Chapter Two
Simula yata nang magkaisip siya ay ipinaunawa na sa kanya ni Lolo Rogelio ang bagay na iyon. Inaasahan na niyang sa lalong madaling panahon ay magkakaharap din sila ng binatang Bellisario. Noong labing-apat na taon siya ay hindi niya maipaliwanag kung nananabik siya o natatakot na dumating ang araw na iyon. Ngayong labimpito na siya, parang gusto niyang magsisi na hindi niya iyon napaghandaan. Pero ano bang paghahanda ang dapat niyang gawin?
“Kung gusto mong manatili diyan sa taas, ayos lang sa akin. Basta ikaw ang magsasabi sa lolo mo na ayaw mong magpakasal sa akin,” tila banta ni Matt.
“Alam mo, hindi ako naniniwala na gusto mong magpakasal sa akin kaya huwag ka nang magmabait. Mas pasasalamatan kita kung magpapakatotoo ka. Pansamantala, puwede bang pakitawag si Andrew? Baka nakabalik na siya.”
“Makulit ka rin.” Tila naaaliw pa ang lalaki sa kanya. Hindi kaya ito naiirita?
“Kung totoong umalis siya, bakit hindi siya nagpaalam sa akin?”
“Girlfriend ka ba niya para magpaalam siya sa iyo?” tanong nito.
“Girlfriend niya kaming dalawa ni Allie,” singit ni Aila. Parang gustong pumalakpak ni Allie kahit malayo sa katotohanan iyon. Ang anim na taong gulang na bata ay kababakasan ng hayag na pagtatangi sa binatang agriculturist ng villa.
“Naloko na,” mahinang sambit ni Matt sa sarili. Nilingon nito ang bata. “Ganoon ba? Sa tingin ko'y masuwerte sa iyo ang kaibigan ko. Ewan ko lang sa ibang tao diyan…” Wala sa loob na binalingan nitong muli si Allie. Marahang nililipad ng hangin ang mahabang buhok ng babae. Ang unang naalala ni Matt nang masilayan siya kanina ay ang bakasyon nilang mag-anak sa Texas noong labing-tatlong taong gulang ito. Kakulay ng buhok ng dalaga ang dahon ng maple sa unang linggo ng taglagas.
“Hindi mo ba ako tutulungan?” Napansin ni Allie na tila biglang naging seryoso ang expression ng supladong binata. Tumingin ito sa mga mata niya.
“Nasa sa iyo iyan. Handa ka na bang tumalon buhat diyan?”
“Ha? Pero hindi ko kaya—”
“Baka masaktan si Allie,” ani Ara.
“No, Honey,” Matt assured the child. “Kayang-kaya ko siyang saluhin.” Halatang nakuha kaagad nito ang kumpiyansa ng mga paslit. “Sige na, Prinsesa,” anito. Bago sa labi niya ang palayaw na iyon. “Masyado nang nag-aalala ang mga bata. Alam kong hindi mo rin gusto iyon.”
“Kaya mo ba talaga ako?” Handa na siyang tumalon.
“Trust me, Sweetheart.” Noon lamang naging natural sa kanya ang pagbanggit sa huling salita.
“Sige… isa… dalawa...” Muling umurong si Allie palayo sa gilid ng bubong, pabalik sa gitna. “Hindi ko talaga kaya,” napapikit na sabi niya.
Tinantiya ni Matt ang bubong ng play-house. May kababaan iyon at bahagyang lapat ang mga daliri niya sa ibabaw. Sa isang iglap ay naroon na ito sa itaas kasama si Allie.
“Paano mo nagawang umakyat nang ganoon kadali?”
“Kahit ipaliwanag ko ay hindi mo rin gagawin dahil ang gusto mo ay makababa. Mabuti pa ay sa puno tayo dumaan. Mas maaalalayan kita.” Napansin nito na hindi siya sumusunod dito kaya bumalik pa ito at inakay siya.
“Sige, unahin mo iyong kaliwang paa mo. Iyong kabila naman. Ganyan… ingat baka madulas ka…”
Nakahinga nang maluwag ang dalawang bata nang maayos silang makababa.
“Gusto kong magpasalamat,” aniya, matatag na nakatingin dito, her chin lifted.
“Walang anuman.” Ngumiti ang binata at lalo itong gumuwapo sa paningin niya. “Ano kaya kung dagdagan ko ang mga nakuha mo para makagawa kayo ng jelly?” He was teasing her and she knew it.
BINABASA MO ANG
Ikaw Lang
RomanceMinsan, kailangan mong maranasan ang malungkot para ma-appreciate mo iyong mga oras na masaya ka.