6th Drop

2K 86 5
                                        

MAY IDEYA na si Lucho na isang Keeper ang sumusuporta kay Jinny dahil biktima ang pamilya nito ng mga bampira.Bawat isa o bawat isang grupo ng Keeper naman kasi ay may private organization o charity na sumusuporta sa mga naulila ng mga taong namatay sa kamay ng mga traidor na bampira.

Nang ipa-background check niya si Jinny sa mga Keeper na matagal na sa Pilipinas, nakumpirma niya 'yon. Nabasa niya sa records nito na nang gabing inatake ang pamilya nito, isang Keeper ang nakakita sa bata. Pero huli na ang lahat dahil wala na ang mga magulang nito.

Kapag may isang Keeper ang nakakakuha sa isang tao na naging ulila dahil sa pag-atake ng mga bampira, hindi nila sinusunod ang batas ng mga tao. Hindi nila dinadala sa pulis o government organization ang mga biktima. May mga tauhan na silang aasikaso ng lahat ng kailangan para manipulahin ang pag-iimbestiga sa krimen at walang lalabas na ebidensiyang kukumbinsi sa mga tao na totoo ang mga bampira.

Kung ang biktima ay batang ulila na at wala na talaga pamilya gaya ni Jinny, dinadala naman sa isang private institution ang biktima para burahin ang alaala nito tungkol sa mga bampira.Gano'n ang nangyari sa dalaga. Ang problema lang na nabasa niya sa records nito ay isa si Jinny sa mga espesyal na tao na hindi nabubura ang mga alaala.

Hindi na siya nagtaka dahil ang lahi ng mga tao ang isa sa mga pinaka-interesanteng lahi sa mundo. Mahina sila sa pisikal na aspeto, pero may mga espesyal at natatanging mga nilalalang na ipinapanganak sa lahi. Lalo na kung ang isang mortal ay ipinanganak sa gabi nang may kakaibang pangyayari sa buwan.

Ayon pa sa nabasa niya, may total eclipse ng gabing ipanganak si Jinny. Iyon siguro ang dahilan kung bakit malakas ang pandama nito sa panganib at kung bakit hindi kayang burahin ng mga tulad niyang kalahating-bampira ang alaala nito. Normal na kaso lang 'yon.

Ang ikinagulat lang ni Lucho ay nang nalaman niyang ang private institution ng ama niya ang benefactor ng dalaga. Hindi naman kasi siya nakikialam sa business ng ama niya dahil hindi sila malapit sa isa't isa.Pero hindi na siguro siya dapat nagtaka pa. Malaki ang private institution ng ama niya sa Pilipinas dahil malapit sa puso nito ang bansa. Simple lang naman kung bakit. Filipina kasi ang ina niya.

Siya rin naman, ang pinakamalaking charity niya ay nandito rin sa bansang ito na ipinangalan niya sa ina niya: Maria Luisa Bautista Foundation.Lahat halos ng kinikita niya sa stock market at sa mga negosyo niya na nakapangalan lang sa mga Helper niya ay napupunta sa foundation na 'yon para tulungan financially ang mga naulila ng mga biktima ng mga traidor na bampira. Ang pinakabago niyang sinusuportahan ay ang pamilya nina Julie Ramos, Romeo Cruz, Jane Madrigal, at Ken Rodriguez. May mga magulang at mga kapatid ang mga ito na kailangan ng financial support. Ibibigay niya 'yon sa mga pamilyang naulila. Maliit na bagay lang 'yon kumpara sa nawalang mahal sa buhay ng mga ito dahil sa mga traidor sa lahi nila.

Nasa linya ng land development ang mga kompanya niya, pero nitong nakalipas na dalawampung taon, nagmamay-ari na rin siya ng isang malaking record label sa London. Pinapamahala niya 'yon sa isa sa mga Helper niya na nasa Europa.

Ang mga Helper ay ang mga pamilya – na purong tao – na sumumpa ng katapatan sa mga Keeper o mga kalahating tao-kalahating bampira. Maraming tulong na ibinibigay sa mga tulad niyang Keeper ang mga Helper. Isa na do'n ang pagtulong sa pamamahala sa mga negosyo.

Parang sa sitwasyon ni Lucho. Dahil mabagal ang pisikal na pagtanda niya, kailangan niyang magbago ng katauhan ng paulit-ulit sa mga bansang nililipatan niya para walang ordinaryong tao ang makapansin sa hindi niya pagtanda sa normal na paraan.

Para mapangalagaan niya ang yaman niya na naipon niya sa isang siglong lumipas, may mga Helper siya na nangangalaga sa mga pera at ari-ariang naipundar niya sa buong buhay niya. Ang mga Helper na ito ay nasa katauhan ng pamilya Rathbone.

Change of BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon