Chapter Six
Labing-isang buwan na simula nang umalis si Matt. Sa loob ng panahong iyon ay walang anumang komunikasyon dito si Allie. Noong mga naunang tatlong buwan ay tumatawag ang binata pero sa lahat ng pagkakataong iyon ay tinanggihan niyang kausapin ito. At nalaman niya na hindi si Matt ang tipo na manunuyo nang matagal.
“Allie!” tawag ni Reina. “Mabuti na lang at inabutan kita dito.”
“Tamang-tama lang ang dating mo. Pero sino ang nagsabi sa iyo na dito mo ako makikita?” Medyo malayo ang medical school ni Reina sa unibersidad kung saan nagtapos si Allie. Inaayos na lamang niya ang kanyang academic records kaya siya naroon.
“Kausap ko si Zoe kanina,” tukoy nito sa best friend niya. “May date siya kaya hindi na niya ako nasamahan hanggang dito,” anito habang papalabas sila ng registrar building.
“Mahaba kasi ang pila dito sa registrar kaya medyo natagalan ako. Tatawagan naman talaga kita. Ano ba iyong ibabalita mo at hindi mo na lang sinabi sa phone?”
“Gusto ko kasing nasa tabi mo ako kapag narinig mo ang balita.”
“May problema ba?”
“Allie… kasi, iyong ospital kung saan ako intern…” Matagal bago ito nagpatuloy.
“Nabanggit mo na sa akin na doon ang bagong clinic ni Dr. Harris. Sinagot mo na ba siya? Iyon ba ang ibabalita mo?”
“Hindi, ano!” Biglang-bigla ay nag-iba ang mood nito. “Nasa ospital si Matt—sa orthopedic unit. Si Harris ang attending doctor niya kayak o nalaman.”
“Si Matt…” Nalungkot na bigla ang dalaga at naupo sa bench sa ilalim ng punong tinigilan nila.
“O, nawala ka na naman sa sarili mo. Parati kang ganyan simula nang umalis si Matt. Ngayon nandito na siya. Hindi mo ba siya pupuntahan?” All Reina could see was Allie's bent head.
“Reina, mabuti pa siguro ay mauna ka na. May duty ka ngayon sa hospital, hindi ba? Kailangan ko pa kasing makausap iyong dati kong mentor sa Korean. Maiwan na kita.” Hindi nagawang makahirit pa ni Reina. Sa kauna-unahang pagkakataon, naubusan ito ng sasabihin.
Tuwing araw ng Biyernes ay nagsasama-sama silang magkakaibigan sa Amy's, isang coffee shop. Naging kaibigan na nila si Amy, ang apo ng may-ari niyon. Dati-rati ay si Allie ang laging nauuna sa lugar. Si Lily ay masuwerte nang makasama nila dalawang beses sa isang buwan, kapag lumuluwas ito. Pero hindi darating si Lily ngayon. Nagpasya itong umuwi sa mga magulang at ipagpatuloy ang pag-aaral. Huling balita nila ay nagbukas ito ng flower shop.
“Sinabi mo kay Allie na narito na si Matt?” ulit ni Mina, pinsang buo ni Allie. Umuwi ito para magbakasyon.
“Paano, ayokong nakikita siyang malungkot.” Hindi makatingin si Reina. Ito ang tipo na ayaw ipahalata ang pagmamalasakit sa ibang tao, kahit sa kaibigan nito.
“Bigla yatang nagbago ang ihip ng hangin?” tudyo ni Mina. “Hindi ba't dati kang may gusto kay Matt?” patuloy nito bagaman walang bahid ng pang-uuyam sa tinig.
“Alam ko namang wala akong pag-asa sa kanya. Isa pa, walang thrill. Ni hindi man lang nagseselos sa akin si Allie kahit hantarang inaakit ko si Matt.” Reina rolled her eyeballs.
“Hindi ka naman kasi kompetisyon,” pang-aasar ni Mina.
“Ano'ng ibig mong sabihin?” pikong sagot ni Reina. Tiningnan nito nang masama si Mina.
Napabuntong-hininga si Amy habang pinapanood ang dalawa. “Hindi kaya si Tanya ang dahilan kaya nagkahiwalay sila?” tanong nito.
“Kung si Gema pa ang binanggit mo ay maniniwala ako, dahil kahit halatang-halata ang pagkakagusto ng dalawang iyon kay Matt, mas matagal ang pinagsamahan nina—”
BINABASA MO ANG
Ikaw Lang
RomanceMinsan, kailangan mong maranasan ang malungkot para ma-appreciate mo iyong mga oras na masaya ka.