Patintero
By: Kier Andrei
AUTHORS' NOTE: To the moderators, sorry about the last story. Nagkamali po ako ng file na nai-attach. Tapos, hindi ko na din mahanapan iyong dapat sana ay ipapadala ko. So instead of sweating over it, here's one. To EP. Sabi ko naman sa iyo, iyong kumento mo about sa Valentine's Day celebration ko ang dahilan ng lahat ng ito. Hahaha Special thanks sa mga e-mails. Kayo na po ang nag-effort na i-e-mail pa talaga ako. And to everyone else who had been reading my stories here, MARAMING SALAMAT. I know that I may never be able to write something as "good" as Chasing Sunsets ever again, but I'll at least try to come up with something you'll enjoy. Again, this is a work of fiction. Kathang isip lamang po ang lahat.
"Are you two dating?"
Kabababa ko pa lamang ng motor ay iyon na ang ibinungad sa akin ni Hazel, nagpapalipat-lipat ang tingin sa amin ni Nathan na nakasakay pa rin sa motor niya. Nag-isip tuloy ako kung isusukbit ko ba talaga iyong bitbit kong backpack sa balikat ko o ihahampas ko iyon sa mukha niyang ngiting-ngiti.
Napatingin na lang ako kay Nathan at hinayaan siyang sumagot. Kung ako kasi iyon, mas mahaba pa sa buong Philippine Constitution ang maililitanya ko ng wala sa oras na magsisimula sa isang mura at matatapos sa isang mas malutong pang mura.
"Break na kami," Tumatawa lang na sabi ni Nathan bago ako hinarap.
"Anong oras ka pupunta sa apartment?" Tanong niya sa akin na lalong ikinalaki ng mata ni Hazel. Halatang-halata sa mukha niya na iba na agad ang iniisip.
Muli ko na namang ikinunsidera ang hampasin si Hazel gamit ang backpack ko. Pasalamat na lang siya at may lamang laptop iyon at wala akong balak na isakripisyo ang susi ng kabuhayan ko para lamang matanggal ang malisyosong ngiti niya.
Concept Developer kami ni Hazel para sa isang maliit na film production at may meeting kami kasama ang isang indie film director ng araw na iyon.
"Tatawag na lang ako mamaya," Sagot ko na lang. Hindi ko din naman kasi talaga alam kung anong oras matatapos ang meeting namin. Bago Iyong direktor na makakatrabaho namin nina Hazel kaya hindi namin alam kung ano ang diskarte.
Nagkataon na nagyayang mag-jogging si Nathan biglaan kaya kami magkasama. Dumating siya na naka-motor sa apartment na tinitirhan ko ng umaga pero iniwan na niya iyon doon dahil malapit lang naman iyon sa compound ng Provincial Capitol kung saan kami madalas tumakbo. Nakikain na din siya ng agahan sa apartment ko ng makita niya iyong niluto kong bistek. Paborito niya kasi iyon.
Nang malaman niyang may meeting ako sa kabilang bayan ay siya na mismo ang nagprisinta na ihatid ako para bawas pamasahe na lang din kumbaga. Bayad na daw niya sa paglamon niya. Umoo na lang ako. Sabado naman kasi noon at wala siyang pasok sa eskwelahan kung saan siya nagtuturo.
"Sige. Sunduin pa ba kita mamaya?" Tanong pa niya ulit. Sakto namang kapaparada din ni David, kasamahan din namin ni Hazel, ng motor niya sa tabi namin kaya narinig niya iyon.
"Uy! Dalagang Pilipina! Sinusundo!" Sabi agad ng mokong na ngiting-ngiti.
"Kayo?" Dagdag tanong pa niya na sa akin nakatingin. Ang sarap lang talaga nilang pagbuhulin ni Hazel.
"Break na kami!" Sabay pa naming sabi ni Nathan. Nagkatinginan tuloy kaming dalawa ng wala sa oras at natawa. Naki-fist bump pa siya sa akin na pinagbigyan ko naman.
Sinabihan ko na lang si Nathan na tatawag na lang ako kung anuman. Tumango lang naman siya at pinaandar na ang motor. Nang makaalis si Nathan, nauna na akong pumasok sa coffee shop at literal na hindi pinapansin ang mga makahulugang tingin nina Hazel at David sa akin.