Chapter Five
Nakaupo sa swing sina Allie at Lily. Sina Ara at Aila ay naglalaro sa may di kalayuan.
“Kung ganoon ay dating girlfriend ni Matt si Tanya,” putol ni Lily sa pag-iisip niya.
Walang tugon buhat kay Allie. “Paanong magkakagusto si Matt sa babaeng iyon? Kung tutuusin, literal na pahamak ’yung bruha!”
“Palagay ko'y hindi naman ganoon ang nangyari. Sa kuwento ni Matt, pinsan ng dating boyfriend ni Tanya iyong nakaharap niya sa competition. Nakilala si Matt ni Jed —iyong dating boyfriend nga ni Tanya, noong mag-transfer siya ng eskuwelahan. Pinag-trip-an si Tanya noong mga kabarkada ni Jed. Sinadya yata nilang gawin iyon na nasa malapit lang si Matt. Siyempre, ipagtatanggol ni Matt si Tanya.” Tumungo si Allie para damputin ang bolang gumulong sa paanan niya. Inihagis niya iyon sa direksyon ng mga pamangkin.
Nagpatuloy siya. “After that, I think there was a transfer of affection na nangyari kay Tanya—nabaling ang atenysyon at paghanga niya kay Matt. Iyon ang sabi ni Angelo. Sa possessiveness na ipinapakita ni Tanya kay Matt kapag nagkakatagpo sila ay paniwala si Allie na labis ang pagkakagusto ng babae kay Matt hanggang ngayon.
“And he fell for her?” Pakiramdam ni Lily ay nadagdagan ang disgusto niya kay Matt para kay Allie. Halatang-halata naman na mahal na mahal ito ng prinsesa ng mga Reales. At si Matt, madalas walang-kibo. Oo, sweet ito sa dalaga kung minsan… “Malay ba niya kung totoong kasabwat si Tanya ng mga 'yon!”
“Puwede rin namang hindi o kaya ay nagsisisi na siya,” aniya.
“Nakakaloka ka, ha?” ani Lily. “Parang itinataboy mo si Matt kay Tanya sa sinabi mo. Maiba ako, naniniwala ka ba sa sinabi ni Angelo na si Tanya pa rin ang mahal ni Matt?” Noon napansin ni Lily na nag-aaway ang magkapatid na Ara at Aila at saglit itong nagpasintabi sa kanya. Mabuti na rin iyon dahil hindi niya alam kung dapat niyang sagutin ang tanong nito.
Naalala niya ang pagkakataon bago sila tumuloy sa silid ni Matt para mag-usap. They were standing near the lamp post by the driveway. Parang mapusyaw ang ilaw dahil napakadilim ng gabi.
“Mahal mo pa ba siya?” Alam naman ni Matt na si Tanya ang tinutukoy niya.
“Ipinamimigay mo na ba ako?” Nakuha pa nitong ngumiti. Ni hindi ito kumukurap habang nakatingin sa kanya.
Nagbaba ng tingin si Allie. Akin ka ba para ipamigay, gusto niyang itanong. “Kung siya talaga ang gusto mo, hindi kita pipigilan.”
“Walang makakapigil sa akin kung iyon ang gusto kong gawin,” sagot nito. Naglakad na ang binata. Napansin ni Allie na ang side entrance ng malaking bahay ang tinungo nito. Pinilit niya itong sabayan.
“Bakit hindi mo ipaglaban ang relasyon ninyo?” aniya.
“Wala kaming relasyon,” mahinahong balik nito. Umaagapay pa rin si Allie sa paglakad nito.
“Nag-aalala ka ba sa puwedeng gawin ni Jed o sa pinsan nitong si Anthony kay Tanya? tanong niya.
“Sinagot ko na ang tanong mo.” Mababa ang tinig ni Matt at halos hindi niya marinig. Binuksan nito ang sliding door kung saan sila daraan.
“Patawad pero hindi talaga kita maintindihan. Mahal mo nga siguro siya kung handa kang isakripisyo ang damdamin mo para sa kabutihan niya.” Sukat sa sinabi niya ay isinara muli ni Matt ang sliding door. Hindi ito pumasok pero hindi rin ito humarap sa kanya.
“Sinabi rin ba sa iyo ni Angelo kung ano ang hiningi nilang kapalit para patahimikin nila kami ni Tanya?” tanong nito.
Kami ni Tanya—bago iyon sa pandinig ni Allie, at kakaiba ang sakit na hatid niyon.
“Ang sabi niya ay may isinakripisyo ka,” tugon niya. Hindi tungkol doon ang gusto niyang malaman.
“Hindi mo ba itatanong kung ano iyon? Siguro'y alam mo na.”
“Hindi na iyon mahalaga.” Tumalikod siya at lumakad patungo sa kiosk na nasa gilid na iyon ng bahay. Naramdaman niyang kasunod niya ito sa pag-akyat ng hagdanan niyon. Sinamahan pala siya nito.
“Sa lahat ng taong mahalaga sa akin, ikaw lang ang hindi nagkaroon ng interes na linawin ang tungkol doon. Matutuwa ka ba kung sasabihin kong hindi sakripisyo ang ginawa ko?” Nasisinagan ng ilaw mula sa bahay ang loob ng kioske at maliwanag niyang nakikita ang mukha ni Matt. Gusto niyang maniwala sa sinasabi nito.
Dinama ni Allie ang sementadong pasamano sa kanyang likuran. Naupo siya roon at iniiwas sadya kay Matt ang mga mata. Nakahilig naman ang binata sa pader makapasok ng hagdang dinaanan nila.
“Ang sabi ni Angelo, you forfeited your chance for the championship that year. Iyon ay para mabigyan ng pagkakataon na makapasok si Anthony, iyong pinsan ni Jed. Hindi mo gagawin iyon kung hindi ka nila pinamili,” saad niya.
“Ah, kung gayon ay pinamili pala nila ako, kung si Tanya o ang titulo.” Matt folded his arms on his chest. “At si Tanya ang pinili ko, ganoon ba? Bakit? Sa palagay mo ba'y hindi puwedeng pareho?” Noon lamang niya narinig ng ganoong tono si Matt sa kanya.
“Napakayabang mo!” Kung nagagalit ito, mas galit siya. Hindi naman niya talaga gusting sabihin iyon pero nakakapikon ito.
“Hindi nila puwedeng saktan si Tanya. Nakakalimutan mong kapatid niya si Angelo. At kasama si Angelo sa plano.” Nanatili ang distansya sa pagitan nila. “At kung sakali mang ginulo nga nila kami, sa palagay mo ba'y hindi ko siya kayang ipagtanggol?”
“Kalimutan mo nang nagtanong ako, Matt.” Mas mabuti na nga sigurong wala siyang alam. Mas maiiwasan niya ang masaktan.
“Makinig ka,” Pumuwesto si Matt sa kanyang tabi bagaman hindi ito naupo. Ngayon ay magkapantay ang mga mukha nila. Allie still refused to look directly at him. “Buo na ang loob ko simula nang mag-transfer ako sa paaralan nila na huwag nang sumali sa competition. Aksidente na may nakakilala sa akin. Akala ni Anthony ay palihim akong nagsasanay. Desidido siyang mabawi ang titulo, thus the blackmail. Hindi ko alam na kayang ipa-kidnap ni Jed ang sariling kasintahan para papayagin ako sa isang kasunduan. It was totally unnecessary dahil wala talaga akong balak lumaban sa championship. Just the same, nagpapasalamat ako dahil hindi ko ipinagdalawang-isip nang lumapit si Angelo para papirmahin ako sa kasunduan at tulungan ang kapatid niya,” paliwanag nito. Kung hindi ito lalaban sa championship, Anthony would be the champion by default.
“Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit naging kayo ni Tanya, hindi ba?” lakas-loob niyang tanong. Nakatitig siya ngayon kay Matt.
“Tama ka. Pinahalagahan ko siya.” Allie looked away but Matt felt he had to continue. Wala siyang kailangang ipagkaila kay Allie. If there was one word to describe their relationship, it would be honest. “Hindi siya mahirap mahalin. Mabait siya at maasikaso.”
“Mahal ka pa rin niya hanggang ngayon.” Sa bagay na iyon ay nakakasiguro si Allie at parang nahahati ang puso niya.
“Pero hindi iyon ang tanong, Allie.”
Tama si Matt. Hindi iyon ang tanong. Ang tanong ay kung mahal pa rin nito si Tanya. Pero kung iniisip ng binata na bibigyan niya ng boses ang tanong na iyon ay kakailanganin nitong maghintay habambuhay.
BINABASA MO ANG
Ikaw Lang
RomanceMinsan, kailangan mong maranasan ang malungkot para ma-appreciate mo iyong mga oras na masaya ka.