CHAPTER FIVE
NAPATAYO si Grace pagkalipas nang ilang saglit na pagkatigagal. “I-ikaw si Beethoven Mondragon?” hindi pa rin makapaniwalang tanong niya.
“Ako nga,” kumpirma nito na tila naaalibadbaran dahil tinawag niya ito sa buong pangalan. “But you can call me 'Ovi.’ Iyon ang tawag sa akin ng lahat.”
Kahit nakakapagpabaligtad pa rin ng puso ang gandang lalaki nito ay mas lamang ang inis niya rito. “At ikaw ang Akyat-bahay na pumasok noon sa rest house.”
Naging comical na ang ngiti nito. “Ahm… I told you nananaginip lang ako noon kaya ko nagawa iyon.”
Dinuro niya ito. “Don’t tell me na may kinalaman ka sa pagkakapalit ng mga passport natin. Mayaman ka at kaya mong bayaran ang forwarder para—”
“Hold it, lady,” putol nito sa pagsasalita niya. “Ano naman ang mapapala ko kung totoong ginawa ko ang ibinibintang mo? Isipin mo nga. Kailangan ko rin ang passport ko. Malaking abala sa akin ang nangyari at malaking risk na rin dahil malay ko ba kung maisipan mong gupitin 'yon o sunugin?”
Huminga siya nang malalim. “Okay. Granted na hindi mo nga sinuhulan ang forwarder para gawin ang error na iyon, pero bakit pinahirapan mo muna ako nang pagkatagal-tagal bago ka nakipagkita sa akin? Alam mo bang halos atakihin na ako sa stress dahil dalawang linggo nang delayed ang passport ko?”
Bahagyang itinaas nito ang dalawang kamay na para bang pinapakalma siya. “Grace, huminahon ka. Magpapaliwanag ako. Please lang, maupo ka uli.”
Batid niya na walang mangyayari kung aawayin agad niya ito. Naisip din niya nasa mga kamay pa nito ang passport niya. Hawak nito ang isang bagay na pag-aari niya at wala siyang magagawa kung hindi nito ibibigay iyon sa kanya. Kaya pinilit niyang kumalma. Umupo uli siya sa silya. Umupo na rin ito sa katapat na silya.
“Nagulat din ako na ibang passport ang dumating sa akin,” sabi nito na tila nagpapaunawa. “Kaya nga pumunta agad ako sa address mo na nakalagay sa passport. Intensiyon ko talaga na ibigay iyon sa iyo. Kaya lang, wala ka sa inyo nang pumunta ako.”
“Pero bakit hindi ka na bumalik? O kahit sana nagpakita ka man lang sa akin noong pumunta ako sa bahay ninyo at doon sa office mo. Ang kaso, tuwing pupuntahan kita, lagi kang wala sa inyo at wala ka rin sa office. Kumbinsido na nga ako na pinagtataguan mo ako.”
Tiningnan siya nito sa mga mata. “May nabanggit kasi sa akin si Chang nang pumunta ako sa inyo…”
Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Nakaramdam siya ng pagkailang na makipagtitigan dito. Iniisip niya kung ano ang puwede niyang gawin para mamanhid muna siya sa sobrang kaguwapuhan nito. Sa matangos na ilong na lang nito niya itinutok ang tingin. “A-ano’ng nabanggit niya?”
“Ikakasal ka na raw sa fiancé mong Amerikano sa New York. Naisip ko kaagad na…” Umiling-iling ito. “Hindi ko alam kung paano sasabihin ito sa iyo, Grace.”
“Ang alin?” naguguluhang tanong niya. Ano ba ang hindi nito masabi-sabi?
Imbes na sagutin siya ay inilabas nito ang cell phone sa bulsa. Pumindot ito roon at tumitig na naman sa kanya. Biglang umalingawngaw ang ringtone ng cell phone niya.
“Sorry, nakalimutan ko palang ilagay sa Silent mode ang cell phone ko,” hinging-paumanhin niya. Dali-daling kinuha niya ang kanyang cell phone at sinagot ang tawag. “Hello?”
“Hello…”
Napatingin siya kay Beethoven.
“I woke up today, and my ribs felt bruised from thinking so hard about you. I wish I were your fiancé. 'Wish it was me you really loved. 'Cause I love every detail about you. How you struggle for breath after a long hike. How you endeared yourself to me with your not-so-gentle karate chops when you discovered I was cheating you on the board game…”