Somewhere Along the Line

207 3 1
                                    

Somewhere Along the Line

By: Kier Andrei

Authors Note: This is a work of fiction . Natuwa lang ako sa magagandang response sa una kong isinulat para sa site na ito. Muli, maraming-maraming salamat po sa pagbabasa ninyo sa pagkaha-haba kong sinulat. Asahan na ninyong mahaba din ito.

Medyo naiilang pa rin ako sa tuwing binubuksan ko iyong site, lalo na at medyo "vivid" iyong picture na inilagay noong mga moderator sa una kong isinulat na "You Again" pero medyo nasasanay na din. I tried to make it as different as possible from the first one. Sasabihin ko na po simula pa lang na wala pong bed scene dito, almost lang. But still, I hope you enjoy this one too. I know it's a little different from what you read on the site and it's way longer but still, sana ma-enjoy po ninyo.

Nakilala ko si Joaquin noong second year college ako sa isang pribadong unibersidad sa aming probinsiya. Pareho kaming galing sa iisang departamento sa ilalim ng College of Arts and Sciences, magkaiba nga lamang ng major. Development Communication siya samantalang ako naman ay AB English.

Hindi ko alam kung paanong nangyari na sa loob ng isang taon simula noong nakapasok ako sa unibersidad na iyon ay hindi man lang nagtagpo ang landas namin. Mabibilang mo kasi ang mga estudyante sa kolehiyo namin, lalo na sa departamento kung saan kami nabibilang, pero ni minsan, hindi nangyari na nag-krus ang landas namin. Kung hindi pa siguro ako sumali sa taunang Search for Mr. and Ms. Campus Personality ay hindi pa kami magkakakilala.

Bawat taon kasi ay ginaganap ang patimpalak na iyon kung saan ang mananalo ay siyang magiging representative ng CAS sa university-wide pageant. Aminado naman ako na may pagka-ambisyoso ako. First year pa lang kasi ako ay gusto ko nang sumali. Ni wala nga akong pakialam sa sinasabi ng mga tao na mga bading lang daw ang sumasali at nananalo doon. Saka kilala ko naman ang sarili ko kaya hindi ako masyadong apektado. Ang akin kasi, gusto kong makilala bilang pinaka-gwapo sa buong campus. Sabihin nang mababaw pero hindi ko itatanggi iyon. Gusto ko talagang manalo. Kaya nga noong sabihan ako ng mga officers sa course namin na ako ang sasali, hindi man lang sila nagdalawang salita.

Wala akong pinalampas na kahit na isang practice para sa pageant. Kung alas-otso ang usapan, alas-siyete pa lang ay nasa venue na ako. Tinatawanan pa nga ako ng ibang teachers dahil kung ganoon din daw sana ang dedikasyon ko sa pag-aaral ay baka nai-uno ko na lahat ng subjects.

Anim na pares kaming kandidato ayon sa mga officers pero laging wala ang isa sa mga kandidatong lalaki. Simula nang magpa-meeting sila hanggang sa araw-araw naming pagpa-practice, hindi nagpakita ang kandidato ng Devt. Com. Ang alam ko lang, Joaquin Fernandez ang pangalan niya pero hindi ko pa nakikita kahit minsan.

At noong mga panahong iyon, talagang natutuwa akong wala siya. Kung ang titignan lang naman kasi ay ang ibang lalaki na nandoon, walang makakapagtangging lamang ako sa kanila. Maliban kasi sa mukhang hindi sila seryoso, hindi mo rin naman masasabi na talagang gwapo. Kung sila lang ang makakalaban, sigurado na akong ako ang mananalo.

Hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko pero marami naman talaga ang nagsasabing may ipagmamalaki kung itsura din lang ang pag-uusapan. Kahit may kaliitan sa taas kong 5'5", bumawi naman ako sa mukha at katawan.

Singkit kasi ang mga mata ko na talagang guhit na lamang kapag ako ay nakatawa. Matangos ang ilong, mapupula ang manipis na mga labi. Maputi din ako dahil may lahing Igorot ang pamilya namin. Iyon nga lang, mas mukha daw akong Koreano. Ilan din ang nagsasabing kahawig ko daw si Kim Bum. Ni hindi ko alam kung sino iyon noon pero tinanggap ko na lang. Kahit papaano naman ay magaling din akong manumit at hindi naman pulpol ang utak ko. Hindi man perfect package ay pwedeng-pwede naman na akong ibalandra, kumbaga.

Siguradong-sigurado na akong ako ang mananalo nang biglang dumating si Joaquin noong huling araw ng rehearsals. Literal na natahimik ang buong auditorium pagdating niya. Lahat kami ay nakatingin lang sa kanya, walang isa mang nagsasalita. Ni hindi ko pa alam na siya pala iyong Joaquin na sinasabi nila kung hindi pa sinabi sa akin ng katabi ko sa stage.

PanaginipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon