"Bien, si Mama?" Tanong ko sa kapatid ko habang umiiyak.
Agad akong lumapit sa kanya at saka hinawakan ang magkabila niyang balikat para lang makita ko ang mga pasa niya sa braso.
Niyakap ko siya ng mahigpit. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko sa sinapit ng kapatid ko. Hindi ko lubos maunawaan kung bakit humantong kami sa ganitong sitwasyon.
Kumalas ako sa yakap niya at dali-daling nagpunta sa kwarto ni Mama. Pagdating ko doon ay nakita ko siyang nasa sulok at nakayakap sa mga tuhod niya. Lumapit ako sa kanya para sana hawakan siya nang bigla niya akong sinampal.
"M-mama.." untag ko habang hawak ang pisngi ko.
Hindi ko na kaya ang ganito. Bakit nangyayari sa amin ito?
"Hindi ko siya anak! Hindi ko anak 'yang baklang 'yan! Ang kapal ng mukha niyang tawagin akong Mama samantalang hindi ko naman siya anak!" Litanya niya na lalong nagpaiyak sa akin.
"Mama, si Bien po iyon. Anak niyo siya. Kapatid ko po."
"Hindi nga sabi e! Bakit ba ang kulit mo? Wala akong anak na bakla! Palayasin mo siya sa bahay!" Sabay hagis niya ng mga unan at kumot.
Agad ko siyang niyakap at pinipigalan sa kanyang pagwawala pero balewala lang sa kanya. Itinulak niya ako at napahampas ang likod ko sa pader kaya natumba ako at bumagsak sa sahig.
Nakita ko si Tita na lumapit sa akin at dahan-dahan akong inalalayan para makaupo. Nang makaupo ako ay si Mama naman ang nilapitan niya para pakalmahin. Nakita ko pang may itinurok si Tita sa braso ni Mama.
Ilang minuto lang ay agad na napakalma si Mama at dahan-dahang bumagsak ang kanyang mga mata para matulog. Lumapit sa akin si Tita para yakapin ako. Umiyak ako ng umiyak sa kanya hanggang maubos ang aking luha.
"Hirap na hirap na ako sa ganitong sitwasyon Tita. Hindi ko na alam ang gagawin ko."
Agad akong napatingin sa pintuan ng kwarto ni Mama para lang makita ko si Bien na nakatayo do'n. Sinenyasan ko siya na lumapit.
"May masakit ba?" Tanong ko dito at agad siyang umiling. Nakita ko ang pamumuo ng tubig sa kanyang mata.
Niyakap ko siya ng mahigpit. Niyakap din siya ni Tita kaya ang luhang pinipigilan niya ay bumuhos.
"Isang solusyon lang ang nakikita ko para matapos ang paghihirap niyong magkapatid." Napatingin kami ni Bien kay Tita. Nakukutuban ko na ang gusto niyang mangyari.
Hindi man ako magsalita ay alam ni Tita na alam ko ang ibig niyang iparating sa akin.
"Sige Tita. Dalhin na po natin si Mama do'n." Sabi ko sabay yakap kay Bien at saka 'ko muling umiyak ng umiyak.