[Hindi] Malaya

7 0 0
                                    

[Hindi] Malaya
©Chesz Dylan

Sa karimarimarim na nakaraan,
Ay nakabusal ang bibig at sapilitan--
Na tinatakpan ang mga mata.
Upang huwag makawala--
Ang kahit isang tinig ng mamamayan.
Tinig ng pag-asa, patungo sa kasarinlan.

Iginapos sa huwad na rebulto--
Idelohiya, kolonya at katekismo.
Niyurakan ang mga puntod ng mga ninuno,
At dumanak ang maraming dugo.
Dugo ng mga dukha, at mga yagit na taumbayan--
Na nagaklas dahil ang tanging hangad ay kapayapaan.

Hindi pasisiil sa mga dayuhang manlulupig,
Sa lupang hinirang, kasarinlan ang bukambibig.
Sa nabubukod-tanging perlas ng Silangan--
Nagbunyi at iwinagayway ang watawat ng abang bayan.
Malaya na tayo sa mga pangil ng dayuhan--
Sakim, nangkamkam at ganid sa kapangyarihan.

Ngunit malaya na ba tayo pagkatapos noon?
Malaya na ba ang maraming Pilipinong kahit saan pumaroon--
Ay tangan pa rin ang tanikala ng kahapon?
Sa bulok na sistema ng mga akala mo'y poon;
Mga elitista, mga taksil at nagbabalat-kayong alagad ng rebolusyon--
Na ang tanging layunin ay pagkahati-hati, baluktot na kalayaan at huwad na solusyon.

#ArawngKalayaan2018

PoemstagramWhere stories live. Discover now