makabawi si Jinny mula sa pagka-shock niya, mabilis siyang tumakbo palabas ng convenience store at sumakay sa scooter niya. Nanginginig pa ang mga kamay niya habang nagkakabit siya ng helmet. Nang makita niya sa side mirror ang paglabas ni "The Hulk" sa convenience store, pinaharurot niya ang sasakyan niya.

Sa pagkatakot niya, narinig niya ang malakas at kahindik-hindik na pagtawa ng malaking bampira. Ramdam din niya ang mabilis na pagtakbo nito habang sinusundan siya. Nakikita niya ang paggalaw nito sa mga anino nitong nililikha ng mga nadadaanan niyang lamp posts sa gilid ng kalsada. Ang isang anino ay naging dalawa. Tatlo. Hanggang sa hindi na niya binilang.

Sa totoo lang, mas malamig pa sa hanging humahampas sa mukha niya dahil sa bilis ng pagpapaandar niya sa scooter niya ang panlalamig ng katawan niya. Halos manigas at mamuti na nga ang mga kamay niya sa higpit ng pagkakahawak niya sa manibela. Masuwerte siya dahil walang masyadong sasakyan na dumadaan sa lugar nila ng gano'ng oras kaya nakakapagpatakbo siya ng gano'n kabilis. Pero malas din niya dahil walang ibang makakatulong sa kanya. Alam niyang walang makakapagligtas sa kanya na ordinaryong tao.

Change of BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon