One More Day
By: Kier Andrei
Author's Note: I guess being unemployed do have it perks so here's another one. I'm not really sure kung na-post na iyong isa pa that I sent before this or if it would even be posted but this is the second story I've sent after my almost six months of not sending anything.
Muli, maraming salamat sa lahat ng nagbasa. Uulitin ko lamang po na ang lahat ng ito ay kathang isip lamang. At tulad po ng mga nauna, medyo talagang may kahabaan.
I hope you enjoy this story as much as I enjoyed writing it. Pero katulad noong mga nauna, pangungunahan ko na po kayo na hindi po ako nagpo-proofread ng mga isinusulat ko so kapag may mga nakita po kayong mali, pagpasensiyahan na po ninyo dahil tao lang.
*****************************
"Do I even have to guess this time or should I just assume that something happened yet again?"
Imbes na sumagot ay ipinagpatuloy lang ni Chase ang panood sa kanyang laptop na para bang walang narinig. Ni hindi man lamang niya ako nilingon. Kung hindi pa siguro ako sanay sa ugali niyang ganoon ay baka nabanas na ako. Kapag kasi nagmumukmok siya, hndi talaga siya namamansin kahit pa mag-tumbling ka sa harapan niya.
Chase isn't exactly the easiest person to read. Siya iyong tipo nang taong kahit titigan mo nang matagal, kung ayaw niya talagang magpakita ng anumang emosyon, wala kang mapapala. Sabi nga ng ibang kabarkada namin, napatay na daw niya kami ng ilang libong beses sa utak niya ay hindi pa namin nalalaman. Kaya nga minsan, hindi din namin alam kung ipagpapasalamat ba namin iyong pagiging vocal niya kapag nasa mood. Kapag kasi nasa mood si Chase, anuman ang pumasok sa isip niya, kahit alam niyang makakasakit, sasabihin niya.
"I tell the truth. That's my thing. I may sound like an asshole, I probably am anyway, but I tell the truth, simple as that." Iyon lang ang sagot niya nang minsang magkainuman ang buong barkada at may naglabas ng sama ng loob tungkol sa ugali niyang iyon.
Pero kahit ganoon siya, hindi maikakailang marami siyang kaibigan o mas tama sigurong madami ang nagki-claim na kaibigan nila si Chase. Sa barkada nga namin, siya pa rin ang takbuhan ng karamihan kapag may problema. Masakit man kasi siyang magsalita, alam mo namang hindi ka niya pababayaan. Siya iyong tipo nang taong bibitiwan ang lahat kung kinakailangan para ba damayan ka.
Sabi ko nga dati sa kanya, hindi ko alam kung anghel pa siya o demonyo. Ngumiti lang siya sa akin noon at saka tumingin sa malayo.
"Remember that even Lucifer was once an angel too." Sagot lang niya na hindi ko alam kung seseryosohin ko o hindi.
Madaldal kung tutuusin si Chase, tipong hindi nauubusan ng kwento. Kapag siya ang bumangka, akala mo isang buong libro ang pinakikinggan mo. Kumpleto kasi talaga sa detalye at meron pang mga side comments.
But in all those times he would take the reign and talk, very rarely would he talk about himself. Kukuwentuhan ka niya tungkol sa ginawa niya o noong kung sino mang topic niya sa usapang iyon pero wala kang makukuha doon tungkol sa kanya maliban na lamang doon sa alam na ng lahat. You would know if he is in a good or a bad mood pero hindi mo malalaman kung bakit dahil hindi niya sasabihin. Kapag tatanungin mo naman, mas madalas ay babarahin ka lang niya o di kaya ay sasabihin niyang okay lang siya.
An open book with blank pages. Iyon ang deskripsiyon sa kanya ng mga kaibigan namin. At sa tinagal-tagal nang panahong magkaibigan kami, tinanggap ko din lamang iyon. Sa akin naman kasi, kung ayaw niyang magsabi, okay lang. Walang pilitan kumbaga.
Nagkataon lang siguro na isang taon din kaming mahigit na nagkasama sa iisang bahay kaya kahit papaano ay mas nakilala ko siya.
Kaga-graduate ko lamang noon ng kolehiyo nang magdesisyon akong sa Maynila na makipagsapalaran. Si Chase naman, nauna na siya ng isang taon sa Maynila para maghanap ng trabaho kahit hindi pa siya naka-graduate ng college. At dahil wala naman akong ibang kakilala sa Maynila, sa kanya ako nakituloy.