AKO AT SIYA

8 0 0
                                    

Theme: Depresyon

AKO AT SIYA

Nakaupo sa isang sulok at nagmumukmok;
Isang lalaking masiyahin pero marupok.
Taglay ang karangyaan at kasikatan sa buhay-
Tagumpay, ambisyon at nangunguna sa kanyang hanay.

Sinubok ng panahon sa mga karanasan,
Karanasan na puno ng pait at kalungkutan noong kanyang kabataan.
Kabataan na hinubog ng sirang pamilya at malulungkot na alaala.
Alaala ng hinagpis, ng kalituhan at maging kamalasan.

Sino ba ang may gusto sa kanyang sinapit?
Na kahit gusto nang bumitaw ay walang masambit.
Sino ba ang gustong tumulong sa taong may depresyon?
Na kahit gusto mo at natin tumulong ay para lamang itong lason na unti-unti kang nilalamon.
Sino ba ang ayaw gumaling sa kanyang kinasadlakan?
Na gustong makaalpas o masilayan man lang ang laylayan ng liwanag at kaginhawaan.

Ako ay simple lamang at hindi naiiba sa kanila;
Mabait, masiyahin, mapagmahal sa pamilya at kanyang kapwa.
Puno ng ngiti, pangarap at pagasa para sa hinaharap-
Matalino, responsable at walang bakas ng kahit isang kusing na hirap.
Ako na akala ng nakararami ay maayos na binata.
Ako na bukas at malawak ang kaisipan sa tingin ng iba.

Siya naman ay puno ng inggit sa kanyang sarili;
Siya na puno ng galit, walang sinasanto at pinipili.
Hindi bale nang kitlin ang buhay at personal na pangarap,
Dahil ang mamuhay sa likod ng mga ngiti ay puno nang pagpapanggap.
Nakaririnding kalungkutan ang patuloy siyang winawasak-
Saksi ang mga bangungot at mga araw na hindi siya makatulog.
Siya na tumatangis at sumisagaw ng tulong.
Wala man lang pumapansin habang ang mga buwan at taon ay gumugulong.

Ako na kuntento sa buhay na nakasanayan;
Siya na lumaki sa pamilyang walang pagmamahalan.
Ako na puno ng pintura ang mukha sa mga sosyalismo at ideyalismo;
Siya na patong-patong ang punyal na nakatarak sa kanyang puso at pagkatao.

Hindi na nakapagtataka kung laging may pagkukumpara.
Hindi na nakapagtataka bakit hindi natin nakikita-
Ang mga pasakit, ang mga dalamhati, ang mamuhay sa kawalan.
Ang magkaroon ng iba't-ibang personalidad na nililok ng depresyon sa ating kamalayan.

Ako at siya ay hindi naiiba,
Dahil sa iisang katawan kami ay nananahan.
Ako at siya ay hindi naiiba.
Dahil ako at siya, ay iisa.

©Chesz Dylan

PoemstagramWhere stories live. Discover now