CHAPTER TWO
MASUSING pinagmamasdan ni Beethoven ang babaeng nakikipag-usap sa cell phone. Katamtaman lang ang ganda ng babae pero nag-uumapaw ang sex appeal. Base sa mga kilos nito ay parang hindi ito aware doon. Hindi niya masisisi ang kuya niya kung bakit pinag-aaksayahan ng panahon ang babae na palagyan ng bugging device ang bahay nito. She was quite hot.
“In a few minutes, darating dito ang mga pulis,” sabi nito pagkatapos makipag-usap sa cell phone. “Sa kanila mo sabihin ang magandang alibi mo sa pagpasok mo rito nang walang pahintulot. Tingnan ko lang kung maniwala sila sa iyo.”
Kampanteng nginitian niya ang babae habang maingat na kinakapa ang pagkakabuhol ng tali sa mga kamay niya. “To tell you frankly, mas interesado ako sa ibibigay mo sa akin kaysa sa pagdakip sa akin ng mga pulis.”
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. Tumaas din ang maumbok na dibdib nito sa aktong iyon. He tried to avert his eyes from temptation. Sa loob ng limang taong pagkupkop sa kanya ng Kuya Norman niya ay naging generous ito sa pagbibigay; kasama na roon ang luho sa buhay tulad ng mga babae. Sugal at ipinagbabawal na gamot lang ang mga bisyong ipinagbawal sa kanya ng half brother niya. Pero kailanman ay hindi siya umabuso. Hindi lahat ng mga babaeng lumalapit sa kanya na game sa sex ay pinatulan niya. Alam niya ang limitasyon. Marunong din siyang rumespeto sa mga babae.
“Sa lagay palang 'yon, umaasa ka na may ibibigay pa ako sa iyo?” Humalukipkip ito at ngumisi na parang nakakaloko.
Oh, how he wanted to kiss her delectable lips, feel those tempting, and equally delectable twin orbs.
“Magpasalamat ka, mabait ako. Nakatali ka na kaya hindi ko na kailangang dagdagan ang left kick na natanggap mo kanina.”
Buong lakas na bumangon siya mula sa pagkakahiga sa sahig. Iniitsa niya sa isang tabi ang nakalag nang skipping rope na ipinantali nito sa kanya. Pagkatapos ay mabilis siyang lumabas ng pinto ng veranda na pinasukan niya kanina.
“Hoy! Walanghiya!”
Hindi niya pinansin ang pagtatalak ng babae. Nakasampa na siya sa pasamano ng veranda nang mahablot nito ang kuwelyo ng jacket niya. Nasundan pala agad siya nito. Nawalan siya ng balanse. At sa pagsisikap na makontrol ang kilos niya ay nahawakan naman niya ang roba nito.
NAHINDIK si Grace nang maramdaman niyang dumampi sa katawan niya ang malamig na hangin. Nang tingnan niya ang sarili ay nakalag na ang tali ng robang suot niya at malapit na iyong malalaglag sa kanyang paanan. Shucks! Nakabuyangyang na ang katawan niya! Napilitan siyang bitiwan ang kuwelyo ng intruder para apuhapin ang roba niya. Mabilisan niyang isinuot uli iyon at itinali. Pagtingin niya sa lalaki ay dilat na dilat ito na parang hindi makapaniwala.
“Amazing! Iniisip ko pa lang kung gaano ka-tempting ang slight seduction na ibinibigay mo sa akin, suddenly, mas naging daring ka pa.” Pumalatak ito. “Sayang talaga. I hate to do a Cinderella stunt but—”
“Aba’t ang hudyong ito—” Hindi na niya nagawang hawakan uli ang lalaki. Nagpadausdos na ito sa barandilya hanggang sa makatalon ito sa lupa.
“Bye, Miss Sexy. I hope to see you again sometime.” Kumaway pa ito bago umakyat sa bakod at tumalon pakabila.
Nagpupuyos siya sa galit nang mawala na ito sa dilim. Noon niya narinig ang sirena ng paparating na police car. Pumasok siya sa silid upang magbihis ng damit. Hindi dapat niya sisihin ang mga pulis kahit mas madalas na laging huli ang mga ito sa crime scene. Siya ang may kasalanan sa pagkakataong iyon.
MINASA-MASAHE ni Beethoven ang batok niyang k-in-arate ng babae. Masakit pa rin iyon. Halos mawalan siya ng ulirat sa mag-asawang asulto nito sa kanya. Kaya nga nagkunwari na lang siyang nawalan ng ulirat para hindi na nito dagdagan ang pananakit na natamo niya.
