1. Prologue: Beethoven

19.1K 262 14
                                    

PROLOGUE

NAMANGHA si Beethoven habang nakatingin sa repleksiyon niya sa salamin. Napakinis at napapusyaw ng skin care clinic ang dating mataghiyawat at sunog sa araw na kutis niya. Nagkaroon din ng direksiyon ang dating suwail at kulot na buhok niya na sandali lang inayos ng hairdresser.

Casual lang ang getup niya ngunit pawang branded lahat mula sa sports shirt, baller ID, medyas, at gel shoes. Sino ang mag-aakala na ang madalas na pawisan at putikang magsasaka noon ay mukha nang fashion model ngayon?

Sumungaw sa pinto ng men’s boutique ang Kuya Norman niya at pinasadahan siya ng tingin. Hindi niya mabasa sa mukha nito kung natuwa sa transformation niya o disappointed pa rin.

“Ready ka na, Ovi? Si Selmo na ang maghahatid sa iyo sa speech center,” sabi nito na ang tinutukoy ay ang driver. “I need to get back to the office now. Magkita na lang tayo sa bahay mamaya.”

“Sige, Kuya. Salamat.”

Noon lang ito ngumiti, sabay kiling ng ulo bilang tugon.

Nang wala na ito, kinausap siya ng nakangiting manager ng men’s boutique. Ibinigay sa kanya ang mga hawak na magazine. “Dalhin mo ang mga magazine na 'yan. May ilang pointers diyan na makakatulong sa iyo para matutuhan mo ang tamang dressing up sa bawat okasyon, pati na rin ang pagmi-mix and match ng kulay ng mga damit na isusuot mo. Mr. Mondragon has already taken care of the bills.” Lumawak ang ngiti nito. May palagay siya na madalas doon ang kapatid niya. “May nakadikit na calling card sa likod ng mga magazine. Kung may mga tanong ka, don’t hesitate to call us.”

“Salamat po.”

“You’re welcome.” Kinamayan siya nito. “So, good luck on your new clothing adventure.”

Muntik na siyang mapangiwi. “Adventure” nga sigurong matatawag ang pagbabagong bihis niya. Samantalang dati, halos hindi niya pinag-iisipan kung ano ang isusuot niya, kung baduy ba iyon o tama ang kombinasyon ng mga kulay. Hindi naman kasi mai-impress ang mga kalabaw at maya Lo f bukid maganda man o gula-gulanit ang damit niya.

Bago siya umalis ng boutique ay muli niyang sinulyapan ang ayos niya sa mirror panelling. Guwapo na siyang tingnan. Hindi nga lang siya gaanong komportable sa pagbabagong-anyo niya. Mas sanay siya sa butas-butas na T-shirt at kupasing shorts. Napapabuntong-hininga siya habang palabas ng boutique. Maliit na kabayaran lang iyon sa napakalaking utang-na-loob niya sa kanyang Kuya Norman.

SAMPUNG taong gulang si Beethoven nang ipagtapat ng nanay niya na si Elizabeth na hindi totoong patay na ang kanyang ama. Naanakan lang daw ito ng isang negosyanteng madalas na kumakain sa restaurant na pinaglilingkuran nito noon sa Maynila bilang waitress. 

Nang malaman daw ng negosyanteng iyon na buntis ang nanay niya ay inalok ito ng lalaki na ibabahay ito sa isang apartment. Hindi raw nito mapapakasalan ang nanay niya dahil may sariling pamilya na ito.

Nakonsiyensiya ang nanay niya nang malaman na may asawa na ang nakabuntis dito. Kaya imbes na patuloy pang makisama sa tatay niya ay walang paalam na umuwi na lang ito sa probinsiya sa Isabela. Mula noon ay hindi na nagkita ang nanay at tatay niya. Hindi na rin nag-asawa ang nanay niya. Sa halip ay itinuon na lang nito ang panahon sa pagpapalaki sa kanya. Nagtinda ito ng mga kakanin tulad ng tupig at balala upang buhayin sila. Pinagyaman din nito ang dalawang ektaryang sakahan sa Quezon, Isabela ng lolo niya na huminto na sa pagsasaka dahil sa katandaan.

