CHAPTER ONE
Five years later
“SIGURADO ka ba talaga na kaya mong mag-isa rito, ha, Grace?” tanong ng kaibigan niya na si Mariz.
Tiningnan niya ito. Pangatlong beses na nitong itinanong sa kanya iyon. Alas-kuwatro na ay hindi pa rin ito umaalis ng bahay gayong sa Makati pa ito magtutungo. May biglaang social engagement daw ito kaya pansamantala nitong pinutol ang pagbabakasyon sa bagong biling rest house sa bahaging iyon ng Antipolo.
“Oo naman. Hindi mo ako katulad na duwag mapag-isa at takot sa dilim.” Nginisihan pa niya ito. “Saka nariyan ang kotse ko. If ever na magka-emergency, madali lang akong makakaalis dito.”
Napaungol si Mariz. Kinuha na nito ang handbag at lumapit na sa pinto. “I hate to do this to you, friend. Kung bakit kasi may maaarteng katulong?” Nilayasan ito ng bagong kasambahay. Natakot yata ang pobre dahil dalawa lang ito at si Mariz na naiiwan sa rest house. May malalapit mang bahay ay madalas na wala ring tao sa mga iyon. Kaya siya ang kinaray ng kaibigan para may makasama ito roon.
“Don’t worry, may pinsan iyong maid namin na puwede raw pumasok na katulong sa iyo. Nag-text na ako sa kanya kanina na papuntahin sa bahay bukas para makilatis mo.”
“Sana naman pumayag. At sana, this time, magtagal na rito.” Pasakay na ito sa kotse nang magsalita uli. “Tatawag ako sa iyo mamaya kapag pauwi na ako.”
“Okay, ingat.”
Nang wala na ito ay sinimulan na niyang gawin ang baon niyang trabaho. Freelance accountant siya. Hindi pa siya nag-a-apply sa isang kompanya mula nang makapasa siya sa board ilang buwan na ang nakararaan. Nag-e-enjoy pa kasi siya na walang nagdidikta ng oras ng trabaho niya. Pagkatapos niyang isubsob ang ulo sa pag-aaral nang apat at kalahating taon ay gusto muna niyang mag-relax. Kamakailan lang ay limang araw silang nag-tour sa norte ng Palawan kasama ang iba pa nilang mga kaibigan ni Mariz. Hindi niya magagawa iyon kung empleyada na siya ng isang kompanya.
Nakaramdam siya ng gutom sa kalagitnaan ng ginagawa. Alas-diyes na pala ng gabi ayon sa alarm clock na nasa tabi ng kama. Nalibang siya sa ginagawa kaya nakalimutan na niyang maghapunan. Tumayo siya at nag-inat. Sandwich at gatas na lang ang kakainin niya. Tinatamad na siyang iinit ang ulam at tiyak na malamig na ang sinaing niya kanina.
Kumakain na siya sa kusina nang tumawag si Mariz. Hindi na raw ito makakauwi. Medyo nalasing daw ito at doon na lang magpapalipas ng gabi sa bahay ng mga magulang nito sa Makati.
Talaga nga palang mag-iisa lang siya sa gabing iyon.
Hinuhugasan na niya ang pinag-inuman niya ng gatas nang makarinig siya ng mahinang tunog. Muli niyang ch-in-eck ang mga pinto at bintana sa sala at back door. Nakasara at intact ang mga iyon kaya bumalik na siya sa inookupang silid at mabilisan na siyang nag-shower. Balak niyang balikan ang ginagawa niya ngayong na-refresh na siya.
TAPOS nang mag-shower si Grace nang maalala na hindi siya nakapagbitbit sa banyo ng fresh undies niya. Ibinalot niya ang sarili sa terry cloth robe bago lumabas ng banyo. Muntik nang lumuwa ang mga mata niya sa nakita pagsungaw pa lang niya sa silid. Isang lalaki ang nakaluhod sa paanan ng side table at may kung anong kinakalikot sa ilalim niyon!
Madilim at bahagyang liwanag lang ang nanggagaling sa table lamp na nasa desk. Naka-all black na damit ang lalaki kaya ang malaking bulto lang nito ang malinaw sa kanya. Parang nanlaki ang ulo niya sa takot. You have to do something, Grace! utos niya sa sarili sa kabila ng nerbiyos na nararamdaman.
Kung tatakbo siya palabas ay baka makaalis ang lalaki at matangay ang kung anong pakay nito. Kung mag-iingay siya, baka naman mapahamak siya at saktan nito.