4. Way Of Fate

6.4K 152 5
                                    

CHAPTER THREE

“NAKITA mo na si Sonny?” tanong agad ni Grace sa kapatid na si Chang pagpasok pa lang niya sa gate ng bahay nila. Nang araw na iyon ide-deliver ang passport niya. Nagbayad siya ng one thousand two hundred para sa expedite processing para sa loob lang ng sampung araw ay maipadala na sa kanya ang passport. Kaya nga nag-half day na lang siya sa trabaho para madatnan siya sa kanila ng courier na magdadala niyon.

“Wala pa siya,” sagot ng kapatid niya. “Bakit, may usapan ba kayo na pupunta siya rito ngayon?”

“Nag-text kasi ako sa kanya na kapag umuwi siya, dumaan dito. Itatanong ko lang kung anong oras dadating ang magdadala ng passport ko.”

“Sana kasi, hindi mo na lang ipina-deliver at ikaw na lang ang kumuha sa DFA,” sabi nito habang abala sa pagkalikot ng tainga gamit ang cotton bud. Bata pa ito ay hilig nang kalikutin ang tainga, kuko, alak-alakan, at butas ng ilong nito.

“Paano ko gagawin iyon, eh, may pasok ako?” May short stint siya sa isang maliit na firm. Malamang na sa isang linggo pa matatapos ang trabaho niya roon.

Kailangan niyang dagdagan ang ipon. Kahit nangako si Ed na ito ang bibili ng ticket patungo sa New York kapag naayos na niya ang kanyang mga papeles ay gusto pa rin niya na may sarili siyang pera. Ninety-nine percent sure siya na magiging maayos ang buhay niya sa piling nito. Ang iniipon niyang pera ay para sa remote one percent possibility na magkaaberya ang balak nilang pagpapakasal nito.

Naghubad siya ng sapatos at nagpalit ng damit-pambahay. Pagkatapos ay lumabas uli siya ng bahay. Ilang minuto siyang naghintay sa terrace nila pero nangalay na ang leeg niya sa kakatanaw sa labas ng gate ay wala pa ring taong lumalapit doon. Nagpasya siyang magtungo sa bahay ng mag-asawang Sonny at Elmie. Pinsan at kababata niya si Sonny. Kapatid ito ni Kuya Mark at nagtatrabaho ito sa forwarder na maghahatid ng passport niya.

Si Elmie ang nagbukas ng pinto sa kanya. Ayon dito ay wala pa raw si Sonny pero parating na raw iyon. True enough, hindi pa siya nakakaupo sa sofa ay dumating na ang pinsan niya.

“O, Grace, napasyal ka?” tanong nito nang makita siya. “Dumating na ba 'yong passport mo?”

“Hindi pa nga, eh. Kaya nga ako nandito. Normally ba gaano katagal makarating sa recipient kapag dumating sa inyo iyong item?” Itinaboy niya ng kamay ang usok na nagmumula sa sigarilyong hawak nito. Bawal manigarilyo sa pinapasukan nito kaya pag-uwi sa bahay ay saka ito naninigarilyo.

Iniiwas nito sa kanya ang sigarilyo. “Mabilis lang. Kung dumating sa amin ngayong araw, siguradong kinabukasan lang naroon na sa recipient. Anong date ba ang dapat na release n’ong sa 'yo?”

“Ngayon sana.”

“Apurado ka naman. Darating din 'yon.” Bigla itong kumambiyo. “Eh, pinsan, kapag nakaalis ka, huwag mong kalilimutan ang size ng sapatos ko. Nuwebe ako at green ang favorite color ko,” hirit nito.

Natawa si Elmie. “Naku, huwag mong seryosuhin ang isang 'yan. Tambak ang mga rubber shoes na ibinigay diyan ni Kuya Mark.”

Nagkuwentuhan pa sila bago siya nagpasyang magpaalam. Noon naman dumating si Kuya Mark. Nakainom ito. Nagkaroon daw ng get-together ang barkada nito noong college na ginanap sa isang bahay sa Forbes Park. Pagkalipas ng isang oras ay dumating na ang pinakahihintay niya. Nakadama na siya ng relief.. Pero nang tingnan niya ang passport ay ibang pangalan at litrato ang naroon. Guwapo ang mukha ng lalaki sa litrato pero hindi niya pinagtuunan ng pansin. Bagkus ay nagreklamo agad siya.

“Naku, Ma’am, sorry po,” hinging-paumanhin ng courier. Maski ito ay nagulat na ibang passport ang napunta sa kanya. “Ngayon lang nangyari ang error na ito. Pasensiya na po kayo. Ire-record ko na lang sa report ko ang tungkol dito. Ibabalik ko na lang po muna ang passport na 'yan sa office namin at ite-trace po namin kung kanino napunta ang passport ninyo. Malamang po ay napunta iyon sa taong nasa passport na hawak ninyo.”

Hot Intruder, The Gorgeous TrespasserTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon