7. Serendipity

5.5K 140 9
                                    

CHAPTER SIX

DISMAYADO si Grace nang ma-flat tire siya. Kung kailan pa naman nagmamadali siya dahil isa-submit na niya ang librong ipinagawa sa kanya ng Washerman Trading. Nang nagdaang araw pa dapat naisumite iyon kung hindi lang siya naabala sa pakikipagkita kay Beethoven Mondragon. Ang totoo, nang mga nagdaang araw ay madalas masira ang konsentrasyon niya sa pagtatrabaho.

Kasalanan ng lalaking iyon. Hay, bakit kasi singit na lang siya nang singit lagi sa isip ko?

Mula nang magkausap sila nang harapan ni Beethoven ay naging ganoon na siya. Hindi lang niya laging naiisip ito, nangungulila rin siya rito.

Nakakatawang isipin dahil wala silang relasyon para makaramdam siya ng ganoon para dito. Ginayuma ba siya nito sa pamamagitan ng mga text message? Kung naramdaman niyang mahal niya si Ed sa pamamagitan lang ng mga palitan nila ng e-mails at pakikipag-chat, pagmamahal din ba ang tawag sa feelings niya kay Beethoven?

Naguguluhan na talaga siya. Imposibleng sabay na mahalin niya ang dalawang tao. Pero iyon ang dilemma niya. Napailing-iling siya. Enough of Ovi. Kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang  na-flat na gulong ng kotse niya.  Bumaba siya ng kotse niya at pinasadahan niya ng tingin ang sarili. Naka-corporate attire siya. Maigsi ang pencil-cut na palda. Tiyak na kapag umupo o dumukwang siya ay makikitaan siya.

Dapat kasi sinunod niya ang kanyang papa. Noong isang buwan pa nito pinapapalitan sa kanya ang mga gulong ng sasakyan niya, pero hindi niya maharap dahil sa sobrang kaabalahan.

Muntik na siyang mapatalon sa pagkagulat nang luminga-linga siya at makita si Beethoven. Ilang hakbang na lang ang layo nito sa kanya. Nasulyapan niya sa shoulder ng kalsada ang Montero Sport nito.

He was impeccably dressed in his cream-colored long-sleeves, silk tie, and a pair of black slacks. Parang rarampa ito sa catwalk. Umaabot sa ilong niya ang preskong bango ng cologne nito. Higit sa lahat, umaapaw at naghuhumiyaw ang kaguwapuhan nito. Kaya ang garutay na puso niya ay panay na naman ang paglilikot.

“Hi, Grace. 'Need help?”

“Kaya ko na ito,” aniya kahit mas gusto niyang magpatulong sana rito. Dangan nga lang at hindi rin bagay rito na magpalit ng gulong dahil sa bihis nito.

Inalis nito ang pagkakabutones ng mga manggas ng long-sleeves nito at saka nito inirolyo ang mga iyon hanggang sa itaas ng mga siko nito. “Pakibukas ng trunk mo para makuha ko ang spare tire.”

“Sabi ko naman sa iyo, kaya ko na 'to.” Pride niya ang nagsasalita sa pagkakataong iyon.

Sa halip na umimik ay nagpauna na ito sa likuran ng kotse niya. Nang mabuksan niya ang trunk ay kinuha agad nito ang spare tire. Siya na ang nag-abot dito ng jack at tire wrench. Tahimik lang ito habang nagpapalit ng gulong niya. Tahimik din siya. Hindi niya alam kung anong paksa ang bubuksan. Alam niyang nasaktan niya ito noong huling pag-uusap nila. Natatakot siyang masaktan na naman niya ito kung hindi siya mag-iingat sa sasabihin. Nang matapos ito sa ginagawa ay inabutan niya ito ng wet tissue.

“Thank you,” sabi nito.

“Narumihan na ang damit mo, puti pa naman.”

Ngumiti ito. “Nag-aalala ka ba na baka mahirapang paputiin uli ito ng labandera?”

“Puro ka biro. Papasok ka sa office nang marumi ang damit mo.” Kumuha uli siya ng wet tissue at siya na ang nagkuskos sa narumihang bahagi ng siko nito. Tahimik lang ito habang ginagawa niya iyon. Daig pa nito ang masunuring bata na walang kakilos-kilos. Nang tingalain niya ito ay nakatitig ito sa kanya. Nag-iwas agad siya ng tingin. “O, hayan, wala nang dumi. Pasensiya ka na. Salamat sa tulong mo.”

Hot Intruder, The Gorgeous TrespasserTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon