Ikaw Lang

146 5 2
                                    

Chapter One

PInagmasdan ni Allie ang puno sa may di kalayuan. Tila nakikipagsayaw ang mga dahon niyon sa hangin. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na naligaw sa kanyang mga labi. Nakangiting bumaling siya sa matalik na kaibigan nang magsalita ito.

“Talagang napakaganda nitong villa, Allie. Paanong hindi ka man lamang nagkukuwento?” Bakas na bakas sa mukha ni Zoe ang pagkamangha nito.

“Minsan kasi ang pakiramdam ko ay napakatagal ko na sa lugar na ito.” Umupo siya sa damuhan. Ganoon din ang ginawa ni Zoe at sabay nilang tiningala ang mayuming araw sa itaas.

“Huwag mong sabihing nababagot ka dito?” Tuluyan nang nahiga sa damuhan ang kaibigan.

Bago pa niya nasagot ang tanong na iyon ay naagaw ng dalawang batang paparating ang kanilang atensyon. Tinatawag ng mga ito ang pangalan ni Allie buhat sa kanilang likuran. Patakbong lumapit sa kanila ang magkapatid na Ara at Aila.

“Allie, manguha tayo ng mga bayabas!” ani Aila na may anim na taong gulang.

“Pero napakataas n’ung puno—hindi ko iyon kayang abutin. Magpakuha na lamang tayo kay Manong Boy,” sagot niya na tinutukoy ang katiwala. Inayos niya ang ribbon sa blusa ng bata.

“Pero matanda na si Manong Boy, Allie, at hindi na niya kayang umakyat ng puno,” komento ng kapatid nitong si Ara na may edad sampu. Hinila nito ang kamay ni Allie, pinatatayo ang huli.

“Ang gaganda naman ng mga pamangkin mo. Pero bakit hindi sila tumatawag sa iyo ng 'Tita?'“ Bumangon si Zoe at pinagpag ang ilang tuyong damo na nasa balikat nito.

“Ara, Aila, siya si Tita Zoe,” aniya sa dalawa saka sinagot ang tanong nito. “Nasanay kasi ang dalawang iyan na Allie ang tawag sa akin ng lahat ng tao dito. Alam mo naman ang mga bata, gaya-gaya.” Napansin niya si Aling Dina na halos kasunod lamang ng dalawang bata.

“May tawag po para sa inyo, Miss Zoe. Ang mama raw po ninyo, hindi raw po kayo makontak sa cell phone,” ani Aling Dina.

“Iniwan ko po kasi sa kuwarto,” paliwanag ng dalaga na mabilis tumayo. “Maiwan ko muna kayo.”

Pagkatalikod ni Zoe pabalik sa malaking bahay ay napilit si Allie ng mga pamangkin na tumungo sa bahay-palaruan kung saan naroon ang matandang puno ng bayabas.

“Paaakyatin n'yo ako sa bubong ng play-house? Pero matagal nang hindi binubuksan iyan!”

“Hindi ka naman sa bintana ng attic dadaan,” ani Aila.

“Eh, saan n'yo 'ko padadaanin? Sa tulay na hangin?” namamanghang tanong niya.

Higit pa roon ang itinuro ni Ara—isang hagdanang kahoy. Nakatukod iyon at nakahilig ang kabilang dulo sa bubong ng bahay. Abut-abot ang pagtanggi ng isip niya sa ipinagagawa ng dalawa. Ngayon lang niya naipasya na ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang hagdanang walang handrails.

“Hindi kaya bumigay iyan?” Minsan ay gusto niyang pagsisihan na kung ituring siya ng mga pamangkin ay halos kaedad niya ang mga ito gayong may sampung taon ang agwat niya kay Aila.

“Matibay iyan!” anito.

“Gusto ba talaga ninyo ng bayabas? Hindi naman kayo kumakain niyon kapag nag-uuwi si Uncle Martin,” pagpapalusot niya.

“Pero gusto namin ngayon,” pamimilit ni Aila. “Pagkatapos gagawa tayo ng guava jelly.”

“Puwede naman tayong bumili n'on sa grocery,” tanggi niya.

“Sige na, Allie,” pangungulit ng dalawa.

“Mas gusto namin ang guava jelly mo. Naaalala namin si Mommy kapag natitikman namin.” Pinalungkot pa ni Ara ang boses. Kapag ganoon ang drama nito ay wala na siyang kawala. Alam niya kasi ang pakiramdam nang nangungulila sa magulang.

Ikaw LangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon