Chapter 6

7.3K 156 15
                                    

CHAPTER SIX

KUMUYOM ang mga kamay ni Nessah pagkakita niya kay Allen. Nakaramdam siya ng ngitngit ng makita niyang may kausap itong babae. At hindi lang basta nag-uusap ang mga ito. Nakahawak pa ang babae sa bewang ni Allen. Mukhang gustong-gusto naman ng huli ang ginagawa ng babae.

Pinuntahan pa naman niya ito sa agency para sorpresahin pero naiinis lang siya sa nakita. Gusto niyang sabihin rito na iimbitahan niya ito sa grand opening ng Booksmile. Iyon ang ipapangalan niya sa bookstore. With its caption, "The Happy Bookstore" Pinag-isipan niya ang pangalang iyon. May dating para kaagad na maalala ng mga tao. Masaya siya na tapos na ang construction. Nag-aayos na lamang sila ng mga gamit sa loob. Naayos na rin niya lahat ng mga dokumento para sa Booksmile. Isang linggo na lang at magbubukas na ang negosyo niya kaya excited na siya.

Sinabi sa kanya ni Allen na mawawala ito ng isang linggo dahil may photo shoot ito sa isang resort na malayo sa Manila. Kinalkula niya ang mga araw. Saktong pagdating nito ay grand opening ng Booksmile. Bukas ang alis nito kaya personal niya itong pinuntahan para sabihin rito ang pakay niya.

Pero naiinis siya sa naabutan. Nakasalubong niya kanina si Josh. Nagtanong siya rito kung nasaan si Allen. Itinuro naman nito kung nasaan ito. Naabutan rin niya ang ilang mga tao roon na abala sa kanya-kanyang mga gawain.

Hindi na siya nagdalawang-isip pa. Boyfriend niya si Allen at hindi siya papayag na may kumalantiri ritong ibang babae. At bakit bigla siyang nakaramdam ng ganoong possessiveness? Ipinilig niya ang ulo. Hindi niya alam ang sagot.

Kinalma niya ang sarili at matamis ang ngiting lumapit siya sa mga ito.

"Hi, Honey." Ikinawit niya ang kanyang mga kamay sa batok ni Allen at hinalikan niya ito sa pisngi. Pero dahil lumingon ito ay sa gilid ng mga labi nito tumama ang mga labi niya.

Natigilan siya at nanlaki ang mga mata. Nakita rin niya ang pagkagulat sa mukha ni Allen. Ano bang pumasok sa isipan niya at ginawa niya iyon? Pero wala siyang naramdamang pagsisisi bagkus ay tila may kuryenteng dumaan sa katawan niya sa simpleng bagay na ginawa niyang iyon. Saglit lamang iyon pero nagdulot iyon sa kanya ng kakaibang damdamin.

Nang mahimasmasan siya ay mabilis siyang kumalas kay Allen. Pero laking gulat niya ng hapitin siya nito sa bewang. Tinignan siya nito at matamis na ngumiti sa kanya. Naramdaman na lamang niyang masuyong hinalikan nito ang pisngi niya. Nalaglag yata ang puso niya sa ngiting iyon.

"Hi honey," hindi maalis ang ngiti nito sa mga labi. Siya naman ay parang timang na natulala rito. "Honey, she's Mildret. And Mildret, she's Nessah, my girlfriend."

Tinignan niya ang babae na parang hindi makapaniwala sa nakita. Maging siya ay hindi makapaniwala na ipinakilala siyang girlfriend nito. But deep inside her she was happy.

"Oh! Hi Nessah. Nice meeting you," masiglang bati ng babae. Pero alam niya na kaplastikan lang iyon. Marunong siyang bumasa ng mukha ng tao at nakikita niya iyon rito.

"Hi Mildret," ganting bati niya at ngumiti ng matamis rito.

"Mauuna na ako Allen. May photo shoot pa ako. Bye Nessah," paalam ni Mildret. Mukhang sumama ang timpla nito.

Tumango siya rito at sinundan niya ito ng tingin palabas. Nang makalabas na ito ay hinarap niya si Allen.

"Whoa! Honey, that was tough," bulalas nito. "Kanina ko pa nga siya gustong paalisin dahil ang kulit-kulit niya. Buti na lang dumating ka. You're my savior," kinindatan pa siya nito.

The Love Confessions (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon