CHAPTER EIGHT
“AKINA ang cell phone mo,” sabi ni Grace sa nakangiting si Beethoven. Hawak nito ang braso niyang ikinawit pa sa braso nito. Nalalanghap niya ang kaaya-ayang amoy ng cologne nito na nakakasanayan na niya. Kaya nga kapag nag-iisa na siya sa kanila, hinahanap-hanap pa rin niya ang samyo na iyon na dito lang niya naiuugnay.
Sa palagay niya ay malapit nang mapuno ang memory ng cell phone niya sa dami ng kuha nilang dalawa. Ito naman ay walang kapaguran sa pagpo-pose. Hiniram kasi ni Chang ang digital camera niya kaya ngayong lumabas sila ni Beethoven ay nagtiyaga na lang siya sa cell phone camera.
Nang makuha niya ang passport ay agad na siyang nagpa-schedule ng interview sa US Embassy para sa pagkuha niya ng visa. She was scheduled for an interview in two weeks. Hindi niya inaasahang makakapasa siya sa interview dahil hindi siya confident sa mga supporting document na dala-dala niya. Pero kahit isang dokumento ay hindi na tiningnan ng consul. At nang sabihin nito na ina-approve ang kanyang visa ay hindi niya alam kung matutuwa ba siya o malulungkot. Nang ibalita niya iyon kay Ed ay tuwang-tuwa ito at agad siyang ibinili ng ticket.
Sa susunod na araw ay paalis na siya kaya nag-usap sila ni Beethoven na lumabas. Nakahanda naman na ang bagahe niya. Maghapon silang namasyal. Lahat ng magagandang lugar sa pusod ng Maynila ay ginalugad nila. Hanggang sa makarating sila sa musical fountain sa harap ng Cultural Center of the Philippines. The place was magical. Kaya nga lahat ng magagandang anggulo nila roon ay sinikap niyang makunan ng pictures.
“Bakit?” tanong nito.
“Kasi naman, dito lang sa cell phone ko tayo may pictures. Dapat sa cell phone mo rin. Wala akong souvenir na maiiwan sa iyo. Saka sa pagkakatanda ko, kahit minsan hindi mo ako kinunan ng pictures sa cell phone mo.”
Napawi ang masayang ngiti nito at napalitan ng lungkot. “Sinadya ko talaga iyon.”
Gusto niyang magtampo sa sinabi nito. “Bakit? Dahil ayaw mong makita ng girlfriend mo na may picture ng ibang babae sa cell phone mo?” Nang mga sandaling iyon lang niya naisip na baka may girlfriend ito. Kahit minsan ay hindi nila napag-usapan ang tungkol doon.
“Bago mo ako nakilala, wala akong girlfriend. At ang girlfriend ko ngayon ay hindi ko matatawag na akin. Alam mong nakiki-girlfriend lang ako. Nakiki-girlfriend ako sa fiancée ng iba.”
Daig pa niya ang sinampal sa katotohanang iyon. Ikakasal na siya pero hayun at nakikipag-date siya sa isang lalaking ang pakiramdam niya ay mas nobyo niya pa kaysa sa tunay na nobyo niya.
“Sinadya kong hindi ka kunan ng pictures dahil pag-alis mo, ayokong makakita ng kahit anong bagay na magpapaalala sa akin ng tungkol sa iyo.”
Napaangat ang baba niya. “Ganyan ka pala. Kapag hindi mo na nakita ang babaeng idine-date mo, kalilimutan mo na agad siya at ang lahat ng tungkol sa kanya.”
Namilog ang mga mata nito. He was incredulous. “Babaeng idine-date? Grace, kahit minsan hindi kita ibinaba sa lebel ng isang babaeng idine-date ko lang. Unang kita ko pa lang sa iyo, inisip ko na agad na ikaw ang future girlfriend ko. And I want to think that you would’ve been my future wife if not for your Ed.”
“He’s not my Ed!” naiinis na sabi niya. Ilang ulit na nitong sinasabi sa kanya ang mga salitang iyon.
“But he is. Siya ang pakakasalan mo.” Bumuntong-hininga ito. Hinawakan nito ang kamay niya at inilapat nito iyon sa dibdib nito. “I’m sorry… Ayokong magtalo tayo. Hindi ganito ang gusto kong mangyari sa last moment na… Grace, ayoko lang mahirapan nang sobra-sobra kapag wala ka na. Dahil baka kapag hindi ko na makaya, kahit maling gawin, baka bigla kitang sundan sa New York at agawin sa Ed na iyon. I know we both don’t want that to happen.”