Chapter Three
Bantulot na iminulat ni Allie ang mga mata nang maramdaman niyang may umupo sa kanyang kama. Ngumiti siya nang mapagsino iyon: si Aila. Kasalukuyan namang isinasara ni Ara ang pinto sa kanyang silid.
“Allie, iba-brush ko ang hair mo para maayos na.” Kinuha ni Ara ang brush sa kanyang tokador at umupo na rin sa kama. Pumuwesto ito sa bandang likuran niya samantalang kaharap naman niya si Aila.
“Meron ba tayong gagawin nang ganito kaaga?” Karaniwan nang ganoon ang ikinikilos ng mga bata kapag may hihilingin sa kanya.
“Hindi ba ipagbe-bake natin ng cake si Kuya Andrew?” sagot ni Ara.
Bakit nga ba niya nakalimutan iyon. Pagkatapos ng matagal na panahon na parang ritwal na ipinagdiriwang nila ang kaarawan ng binata ay bakit hindi niya ito naalala ngayon? May kinalaman kaya ito sa pagkakakilala niya sa guwapong binata na may supladong mga mata?
Isang taon na siimula nang makilala niya si Matt. Paano ba niya makakalimutan gayong nagbibigay ito ng bulaklak at regalo tuwing ikawalo ng bawat buwan.
“Ginising n'yo rin ba si Tita Zoe n'yo?” Pinilit niyang ibalik ang atensyon sa dalawang pamangkin.
“Kasama siya ni Mommy, nasa garden sila,” tugon ni Aila.
Kamag-anak ni Allie ang magkapatid sa partido ng kanyang mama pero mga apo sa tuhod ang turing sa mga ito ng kanyang lolo. Halos sa Reales Estate na rin nakatira ang mga ito dahil malapit doon ang school na pinapasukan ng dalawa. Madalas na nasa ibang bansa ang magulang ng mga ito.
Nakangiting napasatsat si Zoe nang mabungaran silang tatlo sa kusina. Kung hindi ito nagkakamali ay harina ang maputing pulbos na nasa ulo ng batang si Aila.
“Allie, mukhang abalang-abala kayo, ah?”
“Hay, Zoe, mabuti at nandito ka na. Tulungan mo kaming gumawa ng cake.” Sinenyasan niya ang kaibigan na alalahanin kung ano ang okasyon.
“May magagawa pa ba ako?” pabirong sagot ni Zoe. “Para ba ito kay Andrew?” baling nito kay Aila na kiming sumagot ng oo. “Baka magselos si Kuya Matt niyan…”
Namula siya pagkarinig sa pangalan ng binata. Pinigil ni Zoe ang mapatawa.
“Galing naman ito sa akin. At saka, si Kuya Matt naman ang love ni Allie,” ani Aila na ikinaangat ng kilay ni Zoe.
“Huwag n'yo nga akong pagtulungan. Puwede ba, Zoe, napakabata pa ng dalawang iyan. Huwag mo silang patulan!”
“Paano mo naman nalaman na si Matt ang love ni Allie?” ani Zoe, hindi pansin ang pananaway niya.
“Tinanong kasi namin si Kuya Matt kung love siya ni Allie.” Lumapit sa mesa ang batang si Ara.
“Ano'ng sabi niya?”
“Sinabi niya na itanong daw namin kay Allie,” ani Aila.
“Kailangan pa ba iyon. Siyempre, oo ang sagot d'un,” si Zoe ulit. “Tinanong n'yo naman ba si Matt kung mahal niya si Allie?”
“Zoe!” reklamo niya.
“Siyempre din.”
“Ano naman ang sagot niya?” Kunwa'y hindi nito pansin ang uneasiness ni Allie.
“Alam na raw ni Allie iyon,” sagot ni Ara. “Mahal mo rin siya, Allie, hindi ba?”
“Oo sabi,” ani Zoe.
“Zoe!” muling reklamo ni Allie.
“H'wag nang mag-deny. Halatang-halata naman.” Kinuha nito ang isang apron at inumpisahan ang pagtulong sa kanila. “Palagay ko'y malaking tulong sa iyo ang mga anghel na ito.”
BINABASA MO ANG
Ikaw Lang
RomanceMinsan, kailangan mong maranasan ang malungkot para ma-appreciate mo iyong mga oras na masaya ka.