Abala ako sa pagpulot ng sandamakmak na kalat sa sementeryo. Ganito ang trabaho ko sa tuwing sasapit ang araw ng mga patay at kapag kinahapunan naman ay iipunin ko ang mga natirang kandila. Naagaw ng pansin ko ang isang babaeng nakasalampak sa damuhan, umiiyak ito habang hinihimas ang lapida na mahahalatang kumupas na ang pintura. Bigla akong nakaramdam ng pagdadalamhati sa kanya. Alam ko kasi 'yong pakiramdam nang mawalan ng mahal sa buhay. Pero ang mas napansin ko ay ang kanyang pag-iisa. Lahat ng bumibisita rito ay kasama ang mga pamilya at kamag-anak pero siya... mahahalata mo ang nakabalot na kalungkutan.
Nilapitan ko siya, binaba ang sakong hawak-hawak at tumabi sa kanya. Bahagya pa itong nagulat nang tabihan ko siya.
"Alam mo 'wag ka na umiyak... tiyak na hindi niya gugustuhin na malungkot ka." sambit ko at binunot ang mga damong nakapalibot sa puntod. Inalis ko ang mga tuyong dahon na nakalapat sa lapida.
"Salamat." Ngumiti siya dahilan para lumabas ang maliit na butas sa kanang pisngi nito.
Ang ganda niya. Masilayan ko lang ang ngiti niya ay masasabi kong nasa kalawakan na ako. Dahil nasa harap ko ngayon ang makinang na tala.
"Bakit nga pala nag-iisa ka lang?" tanong ko sa kanya na nagpalungkot muli sa mala-anghel na mukha niya.
"Mag-isa na lang ako... iniwan na nila. Wala nang nakakaalala e," sambit niya.
"Annicka Reyes, Died on July 05, 2015..." Malakas kong basa sa pangalan na nakasulat sa lapida.
"Anong pangalan mo?" biglang tanong niya at pinagpag ang damong kumapit sa puti niyang palda.
"Kevin Angelo, ikaw?"
"Tawagin mo na lang akong Keykey!" masiglang turan niya.
Tumayo siya at lumapit sa dala kong sako.
"O, ano tara tulungan na kita."
Simula no'n ay palagi ko na siyang kasama. Araw-araw naming pinupuno ng bulaklak ang puntod na palagi niyang binibisita.
Siya rin ang kasama ko sa tuwing magpapalinis ng bakuran ang aming kapit-bahay. Marami na rin akong nalaman sa kanya at unti-unti na kong napapalapit sa isang paruparo. Naisip ko nga hindi kami bagay, siya ay paruparo pero hindi ako ang bulaklak na marapat niyang dapuan at mahalin. Isa lang akong damong ligaw na sa hardin ay ninanais na bunutin.
YOU ARE READING
#MCSSWC2018 | CLOSED
RandomThis is the SHORT STORY ENTRIES SECTION. All entries will be JUDGED ANONYMOUSLY. Your entries will be judged by our Panel Judges with the following criteria: (1) The Idea behind the Story - 20 Points (2) Structure/Plot of the Story - 20 Points (3)...