CHAPTER SEVENNAMAMANGHANG pinanood ni Grace ang bahagyang pagyuko ni Beethoven bago nito dinampian ng halik ang likod ng palad niya. Matinding kilabot ang inihatid niyon sa buong katawan niya. Hindi siya makapaniwala na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon ang ganoon kalalim na kaligayahan. Tatlong oras silang nanatili sa Blue Whale Restaurant, apatnapung minuto naman sa talyer na gagawa ng kotse niya, at wala pang dalawampung minuto ay naroon na sila sa tapat ng kanilang bahay.
Iilang oras lang silang magkasama nito. Pero pakiramdam niya, marami nang nangyari sa loob ng iilang oras na iyon. Nalaman niya kung gaano kasimple ang mga pangarap nito sa buhay. Laking probinsiya pala ito at ang karamihan sa mga pinahahalagahan nito sa buhay ay katulad din ng mga pinahahalagahan niya. Nalaman din niya na nasa Isabela ang ina nito. Sana raw, sa loob ng natitirang araw na hindi pa siya umaalis ay maisama siya nito roon.
“Thank you so much, Grace.”
“Bakit ba nagpapasalamat ka sa akin? Kung may dapat mang magpasalamat sa ating dalawa, ako 'yon. Ang dami mo kayang tulong na nagawa sa akin sa loob lang ng araw na ito.”
“Ginawa mong espesyal ang araw na ito para sa akin. Iyon ang ipinagpapasalamat ko. I’m very happy today. Thanks to you. Matagal ko nang hindi nararamdaman ang ganitong saya.”
Nakita niya ang sinseridad sa mga mata nito habang sinasabi iyon. Kung mayroon mang nabago sa kanya sa loob ng iilang oras na magkasama sila, iyon ay ang hindi na pag-iwas sa mga titig nito.
“Can I see you again tomorrow?”
Mahirap yatang hindian kung nakikiusap pati ang mga mata nito. “Okay.”
Sukat doon ay bigla siyang niyapos nito. “Thank you,” pabulong na sabi nito. “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi ko ma-express sa mga salita ang lahat ng gusto kong sabihin sa iyo… Pero hindi ibig sabihin niyon na hindi mo nagawang bigyan ako ng inspirasyon para maisip ang lahat ng magagandang salita. You’re worth a thousand words, Grace. All of them eloquent and sweet sounding and moving.”
Haplos sa puso niya ang mga salitang nakapaloob sa bulong nito. Daig pa niya ang nakatuntong sa ituktok ng pinakamataas na bundok. Emotions rushed through her heart, spreading towards every fiber of her body. “Hindi ka ba natatakot?” tanong niya rito nang magkalas sila.
Malungkot ang ngiti na lumitaw sa mga labi nito. “Tao lang ako para hindi matakot. Ayoko nga lang isipin. I know and I can feel that in your heart of hearts, you don’t really want to go. Alam ko rin na walang makakapigil sa iyo, kahit ako pa, na ituloy ang pag-alis mo.”
Hindi niya magawang iiwas ang tingin dahil iyon naman ang totoo. Masaktan man sila pareho, kailangan niyang ituloy ang plano niyang pagpapakasal kay Ed. Nang bumaba si Beethoven ng sasakyan para ipagbukas siya ng pinto, napansin niya na papalubog na ang araw. Napakaganda ng kulay na isinasabog niyon mula sa kanluran. At nang ipagbukas siya nito ng pinto, nakatalikod ito sa araw kaya may sinag na nakapalibot dito. It made him look somewhat ethereal.
Bumaba na siya pero hindi ito humakbang palayo. Malapit na malapit ito sa kanya. “Bye, Grace,” sabi nito bago siya dinampian ng halik sa pagitan ng mga mata. Marahang-marahan lang iyon na parang natatakot itong umiwas siya. “But only for now.”
NAPANSIN ni Grace na ngiting-ngiti si Chang nang salubungin siya nito sa front steps. Sa palagay niya nakita nito na inihatid siya ni Beethoven. Pero nakapasok na sila sa kabahayan ay hindi pa rin ito nagsasalita. Parehong nakatago ang mga kamay nito sa likod. Kinunutan niya ito ng noo.
“Ano ba’ng inginingiti-ngiti mo diyan? Baka mahipan ka ng hangin, hindi na matanggal 'yan pati sa pagtulog mo.”
“Kung alam mo lang na may hawak akong ebidensiya ng pagtataksil mo kay Ed Sanders.”