Chapter Two

6.7K 218 6
                                    

GINANDAHAN ni Kisa nang husto ang pagkakasulat niya sa mabango at maganda niyang stationery. Gumagawa siya ng love letter para kay Stone.

My beloved Stone,

Hi! I exist. You can fall in love with me too, you know.

"Okay na kaya 'to?" Itinaas niya ang sulat at itinapat sa table lamp sa tabi niya. Napabungisngis siya. "Short but sweet."

May narinig siyang mga katok sa pinto ng kanyang kuwarto. Mayamaya pa ay sumungaw ang nakangiting mukha ng kanyang ina. "Kisa, anak, kakain na."

"Sandali na lang, 'Ma. May tatapusin lang ako."

Pumasok ito sa kuwarto niya. "Ano ba 'yang ginagawa mo?"

She giggled. "Love letter, 'Ma."

Tumaas ang isang kilay nito. "Love letter? Aba, at sino naman ang lalaking pagbibigyan mo niyan, ha?"

Tinakpan niya ang ginagawang sulat. "Secret muna, 'Ma. Sasabihin ko na lang sa 'yo kapag kami na."

Pabirong piningot siya nito. "Naku, ikaw talagang bata ka! Huwag na huwag mo lang pababayaan ang pag-aaral mo. Naiintindihan mo?"

Natawa siya. "Oo naman, 'Ma. Nasa dean's list yata 'tong anak mo, isa sa pinakamatatalino sa Business Management."

Masuyong ginulo nito ang buhok niya. "That's my daughter." Pero bigla ring napalitan iyon ng pag-aalala.

"Ano'ng problema, 'Ma?" tanong niya.

"May ipinadalang regalo ang papa mo sa 'yo. Gusto mo bang makita?"

Napalis ang ngiti niya. "Pakibalik sa kanya. Hindi ko kailangan ang regalo niya."

Bumuntong-hininga ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Anak, kailan mo ba balak harapin at kausapin ang papa mo?"

"'Ma, tatapusin ko muna 'tong love letter ko. Susunod na lang ako sa kusina," sabi niya sa halip na sagutin ang tanong nito.

Her mother sighed in defeat. Alam nitong ayaw na niyang pag-usapan ang tungkol sa kanyang ama. "O sige. Bilisan mo na lang diyan at baka lumamig na ang pagkain." Narinig niya ang marahang pagbukas at pagsara ng pinto, tanda na nakalabas na ito ng kuwarto.

Napabuga siya ng hangin nang mapag-isa siya. Dumako rin ang tingin niya sa maliit na salamin na nakapatong sa mesa. Kasunod niyon ay kinapa niya ang peklat sa kanyang mukha. Nakuha niya iyon sa isang aksidente noong dose anyos siya. Nasagasaan siya ng isang humaharurot na van. Nasugatan siya ng nabasag na piraso ng salamin at nag-iwan iyon ng mahabang peklat. Ang pagsubaybay niya sa kanyang ama ang dahilan ng aksidenteng iyon.

Nagba-ballet siya noong bata pa siya. Naging bida siya noon sa ballet dance ng eskuwelahan nila na ang pamagat ay "Swan lake." Noong mga panahong iyon ay hindi pa niya naiintindihan kung bakit hindi na umuuwi sa bahay nila ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay busy ito sa trabaho nito. Isa itong piloto.

Nangako ang kanyang ama na manonood ito ng play niya nang araw na iyon. Pero hindi ito nagpakita. Hanggang sa narinig niya ang pagtsitsismisan ng mga magulang na dumalo para manood ng ballet. Ang sabi ng mga ito ay may iba na raw pamilya ang kanyang ama at may anak na rin daw ang kinakasama nitong babae. Nang banggitin ng isang nanay ang pangalan ng eskuwelahan na pinapasukan daw ng anak ng babae ng kanyang ama, naantig ang kuryosidad niya at agad niya iyong pinuntahan. Matagal pa ang simula ng palabas kaya may oras pa siya para makita ang batang tinutukoy ng mga ito.

Nag-taxi siya para mabilis siyang makarating sa eskuwelahan ng bata. Pagbaba niya ng taxi ay nagimbal siya sa nakita niya sa gate ng eskuwelahan. Naroon ang kanyang ama at masayang nakikipagkuwentuhan sa isang magandang babae na naka-wheelchair. Nasa gitna ng mga ito ang isang batang babae. Kulot ang mahaba nitong buhok at tulad niya ay nakasuot din ito ng pink ballet dress. Nakatalikod sa kanya ang bata kaya hindi niya nakita ang hitsura nito.

Miss Ugly Duckling Chases Mr. Bangko (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon