Author's Note:
Being a Swiftie gives me more reason to write more short stories. I suggest you to listen to her Come Back... Be Here song while reading this. Thank you!
***
Come Back... Be Here
Sa tuwing maaalala ko yung una nating pagkikita, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Sa tuwing maaalala ko lahat ng mga pinagsamahan natin, sari-saring emosyon ang nararamdaman ko pero sa huli, wala akong ibang magawa kundi ang umiyak dahil lahat nang yun ay magiging alaala na lamang na minsan sa buhay ko ay naranasan kong maging masaya talaga.
Naalala ko pa yung una mong pagdating sa village namin. Sa totoo lang hindi naman ako interesado nun dahil kontento na akong ikulong ang sarili ko sa kwarto maghapon. Kaya lang mula sa tahimik kong pagbabasa ng libro nun ay biglang sumigaw si Mama mula sa labas ng kwarto ko at sinabing may bago daw kaming kapitbahay. Nainis pa ako nun sa kanya dahil excited na excited sya kahit na wala naman ka-excite-excite kaya padabog akong lumabas ng kwarto at sumigaw, "Mama, pakihinaan naman po ng boses nyo!"
Nagulat pa ako nun dahil di ko alam na may bisita pala si Mama, at kayo yun ng Mama mo. Tiningnan nyo lang ako nun pareho ng Mama mo na alam kong nagulat din habang si Mama naman ay pinanlakihan ako ng mata dahil sa bigla kong pagsigaw kaya kaagad akong bumalik sa kwarto ko sa takot na mapagalitan ako sa harap nyo, pero bago ko yun ginawa ay hindi nakaligtas sa pandinig ko kung paano mo ako tinawanan sa nangyari at sinabing, "Ang cute nya."
Lumipas ang ilang araw nun, di na kayo ulit pumunta sa bahay at sa halip ay si Mama na lang ang pumupunta sa inyo. Di na ako nagtaka nun dahil alam kong yung ginawa kong pagsigaw sa harap nyo ng Mama mo ang dahilan kung bakit si Mama na ang pumupunta senyo. Alam kong nahiya sya nun sa nangyari kaya nagulat ako nang makita kita sa harapan ng bahay namin at kumakaway nang may malapad na ngiti sa labi. Tinawag mo ang Mama ko kahit na ako ang nasa may pintuan at nakikita mo nun. Aaminin ko, nainsulto ako nun sa ginawa mo kaya kahit na sigaw ka na nang sigaw ay di ko tinawag si Mama na abala nun sa pagluluto at di binuksan ang gate, sa halip ay nilagay ko pa sa tenga ko ang earphone ko kahit na wala itong tugtog para makapagpanggap na di kita naririnig. Natatawa pa ako sa tuwing maaalala ko kung gaano ako pinagalitan ni Mama dahil sa ginawa kong yun.
"Bakit di mo binuksan ang gate?" Tanong mo sakin nang pagbuksan ka ni Mama.
Di naman kita sinagot nun dahil naka-earphone pa ako at nagkukuwaring di ka naririnig kaya nagulat ako nang bigla mong kinuha ang earphone ko at kaagad na nilagay iyon sa tenga mo. "Wala naman 'tong tugtog e. Ganito pala mga trip mo." Tatawa-tawang sabi mo nun na ikinainis ko naman ng sobra kaya inagaw ko agad sayo ang earphone ko at sinigawan ka, "Ano bang pakialam mo?"