Habang lumalaki siya, ilang ulit niyang tinangka na alamin sa nanay niya ang kinaroroonan ng kanyang ama. Ngunit naging matigas ito na hindi iyon ipaalam sa kanya. Nagkamali na raw ito nang pumatol sa isang lalaking may-asawa. Dagdag na pagkakamali pa raw kung magugulo ang tunay na pamilya ng tatay niya kapag bigla na lang siyang lumitaw sa buhay ng kanyang ama.

Dahil sa pasyang iyon ng nanay niya ay nagkaroon ng munting hinanakit sa puso ni Beethoven. May karapatan din naman siya na malaman ang kanyang pinagmulan. Tulad ng ibang tao na lumaki nang hindi nakasama ang isa sa mga magulang, gusto rin niyang mabuo ang kanyang pagkatao. Ngunit iginalang niya ang nais ng kanyang ina.

Noong isang linggo, isang taon pagkatapos niyang maka-graduate ng high school ay biglang dumating sa kanila ang isang lalaki na sakay ng isang magarang SUV. Nagpakilala ito bilang Norman Mondragon. Anak daw ito ni Napoleon Mondragon.

Namutla ang nanay niya nang marinig ang pangalang sinabi ni Norman. Mabilis na  nagpaliwanag ang lalaki. Naroon daw ito bilang pagtupad sa pangako nito sa ama na dalawang buwan nang namamayapa. Bago raw malagutan ng hininga ang ama nito ay hiniling na hanapin ni Norman si Elizabeth Madamba at ang naging anak nito roon. Sa tulong daw ng private investigator ay naging mabilis ang paghahanap nito.

Naging mabilis din ang mga pangyayari. Kinilala siyang kapatid ng Kuya Norman niya. Isinasama sila nito ng nanay niya sa Maynila pero siya na lang ang pinasama ng kanyang ina. Kahit patay na ang ama niya ay ayaw pa ring makagulo ng nanay niya sa tunay na pamilya nito, lalo pa at nalaman nitong buhay pa ang tunay na asawa ng ama niya—ang ina ni Kuya Norman na si Blanca.

Kaya lang daw siya pinayagan ng nanay niya na sumama sa kuya niya ay para sa kanyang kapakanan. Batid niya na mahirap para sa nanay niya na magkahiwalay sila. Pero hindi siya kayang pag-aralin nito sa kolehiyo. Sa tulong daw ng kuya niya ay tiyak ang kinabukasan niya. Nangako kasi ang kuya niya na pag-aaralin siya sa alinmang unibersidad na gugustuhin niya.

Noon din ay iniwan niya ang kinamulatang lugar sa Quezon, Isabela para lumuwas sa Maynila. Isinama siya ng kuya niya sa bahay nito sa Forbes Park. Noong una ay nag-aalangan siya. Napanatag lang ang loob niya nang sabihin na hindi roon nakatira ang ina nito kundi sa ancestral mansion ng mga ito sa New Manila.

Binihisan siya ng kuya niya. Ibinigay nito ang lahat ng pangangailangan niya. In-enroll siya nito sa isang personality development school. Doon niya ginugol ang buong summer vacation niya.

Natuwa ang kuya niya nang malaman na Business Administration ang kursong gusto niyang kunin sa kolehiyo. Isang buwan na siya sa poder nito nang malaman niya kung bakit. Bilyonaryo pala ito at napakarami nitong mga negosyo. At kailangan nito ng makakatulong para lalo pang palaguin ang mga negosyong iyon. Sa isang iglap, mula sa pagiging mahirap ay nagbuhay-mayaman siya. Lahat ng kailangan niya, hindi pa man niya hinihingi ay ibinibigay na ng Kuya Norman niya. Lingid sa kaalaman ng ina nito, pati ang nanay niya ay tinulungan nito sa mga pangangailangang pinansiyal.                  

Hot Intruder, The Gorgeous TrespasserTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon