CHAPTER TENPALAPIT pa lang si Beethoven sa tarangkahan nila ay nakita na niyang nag-aabang sa ibaba ng bahay ang kanyang ina. Sinalubong siya nito sa gate na pantao.
“Tumawag ang Kuya Norman mo. Ang sabi niya, mag-return call ka raw agad sa kanya kapag dumating ka.”
“Bakit daw po?”
“Hindi naman sinabi. Basta ang bilin niya sa akin, importante raw na tumawag ka agad sa kanya.”
Nahagod niya ang kanyang batok. Sana lang ay hindi makikiusap ang kuya niya na bumalik siya sa Maynila. Hindi sa ayaw niyang balikan ang buhay at trabahong iniwan niya roon. Ayaw lang niyang magkaroon ng pagkakataon na makita niya ito na kasama si Grace. Baka hindi niya makaya ang selos na mararamdaman niya at makagawa siya ng isang bagay na pagsisisihan niya. Subalit hindi napagbigyan ang hiling niya. Dahil iyon mismo ang pakiusap ng kuya niya nang tawagan niya ito.
“Ovi, kailangan mong bumalik dito as soon as possible. Kailangan mo nang kunin ang bugging device sa rest house ni Mariz bago pa niya malaman na naroon iyon.”
“Kuya, bakit naman biglang-bigla kang nag-alala kung malaman man ni Mariz na naglagay tayo ng bugging device sa rest house niya? Unang-una, maliit lang naman iyon. Hindi maiisip ng makakakita niyon na bugging device iyon. Not unless na sabihin mo.”
“Basta kunin mo na. Hindi ako mapapalagay na nandoon pa iyon, kahit hindi ko gaanong napapakinabangan iyon. Kasi maling kuwarto ang napagtaniman mo ng bugging device. Baka kapag nalaman pa iyon ni Mariz, lalong masira ang chance ko sa kanya.”
Hindi agad siya nakaimik. Daig pa niya ang sinabuyan ng isang drum na tubig. Tama ba ang dinig niya? “Teka lang, Kuya. Si Mariz nga ba ang inaalala mo na baka masira ang chance mo sa kanya?”
“Oo, siya nga. Sino pa ba sa akala mo?”
“Si Mariz talaga? Hindi si Grace?” ulit niya.
“Si Mariz nga!” paniniyak nito. “Siya ang owner ng rest house, 'di ba? Alangan namang si Grace, eh, paminsan-minsan lang siya napupunta roon. Si Mariz talaga ang madalas doon. Ang hirap-hirap makalapit sa babaeng iyon. Baka kapag nalaman niyang nagpalagay ako ng bugging device sa bahay niya, lalo siyang maging mailap sa akin.”
Napangiti siya nang maluwang. Kung hindi lang baka magulat ito at ang nanay niya ay baka sumigaw pa siya nang malakas. Lahat pala ng paghihirap niya, lahat ng inaalala niya ay para lang sa wala. Dahil hindi naman pala si Grace ang mahal nito kundi si Mariz! Maling-mali pala ang akala niya.
Ang laki niyang tanga.
HATINGGABI na nang maingat na umakyat si Beethoven sa rest house. Hindi gaya noong unang pumasok siya roon, ngayon ay sa back door siya dumaan. Mas madaling idistrungka ang seradura niyon kaysa sa front door. Natitiyak niyang napalitan na ng bago at mas matibay na lock ang pinto sa veranda ng silid na pinaglagyan niya ng bugging device.
Mukhang umaayon sa kanya ang pagkakataon dahil nang makaakyat siya sa ikalawang palapag ay hindi naka-lock ang pinto ng silid na pinagtaniman niya ng bugging device. Napakagat-labi siya nang mabuksan na ang pinto ng silid dahil may natutulog sa kamang naroon. Nakikita niya ang mahimbing na si Grace mula sa kakaunting liwanag na nagmumula sa LED night-light.
Naalala niya ang mga kabalbalang pinagsasbn nang puntahan siya nito sa Isabela. Nasaktan niya si Grace. Iyon lang kasi ang tanging paraan para layuan siya nito. Pero hindi naman pala niya kailangang gawin iyon. Hindi pala ito ang babaeng minamahal ng kuya niya.
He needed more than a miracle to get her to speak to him again. Pero pagkatapos ng gabing iyon ay gagawin niya ang lahat para lang mabura ang sama ng loob nito sa kanya. Hihingi siya ng tawad dito. Liligawan uli niya ito hanggang sa mahalin uli siya.