Where the Stars Fall Down (Part 1)
By: Kier Andrei
Author's Note: Hi guys! Happy New Year!
If you're reading this part, malamang ay minumura na ninyo ako dahil sa ending noong kwento. Pero bago po ninyo ako ipakulam ng tuluyan, please know that Alee's story doesn't end there. Kumbaga sa telenovela, may Book 2. Napansin ko na kasing masyado nang mahaba samantalang gitna pa lang kung tutuusin. The next part would start fifteen years after. Other than that, wala na akong ibang sasabihin pa para kunwari, may suspense. Hahaha Anyway, despite the abrupt ending, I hope you still enjoyed reading. Alam kong medyo mabagal iyong takbo noong kwento pero sana ay na-enjoy niyo pa rin kahit papaano. And with that, hope you read the next part of Alee's story.
"Bille?"
Napilitan akong magmulat ng mga mata nang walang sumagot sa akin. Antok na antok pa ako pero maging ang makapal na kumot ay hindi na kaya pang labanan ang lamig sa loob ng kuwarto kaya kailangan kong bumangon. Malamang ay iniwan na naman ni Bille ang aircon na nasa pinaka-malakas. Kung gusto kong makabalik sa pagtulog, kailangan ko iyong hinaan.
Ilang beses ko ding ikinurap ang mga mata ko para sanayin ang mga ito sa dilim saka ako tumingin sa paligid. Malamlam ang ilaw na nagmumula sa poste ng kuryente mula sa labas ng bintana pero sapat na iyon para makita kong wala nga si Bille sa loob ng kuwarto. Sigurado ko ding wala siya sa banyo dahil patay ang ilaw doon. Wala din naman akong ibang marinig maliban sa mahinang ugong noong aircon. Napatitig na lang tuloy ako sa may bintana at nag-isip.
Kung tuluyan akong babangon ay siguradong mahihirapan na akong matulog ulit kaya ako nagdadalawang-isip. Alas dos pa lamang ng madaling araw ayon doon sa digital alarm clock ni Bille na nasa lamesang katabi ng kama. Kapag bumaba ako sa kama at gumalaw, malamang-lamang na wala nang tulugang magaganap pagkatapos. Sa huli, pinili ko pa rin bumangon na lamang.
Inilibot kong muli ang mata ko sa loob ng kuwarto bago gumalaw. Tulad noong unang pagkakataon na natulog sa kanila, hindi ko naiwasang ikumpara ang kuwarto ni Bille sa kuwartong tinutulugan ko sa bahay kasama ang apat ko pang nakababatang kapatid. Hindi man lamang kumalahati iyong kuwarto namin sa kuwartong iyon. Wala din kaming malaking kama katulad noong kay Bille na kasya yata ang limang tao nang hindi nagsisikikan. May sarili din siyang computer, stereo, at TV, at kung anu-ano pang gamit sa loob ng kuwarto na sa aming mga magkakapatid ay hanggang pangarap na lamang.
"Magkakaroon din kami nito pagdating ng araw." Sabi ko na lang sa isip ko bago itinutok sa pinaglalagyan ni Bille ng gitara ang mga mata ko. Wala doon iyong acoustic guitar niya at isa lang ang ibig sabihin noon. Nasa bubong siya ng bahay ng mga oras na iyon.
Kumuha ako ng jacket mula sa cabinet niya at isinuot iyon bago marahang nagpunta sa likod bahay.Niyakap ko na lamang ang sarili ko pagkalabas para labanan ang lamig. Madali kasi talaga akong lamigin. Mahipan lang nang malamig na hangin ang likod ko ay kinikilabutan na ako.
Bago pa man ako makarating doon sa pader na pinagsandalan niya noong hagdan para makaakyat sa bubungan nila, dinig ko na ang mahina niyang pagtugtog ng gitara.
Pataas iyong lugar na kinatitirikan ng bahay nina Bille kaya halos kita mo talaga ang kabuuan ng barangay kapag umakyat ka sa bubong. Iilan din ang matataas na puno doon kaya pakiramdam mo ay nasa pinakatuktok ka ng daigdig lalo na sa mga gabing katulad noon na parang ang lapit lang ng buwan at mga bituin.
Napangiti na lang ako nang makita ko siyang nakaupo paharap sa buwan at patuloy na naggigitara. Pamilyar sa akin iyong tugtog dahil madalas niya iyong gitarahin pero hindi ko alam kung anong kanta iyon.
Marahan na lamang akong lumapit at saka umupo sa tabi niya. Ngumiti lang naman siya sa akin pero hindi tumigil sa pagtugtog. Hindi na din naman ako nagsalita at tumingin na lamang sa buwan.